Hello, Amanda | Action/Adventure

316 8 6
                                    

Entry #1

Hello, Amanda.

Unti-unti kong inunat ang dalawang kamay ko at sinimulang igalaw ang ulo ko-pakaliwa't pakanan. Pagod. Sobrang pagod na ako. Bahagya naman akong napatingin sa orasan sa tabi ko. Mag-aalas otso na pala, ni hindi ko man lang namalayang gabi na. Kung bakit ba naman kasi nagkasakit pa ako, ayan tuloy, naipon ang trabaho ko.

Ilang minuto rin ang ginugol ko sa paghihintay ng tricycle, pero walang dumaraan. Ito ang mahirap sa probinsya, kadalasan sa ganitong oras ay mga nagpapahinga na. Hindi katulad sa Maynila, bente kuwatro, siguradong may masasakyan ka. Pagod man, sinimulan ko pa ring tawirin ang distansya patungo sa tinitirahan ko.

Napadaan ako sa isang parke. Medyo nakakatakot ang kabuuan nito dahil na rin siguro sa kaunti lang ang nakatayong poste bilang ilaw rito. Ngunit hindi ko na pinansin 'yon, sa kagustuhan kong makauwi na't makapagpahinga. May mangilan-ngilan pa rin naman ang tumatambay sa tabi e.

Naglakad ako nang tahimik. Naglakad ako, hanggang sa may makatitigan ako. Nakaupo siya sa isa sa mga duyan sa palaruan, hindi ko alam pero nakikita ko sa mga mata niya ang kalungkutan. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit parang bigla itong nagbago-tumayo siya't ngumiti na parang muling nabuhayan, saka sinambit ang isang pangalan, "Amanda."

Lumingon ako sa likod ko pero walang ibang tao. Nagtataka man, ipinagpatuloy ko na lang nang mabilis ang paglalakad ko.

"Amanda! Amanda, dumating ka!" Halos mapasigaw ako sa gulat nang may yumakap sa akin mula sa likod. Natulala ako't hindi agad nakagalaw. "Sabi ko na nga ba't darating ka! Amanda, mahal ko... Amanda." Naramdaman ko ang paghigpit ng yakap nito, na nagpabalik sa akin sa tunay na mundo.

Nagpumiglas ako. Pilit inaalis ang kamay ng kung sino mang estrangherong ito. "Kuya, hindi po ako si Amanda. Nagkakamali ka lang, bitiwan mo na ako." Bakas na ang takot sa pananalita ko.

Bigla akong napabalikwas no'ng maramdaman ko ang hininga nito sa batok ko. "Tulong!" sigaw ko pero parang walang nakarinig. "Tulong... Hindi ako si Amanda, hindi ako s'ya!" Pagmamakaawa kong iyak rito.

"Amanda, mahal ko. Huwag ka nang umiyak." Sinubukan nitong punasan ang mga luha sa pisngi ko, pero hindi ko pinahintulutang gawin niya ito.

"Hindi nga sabi ako si Amanda!" Sigaw ko saka tumalikod na para tumakbo. Ang kaso lang nahawakan nito ang braso ko.

Iniharap niya ako sa kanya't pinagmasdan nang mataman. Hinawakan at hinaplos aking buhok na akala mo ay matagal na niyang naging libangan. Sinubukan kong tabigin ang kamay niyang nais halpusin ang pisngi ko, pero nabigo ako. Tila may pumipigil sa akin, at iyon ay dahil sa nakikita ko-pagmamahal? Teka sandali, tama ba ako?

Unti-unti nitong inilalapit ang kanyang mukha dahilan para masampal ko siya. "Bastos ka!" Nadala ako sa emosyong hatid ng kanyang mga mata, kaya't nakalimutan kong hindi nga pala pamilyar ang anino namin sa isa't isa.

"Tara na't uuwi na tayo." Sinimulan niya akong kaladkarin patungo sa ibang direksyon. Patungo sa mas madalim pang parte ng parkeng ito.

"Bitiwan mo nga ako! Bitiwan mo 'ko. Tulong!" Muli kong sigaw at pilit na sinasalungat ang direksyong gusto niyang puntahan.

"Tulong!" Mas lalo ko pang nilakasan ang boses ko pero tinakpan na nito ang bibig ko't binulungan ako.

"Tumahimik ka kung ayaw mong patayin kita." Nanlamig ako matapos niyon kaya hindi na ako nakapagsalita pa.

Kinaladkad niya akong muli. At hinayaan ko ang sarili kong magpadala sa kanya kahit pa takot na takot na ako. Hanggang sa makahanap ako ng t'yempo, kaya sinipa ko ang kahinaan nito. Nabitiwan niya ako kaya nagkaroon ako ng pagkakataong makatakbo.

Incogni2 First Strike: My Title, Your StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon