Entry #2
PUNO ng diyamante ang singsing na nakasuot sa kaliwang daliri ng lalaking nakaayos pandigma. Kumikinang iyon sa iba't ibang kulay tuwing matatapat sa sinag ng lumulubog na araw. Itinaas ng lalaki ang hawak na espada upang dapat ay itarak sa katawan ng kalabang tigre. Ngunit nagkamali siya sa pagtantiya at bago pa makaiwas ay tumilapon mula sa kanyang braso ang nakakabit na pananggalang. Bumagsak iyon sa buhanginang kanilang kinatatayuan.
Lumapag sa harapan niya ang tigre. Tuwid na nakatayo at matapang na nakatingin sa kanya. May bahid ng natuyong dugo ang ulo ng mabangis na hayop. Tumutulo ang laway sa pagitan ng matatalim na mga ngiping ilang ulit nang bigong ibaon sa katawan ng mandirigma. Magkahinang ang kanilang mga mata na para bang nagagawa nilang magpalitan ng salita sa pamamagitan lamang nang ganoon. Kapwa sila malalim ang bawat paghinga.
Ilang segundo ang lumipas nang magsimulang lumakad ang tigre, ngunit ang mga mata ay matalim pa ring nakapako sa taong kalaban. Binabantayan ng hayop ang bawat kilos ng tao. Hinahanap ang pagkakataong mabuwag ang depensang mayroon ito. Sumasabay naman ang lalaki sa kilos ng katunggali. Hindi niya maaaring iwala sa paningin ang tigre dahil kung hindi, siguradong magpipira-piraso ang kanyang katawan bago pa man niya malaman.
Parang isang hudyat na biglang tumigil sa paglalakad ang tigre. Kalmado na ang paghinga ngunit ang mga kuko ay marahang bumabaon sa buhanginan. Hinanda ng lalaki ang hawak na espada. Ngayong wala na sa kanya ang pananggalang, mas kailangan niya ang ibayong pag-iingat. Nagsimula nang tumakbo ang hayop. Lalong hinigpitan ng mandirigma ang pagkakahawak sa espada at iniumang sa tigre. Akala niya ay dadambahan siya nito nang mapalapit na sa kanya. Ngunit hindi niya inaasahan ang mataas nitong pagtalon at paglampas sa kanyang ulunan. Dumapo ang tigre sa kanyang likuran at doon siya dinaganan padapa.
Hindi siya agad nakabawi kaya't nagawa siyang kagatin ng kalabang hayop sa kaliwang balikat. Napasigaw sa sakit ang lalaki lalo pa nang bumaon ang mga kuko nito sa kanyang likod. Nanghihina siya sa pagkakadagan ng tigre at sa mga tinatamong sugat mula rito. Butil-butil na ang pawis niya sa noo, kinakapitan ng mga buhanging nagliliparan sa paligid. Hindi niya alam kung paano pa lalaban sa kabila ng mga pinsalang natamo niya sa katawan, ngunit kailangan. Mayroong naghihintay sa kanyang pagliligtas kaya kailangan niyang lumaban.
Mula sa mga kakarampot na lakas ay ginapang niya ang kinalalagyan ng nabitawang espada. Pero dulo lang ng daliri ang umabot sa hawakan nito. Nahihirapan siya dahil bukod sa matinding panghihina ay dala niya rin sa kanyang likod ang bigat ng kalabang tigre na walang humpay sa pagkagat sa kanya. Huminga siya nang malalim at muling inabot ang hawakan ng espada. Ngunit sinabayan siya ng tigre at kinalmot ang kanang braso niya dahilan para muli siyang pumalahaw sa sakit. Halos tumagos sa kanyang buto ang mga kuko ng tigre.
Kaya lang, wala siyang oras upang damhin ang mga sugat na nagpapadugo sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. Pinilit niya pa ring abutin ang espada at nang magtagumpay ay agad na itinutok sa hayop na nasa kanyang likuran. Nagawa niyang sugatan ang tigre. Umalis ito sa pagkakaibabaw sa kanya at nanlilisik siyang tiningnan. Umaangil. Pati ang paghinga nito ay nagbibigay babala sa susunod nitong gagawin. Hinanda niya ang kanyang sarili. Marami na siyang tama. Kung maiisahan siya nitong muli, siguradong hindi na siya mabubuhay.
Nang magsimulang humakbang ang tigre ay lalo niyang hinigpitan ang hawak sa espada. Muli itong tumalon. Doon niya itinarak ang hawak na patalim sa katawan nito. Siniguro niyang makikita niya ang kabilang dulo ng espada na tumagos sa katawan nito. Lupaypay ito sa buhanginan nang alisin niya ang pagkakatarak ng espada. Nakahinga siya pagkatapos.
May kalaban pa siyang kailangang patayin upang makarating sa prinsesang kanyang ililigtas. Dinampot niya ang pananggalang, kung sakaling kailanganin para sa mga susunod na makakalaban. Inumpisahan niya ulit ang paglalakad. Unti-unting bumabalik ang lakas na nawala sa kanya. Napatingin siya sa suot na singsing. Balot iyon ng dugo ng pinatay niyang tigre. Dalawang dugo pa ang kailangan niyang ibahid doon upang tuluyang maisagawa ang kanyang misyon. Nakarating siya sa isang abandonadong gusali. Narito ang ikalawa niyang kalaban.
Pinatalas niya ang pakiramdam. Wala siyang ideya kung ano ang susunod na kakaharapin kaya't kailangan niyang maging handa. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa espada dahil hindi na niya ito maaari pang mabitawan. Napalingon siya nang maramdaman ang pagdaan ng kung ano sa kanyang ulonan. Pero sirang kisame lang ang kanyang nakita. Pumihit siya nang may maramdaman naman sa kanyang paanan. Pero wala pa rin siyang nakita. Iniangat niya ang kanyang espada at bahagyang pinunasan. Doon niya nakita ang kanyang kalaban. Isang serpyente.
Mabilis siyang humarap dito. Mayroon itong dalawang ulong kinakabitan ng tatlong mas maliliit ang bawat isa. Napangiti siya. Kailangan niya lang putulin ang mga ulong iyon at panalo na siya. Iwinasiwas niya ang espada. Pero bago pa iyon dumapo sa malaking serpyente ay pumulupot na sa kanya ang buntot nito na hindi niya napansing kanina pa pala nakapalibot sa kanya. Sinubukan niyang kumawala. Sinaksak niya ito ng hawak na espada saka ipinahid ang suot na singsing sa dugong lumabas mula roon.
Iyon nga lang, hindi siya nito pinakawalan. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakapulupot ng mahabang buntot nito sa kanya dahilan upang kapusin siya ng hininga. Muling nauubos ang hindi pa niya lubusang nababawing lakas. Hanggang sa bumaliktad na ang kanyang mga mata.
Dumilim ang paligid.
NAPASIGAW sa sobrang inis si Erwin matapos ma-game over sa nilalarong computer game. Ilang araw niyang pinaghirapang makapasok sa huling level ng laro at ngayong nagawa na niya ay basta lang siyang tinalo ng piniling ahas.
"Sabi kasi sa 'yong mahirap 'yang number 6, nagmarunong ka pa," pagalit na sabi ng kasama niyang si Jaime. "Tingnan mo ako, number 1 at 11 ang kinuha ko. Daga at aso, walang kahirap-hirap."
Sinilip niya ang monitor ng katabi. Totoo nga, malapit na ito sa kinalalagyan ng prinsesa. Kailangan lang nitong talunin ang huli nitong kalaban, ang Rabbit. At sa palagay niya ay walang kahirap-hirap nitong magagawa. Lalo siyang nakaramdam ng inis. Gusto lang naman niyang maipagmalaki na nagawa niyang talunin ang mailap na serpyente at tigre pero heto, bandang huli, siya ang natalo.
"Yes! Natapos din!" Nilingon niya ang kaibigan. Tapos na nga ito, panalo. Nailigtas nito ang prinsesa, habang siya, pagkatapos magpakahirap sagutin ang mga unang level na tungkol sa bugtong at palaisipan, ay matatalo lang pala.
"Tara na!" yakag niya sa kaibigan at nagpatiunang tumayo. Dumeretso siya sa lalaking bantay ng computer shop upang magbayad. Nauna na rin siya sa labas at doon na hinintay si Jaime.
"Badtrip ka, pare, 'no? Sayang nakakadalawa ka na rin doon, ah. Ano ba 'yong huli mong pinili?"
"Number 12, 'yong baboy-ramo," malungkot pa rin niyang tugon.
"Naku, sayang! Madali lang talunin 'yon. Nalampasan mo man lang sana 'yong ahas."
"Kaya nga. Edi sana, may ipagmamalaki na ako kay Peirce. Natalo ko man lang 'yong tiger at ahas. Tapos 'yong huli, iisipin kong siya na lang. Mataba naman kasi siya. Makaganti man lang ako sa pambu-bully niya."
Nagtataka siyang napahinto sa paglalakad nang tumigil si Jaime. Mababakas sa mukha nito ang pagkagulat sa nakikitang nasa harapan. Sumunod ang tingin niya sa tinitingnan nito at natulad siya sa ekspresyong mayroon ang kaibigan. Si Pierce.
Pumuputok ang pisngi at damit sa katabaan. Kuyom ang kamao at masama ang tingin sa kanya. Kahit hindi magtanong, sigurado siyang narinig nito ang huling sinabi niya. At kahit walang bahid ng pagsisinungaling ang mga salitang binitiwan niya ay sigurado pa rin siyang ikagagalit iyon ng dakilang bully sa ekwelahan nila.
"Paano ba 'yan, pare? Ayan na 'yong huli mong kalaban. Bahala ka na diyan. Isipin mong siya 'yong number 12 sa laro." At kumaripas ng takbo si Jaime palayo.
![](https://img.wattpad.com/cover/34599008-288-k342932.jpg)