Entry #2
"Naaalala mo pa ba 'yong panahong pinilit kitang isuot ng 'yong high school uniform mo no'ng college pa tayo? Alam kong sobra-sobra ang pagkapahiya mo no'n. Gumala pa kasi tayo sa loob ng mall habang suot mo 'yon.
Naalala mo pa ba no'ng pinapasabi sa akin ng lider natin ang hatian ng report natin sa psychology. Hindi ko sinabi sa'yo ang hati mo. Nawalan ka tuloy ng report no'n. Hindi ka nagka-grade kasi inalis ka namin sa grupo. Muntikan ka nang bumagsak kung hindi ka lang pinagbigyan ng special project ng propesor natin. No'ng nag-js prom din tayo. Hindi kita sinipot sa tapat ng gate para magsabay tayo ng pasok. Ang siste tuloy na-late ka tapos mag-isa ka lang pumasok. Pinagtinginan ka pa tuloy no'n.
Kung iisipin madaming bagay kang dapat ikagalit sa akin. Sa ating dalawa ako 'yong pahirap. Mabilis akong mainis tapos matagal mawala ang inis ko. Pero sa totoo lang mabilis naman talaga mawala 'yong inis ko. Sa totoo lang ulit, mas naiinis ako sa sarili ko kaysa sa'yo. Ang dami kong ginawa para magalit ka sa akin. Ang dami kong ginawa para layuan mo ako. Pero sa tuwina ngumingiti ka lang. Kakamot sa gilid ng kilay mo na may maliit na pilat na hindi ko alam kung saan at paano napunta d'yan, saka mo sasabihin na okay lang ang lahat..."
----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- ----- -----
Ramdam ko ang maaliwalas at preskong simoy ng hangin habang nakaupo ako sa isang silya sa likod-bahay namin. Maririnig sa paligid ang mga huni ng kuliglig at iba pang insekto na sa gabi lamang gising. Mula sa kinakaupuan ko sa ilalim ng puno ng mangga makikita ang isang diretso at mahabang daan papunta sa bayan. Walang makikitang taong dumaraan o mga sasakyan man lang. Masyadong tahimik ang buong lugar lalo na't may kalayuan din sa bawat isa ang mga kabahayanan.
Marahan kong sinandal ang aking likod dahil sa pangangalay. Bagamat pupungas-pungas ang aking mata sa antok dahil hating-gabi na, hindi ko inalintana 'yon at tuwid pa rin ang tingin ko sa daan.
"Kamusta ka na?" saad ko sa pagak at medyo malalim na boses.
Napangiti ako sa tono ng boses ko. Makilala mo pa kaya ako samantalang kahit ako hindi ko na magawang maalala kung ano ako noon? Kapag tinitingnan ko ang sarili ko sa salamin, malayo na mula sa dating ako ang nakikita ko.
Iba, mula sa dating mahaba at maitim na buhok ay naging maiksi, buhaghag at puting buhok na. Ang dating makinis na mukha ay napuno na ng guhit. Mga guhit na inukit ng panahon. Mga guhit na hindi lamang katandaan ang nagdala kung hindi kasama na rin ang mga saya at lungkot. Kung dati larawan ako ng isang bata na hindi alam kung ano ang hinaharap at natatakot sa mga pwedeng kaharapin, ngayon nama'y isa na akong matanda. Isang tapos na larawan na iginuhit ng aking nakaraang hinarap.
"Kamusta ka na?" pag-uulit ko sa naunang sinabi.
Ang pinagkaiba lamang mas ginandahan ko na ang tono ng boses ko ngayon. Nilangkapan ko ng saya at pagkasabik. Mga damdaming matagal kong sinubukang sanayin, ngunit hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung paano ba dapat maramdaman.
Lumanghap ako ng hangin saka pumikit. Muling inaninag sa isip ko ang itsura mo habang naglalakad ka no'ng araw na 'yon. Ngunit sa isipan ko hindi ka na nakatalikod. Hindi ka na palayo. Pabalik ka na sa akin. May ngiti sa mga labi mo na may halong pananabik, saya at pangungulila.
Idinilat ko ang mga mata ko at nakita ka. Mula sa madilim na bahagi ng daan, sa tabi ng mga matatayog at malalagong puno. Nandoon ka. Naglalakad nang marahan at palapit sa akin. Mula sa kinakaroonan ko ay kita ko ang mga pagbabago sa'yo. Tulad ko ay marami na ring guhit sa mukha mo. Dahil ba 'yan sa lungkot? Kasiyahan? 'Yan na ba ang mga bakas na inukit sa'yo ng panahon?
Nakaramdaman ako ng lungkot dahil hindi ako naging kasama ng panahon sa pag-uukit ng mga bakas na 'yan. Na wala ako ni isang alaala na makikita sa mukha mo.
"Kamusta ka na?" Ngayo'y nanginginig ang boses ko. Isang bagay na hindi ko inakala na mangyayari sa akin. "Ang tagal mong nawala, ah? Marami akong kwento sa'yo. Alam kong marami ka ring kwento. Pakikingan ko lahat ng iyan, sana pakingan mo rin lahat ng akin. 'Wag kang mag-alala hindi lang ang gabing ito ang mayroon tayo.
Sa bawat gabi mula no'ng mawala ka, lagi lang akong nandito. Iniisip ko na babalik ka sa kailaliman ng gabi tulad ng ginagawa mo rati. Hindi natulad noon na tulog ako sa pag-uwi mo. Gusto ko na salubungin ka na. Gusto ko na may kamay nang yayakap sa'yo.
Ilang taon na ba ang lumipas? Dalawampu't lima na pala. Alam mo bang buntis pala ako no'ng umalis ka? Sana nagawa ko man lang ipaalam sa'yo 'yon bago ka umalis. Sana nakita mo na kahit babae ang anak natin ay ikaw ang kamukha n'ya. Sana nalaman mo na dalawa kaming naghihintay sa'yo.
Tuwing gabi lagi kaming magkasama ng anak mo sa ilalim ng punong ito. Pinupuno ko s'ya ng mga kwento na ikaw ang bida. Mga ginawa mo para sa akin noon. Mga pagsasama na pinagsaluhan natin noon. Mga pangarap na binuo natin at pangarap na inalalaan mo para sa amin.
Dalawampu't limang taon. Alam mo bang nakapagtapos ng kolehiyo at naging guro ang anak natin? Nakapag-asawa na rin s'ya at may tatlo silang anak. Nakakatawa. Ang daming nangyari sa loob ng dalawampu't limang taon pero bakit pakiramdam ko hindi s'ya matagal? Pakiramdam ko kahapon lang simula nang umalis ka. Parang hindi ako naghihintay nang napakatagal sa'yo. Pakiramdam ko ano mang oras darating ka sa tapat ng bahay natin. Yayakapin mo ako at tatanungin kita kung ano ba ang nangyari sa pag-alis mo."
Tumayo ako at lumapit sa tarangkahan. Naramdaman ko ang pagtulo ng mga luha sa pisngi ko. Hindi ko na nakikitang palapit ka sa akin. Nakahinto ka na lang sa kinakatayuan mo. Ang mukha mong kanina ay malinaw sa paningin ko ay madilim na paligid mo. Unti-unti ay lumalayo ka sa akin. Tulad noon. Tulad no'ng umalis ka.
"Sabi mo no'n saglit ka lang aalis. Pupunta ka lang ng Maynila para magtrabaho. Hindi ka magtatagal. Kung nahihiya ka sa kung ano mang nangyari sa'yo d'yan, 'wag. Sana 'wag mong kalimutan na nandito lang ako. Hindi ako umaalis para alam mo kung saan mo ako babalikan.
Naalala mo noon? Kapag may mali akong ginagawa nginingitian mo lang ako at okay na ang lahat. Ngayon, hindi na ako maiinis sa'yo. Sa pagbalik mo, yayakapin lang kita. Sa pagbabalik mo..."