3.6.12 | Mystery/Thriller

267 8 1
                                    

Entry #6

Iba ang pakiramdam niya noong gabing iyon. Madilim ang paligid at tila may mga matang nakasunod sa bawat kilos niya. Napahinto siya nang biglang umihip ang malakas na hangin. Nanuot sa kanyang kalamnan ang lamig at maging ang mga balahibo niya ay nagsitayuan.

Napalingon siya sa bandang kaliwa nang mapansing tila may nakatayo roon. Ngunit wala siyang nakita maliban sa poste ng ilaw na nagtatanglaw sa tahimik na daan. Nagpatuloy siya sa paglalakad. Malapit na niyang marating ang bahay niya pero nararamdaman niya pa rin ang kilabot dala ng mga matang tila kanina pa siya pinagmamasdan. Binilisan niya ang paglalakad pero may kung ano ang dumamba sa kanya dahilan para bumagsak siya sa maalikabok na kalsada.

Agad siyang nagpumiglas para maalis ang kung sino mang nakadagan sa likod niya. Nagawa niyang makawala rito ngunit nang mapagtanto niya kung sino iyon ay agad na nangatog ang tuhod niya, biglang huminto ang oras at ang tanging naririnig na lang niya ay ang lakas at bilis na pintig ng puso niya.

Naka-upo pa rin siya sa malamig na kalsada habang pinagmamasdan ang nilalang na nakatingin sa kanya. Magulo at buhaghag ang mahaba nitong buhok. Nanlilisik ang mga mata na tila ba isang tigreng handa siyang lapain. Nangingitim at may bumabakat pang mga ugat sa mukha nito. Ang mahahaba at matatalim nitong kuko ay mas nagpakabog pa sa dibdib niya.

Sa sobrang takot, hindi na niya namalayang naihi na siya sa kanyang pantalon. Hindi siya makagalaw, hindi rin siya makasigaw. Unti-unting lumapit sa kanya ang nilalang na iyon. Nakangisi at tila takam na takam. Gamit ang isang kamay ay mabilis nitong dinukot ang tiyan niya. Namilog ang mga mata niya at binalot siya ng bolta-boltaheng sakit bago siya sumuka ng dugo.

Dahan-dahang iginalaw ng nilalang na iyon ang kamay niya sa loob ng tiyan ng biktima niya. Nilamas bawat parte na nahahawakan. Ramdam niya ang sakit na nakaguhit sa mukha ng biktima niya bago ito tuluyang bumulagta.

Maingat niyang hinila ang kamay niya habang hawak-hawak ang bituka nito. Itinaas niya ito at pinagmasdang mabuti. Pulang-pula. Masagana pang umiilig ang malapot na dugo mula sa tiyan nito. Agad niyang nilantakan ang naturang parte. Matamis, malinamnam. Nagkalat ang dugo sa paligid ng bibig niya. Mabilis niyang nilamutak ang preskang laman-loob ng biktima. Gutom at uhaw siya sa dugo ng tao.

Nadako ang tingin niya sa dibdib ng biktima. Gamit ang matulis na kuko ay dinukot niya ang puso nito. Hindi maipaliwanag ang ligaya niya nang mahawakan ang ninanais. Napangiti siya dahil tumitibok pa ito. Dinilaan niya muna ito bago tuluyang kinagat. Dinig na dinig pa ang lutong sa bawat pagnguya niya.

Ngunit bago pa man niya matapos ang masarap na hapunan ay nakarinig siya ng mga yabag. Nang bumaling siya sa likod ay nakita niya ang grupo ng mga kalalakihan. May mga hawak na itak at sulo. Nasaksihan ng mga ito ang kahindik-hindik na ginawa niya sa biktima. Pero bago pa siya tuluyang makatakas ay isang matigas na bagay ang tumama sa ulo niya dahilan para magdilim ang kanyang paningin.

Agad na napabalikwas nang bangon si Digna. Tumatagaktak ang pawis niya. Tila lalabas na ang puso niya mula sa dibdib niya sa sobrang bilis nang tibok nito. Nanginginig ang katawan niya sa sobrang takot. Parang totoo ang panaginip na iyon. Hindi niya maipaliwanag ang kakaibang sakit na nararamdaman sa buong katawan. Mainit, mahapdi. Parang sinusunog ang kanyang buong katawan.

Incogni2 First Strike: My Title, Your StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon