Chapter 10: Wanted

2 0 0
                                    

Friday ng hapon, nakapag-desisyon na ako.

Magtatapat na ako kay Miguel. Bahala na kung masaktan man ako sa sasabihin niya. Handa na akong makinig. Masasaktan ako pero baka ito lang ang paraan para makamove on. Baka ito ang maging dahilan para unti-unti ko ng makalimutan ang nararamdaman ko para sa kanya. Baka closure lang talaga ang hinihintay ko.

Kami ulit ang cleaners pero sinadya ko talagang mas magpahuli pa ng uwi para makasabay ko si Miguel. Kanina pa nakauwi ang ibang kaklase namin at nakikinig lang ako ng music habang naghihintay sa kanya.

♫♫ As good as you make me feel
I wanna make you feel better
Better than your fairy tales
Better than your best dreams
You're more than everything I need
You're all I ever wanted
All I ever wanted 
♫♫

Paminsan-minsan akong sumasabay sa kanta para maibsan ang kaba ko. Pero nang dumating si Miguel galing sa faculty room, nawala lahat ng plano kong sabihin nang makita kung sino ang kasama niya.

"Oh, Althea, nandito ka pa pala?" tanong ni Miguel.

Palipat-lipat ang tingin ko sa kanila ni Cindy. Bakit nandito si Cindy? Anong meron?

"May pinapa-check si Sir Mendoza sa amin ni Cindy," sabi ni Miguel na para bang narinig niya ang tanong ko.

"Ah ganun ba. Sige una na ako." 

Mabilis kong sinuot ang bag at tumayo na para umalis. Dire-diretso akong lumabas ng classroom namin. Gusto ko ng makauwi agad. Buti na lang wala na masyadong estudyante dahil nararamdaman ko na naman ang mga luha ko.

Hangang kailan ko ba sasayangin ang luha ko para sa kanya? Hindi naman ako iyakin. Hindi nga ako umiyak nung naramdaman kong miss na miss ko na ang pamilya ko. Pero bakit kapag tungkol kay Miguel, ang bilis tumulo ng luha ko?

"Althea!" 

Pababa na ako ng hagdan nang marinig ko ang tawag ni Miguel. Pero hindi ko siya pinansin. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Alam kong pulang-pula na ang mga mata ko at ayokong makita niya akong ganito. Pero ng nasa second floor na ako, naramdaman ko ang kamay ni Miguel sa braso ko at hinila niya ako paharap sa kanya.

Kunot-noo niya akong tiningnan. "May problema ba?"

Huminga ako ng malalim at ngumiti sa kanya. "Wala. Bakit? May kailangan ka?"

Mula sa pagkakahawak sa braso ko, tinaas niya ang kamay niya at nagulat na lang ako ng pinunasan niya ang mga luha ko. Hindi ko alam na tumutulo na pala ang mga luha ko. Humakbang ako paatras para makalayo sa kanya pero mabilis niyang hinawakan ang kamay ko. Sinubukan kong kumalas pero mas hinigpitan niya ang pagkakawak.

"Bakit ka umiiyak?" seryoso niyang tanong.

"Wala." Pinaypayan ko ang mukha ko gamit ang malayang kamay. Sana naman tumuyo na ang mga luha ko. Pinapahiya ko lang ang sarili sa harap ni Miguel.

"Magsisinungaling ka na naman ba Althea?"

Natigilan ako sa sinabi niya at agad nag-iwas ng tingin. Pilit naman niyang hinuli ang mga mata ko pero agad ko namang binalik ang tingin sa baba. Ngayon ko lang napansin na may putik pala ang sapatos ko.

"Ba't hindi ka makatingin?"

Hindi pa rin niya binibitiwan ang kamay ko. Ramdam niya kaya ang bilis ng tibok ng puso ko? Hinanda ko ang sarili ko para magtapat sa kanya pero hindi ganito ang nasa plano ko.

"Hindi mo ba sasagutin ang tanong ko? Ba't ka nga umiiyak?"

Nanatili akong nakayuko.

"Si Cindy ba? Bakit? Nagseselos ka ba?"

Our SongsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon