Chapter 37

1.4K 40 11
                                    


| Meeting |
___


"May naisip ako."


Napalingon akong muli sa screen nang marinig iyon mula kay Kathleen. Kinuha ko ang sandok mula sa niluluto at nilapag iyon sa gilid bago nagpakita ulit sa camera.


"Ano na naman?" Tamad kong tanong habang nagpupunas ng kamay.


Mahigit dalawang oras na kaming nag-uusap ni Kath dahil marami kaming napag-usapan. Sa kanya ko nalaman ang kalagayan nina Daddy roon simula noong umalis ako. Si Tito Francisco ang humawak ng kompanya at may ilang pera nang nawawala para sa mga nakalaang projects. Si Daddy naman ay hindi na madalas lumalabas at umiinom. Sabi pa ni Kath... baka raw nagsisisi na sa lahat. Hindi ako naniwala.


"Feeling ko kaya sinalo ni Raven 'yang kaso mo hindi dahil gusto ka na niyang umalis. Baka pinag-iinitan niya lang talaga 'yung isang abogado dahil nagseselos!" Hula ni Kath.


Umismid ako. "Ayan na naman 'yan, Kath. Saang libro o pelikula mo na naman 'yan nakita? Galit sa akin 'yung tao kaya hindi nagseselos. Ano namang pagseselosan niya? Atat lang talaga 'yong mawala ako ulit sa paningin niya." May kaunting kirot sa dibdib ko nang sinabi ko iyon. 


"Pero ang mas pinagtataka ko... Bakit mo tinanggap? Bakit ka pumayag?" muling tanong ni Kath kaya napatigil ako saglit at napatitig nalang sa screen.


"Dahil mas may tiwala ako sa kanya kaysa sa iba pang abogado. Ako naman ang kliyente, eh. Kaya ako pa rin ang magdidesisyon. Gaya niya, gusto ko ring mapadali ang pagpapareverse ko ng adoption. Pagkatapos nito..." napatigil ako dahil hindi ko na alam ang susunod na sasabihin.


Ano nga ba ang gagawin ko pagkatapos ng lahat? Sabi ko aalis ako kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta. Kapag mapapawalang bisa ko ang pagiging Llera ko, wala na akong karapatan sa pamilya nila. Hindi naman iyon mahirap dahil alam kong kaya ko ang sarili ko. Kaya ko na ang sarili ko.


Sa loob ng ilang taon simula noong mawala si Mommy, natuto akong tumayo sa sarili kong paa. Natuto akong magplano sa bawat hakbang na gagawin. Nasanay akong mag-isa. Pero sa nangyayari ngayon... na gusto kong manatili sa mga kaibigan ko... na gusto kong kumawala sa pamilyang kinalakihan ko... hindi ko alam. Lumalabo ang plano ko. 


Ang sigurado lang ako ay magiging mas masaya ako... kapag malaya.


"Pagkatapos niyan saan ka pupunta? Anong gagawin mo?" pukaw ni Kath sa akin.


"I will start over again... by myself."


"And how about Kaleb?" Sa tanong niya ay biglang may umigiting sa ulo ko nang marinig ang pangalan. "Hindi naman pwedeng aakuin mo ang responsibilidad sa kanya, Kychin. Kahit sabihin nating totoong kapatid ang turing mo sa kanya. Hindi rin papayag sina Lola sa gagawin mo at baka mas lalo lang lalaki ang gulo."


"Pero hindi ko kayang mahiwalay siya sa akin, Kath..."


"Mas mahihiwalay siya sa'yo kung manlalaban ka, Ky. Alam nating papanigan pa rin ng korte si Tito dahil siya ang mas may karapatan lalo pa't mawawalan ka ng karapatan sa pamilya nila."

Until the Last Leaf Falls (Montero Series #3) (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon