Chapter 7: Invisible

8 1 0
                                    

Dahil natagalan ako ng uwi nung Lunes, pinilit kong maging maaga sa mga sumunod na mga araw. Nasanay na akong gumising ng mas maaga para makasabay kina Tito. At sa hapon naman, umuuwi na ako agad pagkatapos ng last period kahit na madalas dala ni Dominic ang gitara niya. Gusto kong makasama ng matagal si Miguel pero ayaw kong mag-iba ang tingin ni Tita Martha sa akin. Ayaw ko ding may marinig si Mama na hindi maganda tungkol sa akin.

"Siya ba yung Jayda?" bulong na tanong ni Rhea.

Nasa canteen kaming tatlo nina Ella at nakapila para bumili ng burger. Hindi masyado maraming estudyante dahil hindi pa naman oras para sa recess. May seatwork lang na pinagawa ang Filipino teacher namin kaya nakalabas kami ng classroom.

Napatingin kami ni Ella sa babaeng tinutukoy ni Rhea. Medyo kulot ang buhok nito, maputi, matangos ang ilong, at kahit hindi masyadong matangkad, bagay pa rin sa kanya ang height niya. May dala siyang mga libro at papunta ata sa library.

"Oo. Maganda, 'di ba?" si Ella ang sumagot. "Tingin niyo, may chance si Miguel diyan?"

Nagulat ako sa tanong ni Ella. "Nililigawan ni Miguel?" hula ko kahit na ayaw ko namang itanong.

"Hindi mo ba nakita ang mga post ni Miguel? Crush niya 'yan," pagpapaliwanag ni Ella. "Na love at first sight ata nung nanuod sila ni Dominic ng dance contest. Ang galing daw niyan sumayaw."

Natahimik ako. Nag init ang sulok ng mga mata ko. Sumikip din bigla ang dibdib ko. Bakit pakiramdam ko, niloko ako. Umasa ata ako masyado. Alam kong hindi tamang maramdam ang ganito pero hindi ko mapigilan. Naging mabait lang naman siya sa akin at ako lang naman ang nag-iisip na mayroong iba sa pakikitungo niya. Pero hindi ko maiwasang magalit sa kanya.

Ang sarili ko dapat ang sisihin ko. Ako kasi ang umasa. Ako ang nahulog kahit na wala namang kasiguraduhan. Sana pala nung una pa lang, hindi ko na siya binigyan ng espasyo sa isipan ko. Kasi ngayon, sobrang nasasaktan ako.

Tiningnan ko agad ang Facebook timeline ni Miguel pagdating ko sa bahay. Base sa mga post niya, hindi pa naman niya nililigawan at mukhang hindi pa nga siya kilala ni Jayda. Pero sa huli, may iba pa rin siyang gusto. Hindi ako.

Dumating ang Biyernes at pauwi na ako nang makasalubong ko si Miguel. Palabas na ako ng classroom namin at siya naman ay papasok bitbit ang ilang mga papel. May pinapa-check siguro si Sir Walter. Ngayon ko lang ulit siya natingnan ng ganito kalapit. Simula nung nalaman ko ang tungkol kay Jayda, pilit na akong umiwas sa kanya.

"Uwi ka na?" tanong ni Miguel.

"Oo. Kita na lang tayo sa Lunes."

"Sige. Ingat."

Kumaway na ako sa kanya at lumabas na ng tuluyan.

Mawawala din siguro 'tong nararamdaman ko para sa kanya kung iiwas ako. Madali lang naman siguro. Hindi nga ako nasaktan nung naghiwalay kami ni Jeric. Crush ko lang naman ata siya, di ba? Mawawala din 'to.

Pagdating ko sa bahay, ang pamilyar na boses ni Mama ang una kong narinig. Kinabahan ako bigla. Nasabi kaya ni Tita Martha na pumunta ako sa amusement park kasama ang mga kaklase ko? Ilang araw na rin ang lumipas mula nun pero posible pa rin.

Hinanda ko ang sarili kong mapagalitan ni Mama. Pero nang nagtama ang mga mata namin, isang malawak na ngiti ang nakaabang sa akin.

Mukhang hindi pa nangyayari ang kinatatakutan ko. Mabait naman si Mama. Pero ayaw na ayaw niyang gumagala ako. Simula bata pa lang ako, nakapirmi lang ako sa bahay. Wala akong masyadong kaibigan sa mga kapitbahay namin kaya hindi ako madalas nakikipaglaro sa kanila. Ayaw din naman ni Mama na lumalabas ako ng bahay. Nang nag high school ako, mas naging attach ako sa mga kaklase ko at madalas ako pumupunta sa bahay nila pero palaging nagagalit si Mama. Wala daw akong panahon sa mga ganun kasi dapat akong mag focus sa pag-aaral.

Our SongsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon