Entry #4
Luntiang kapaligiran ang tumambad sa kanya nang imulat niya ang kanyang mga mata. Mga matatayog na punong animo'y kalmadong sumasayaw sa paghampas ng malamig na hangin, mga berdeng damo na halos perpekto ang pagkakatabas at mga makukulay na bulaklak na namumukadkad sa buong paligid. Hindi pa siya nakakakita ng ganito kaperpektong lugar, isa itong paraiso, paraiso na kailanman ay hindi niya pa narating.
Parang nagkaroon ng sariling isip ang kanyang mga paa nang magsimula siyang maglakad at nagdesisyon na libutin ang paligid. Damang-dama niya ang lamig ng simoy ng hangin at kitang-kita niya ang pamumuo ng makapal na usok dahil sa hamog. Takipsilim pa lamang kaya hindi pa masyadong nagpapakita ang araw. Nasisiyahan siya sa nakikita niya, kung pwede nga lang ay doon na siya tumira. Payapa ang lugar at kung manirahan man siya rito ay parang wala na siyang iisiping prolema.
Nagpatuloy siya sa paglalakad. Bukod sa magagandang bulaklak ay nalibang din siya sa iba't-ibang kulay ng paru-parong dumadapo sa iba't-ibang parte ng kanyang katawan. Masyado siyang namamangha habang naglalakad hanggang sa napahinto siya sa tapat ng isang punong acacia. May isang matipunong lalaking nakatayo sa harap nito at kita-kita niya kung paano ito tumitig sa kanya. Nakangiti ito at parang may kung anong bumubulong sa kanya na lumapit dito. Ilang metro lang ang layo niya mula dito pero kitang-kita niya ang perpektong pigura nito. Ang maamong mukha at lalaking-lalaking tindig nito ay parang naghihipnotismo sa kanyang lumapit dito.
Natagpuan niya na lang ang sarili sa harap ng lalaki at diretso siyang nakatitig sa mga mata nito. Halos hindi ito kumukurap at nakangiti lang sa kanya. Ilang sandali ang lumipas ay nagulat siya nang hawakan ng lalaki ang kanyang kamay at dinala iyon sa mapula nitong labi. "Maligayang pagdating, mahal kong, Amanda." Nanlaki ang mata ni Amanda at nangunot ang kanyang noo nang marinig niya ang kanyang pangalan mula sa lalaki.
"P-paano mo nalaman ang pangalan ko?" binigyan lang siya ng mapanuyang ngiti ng lalaki at bigla na lamang siya nitong niyakap. Naguguluhan man ay hindi pa rin maiwasan ni Amanda ang madala sa karisma ng lalaking nasa harap niya. Napakabango nito at para bang ayaw niya nang bumitaw sa pagkakayakap nito.
"Ako ang taga-bantay mo, Amanda. Matagal na kitang sinusubaybayan at ngayon ay nagtagpo na tayo, hindi mo alam kung gaano ako kasaya na kasama kita ngayon," sabi ng lalaki habang nakayakap sa kanya.
"Hindi kita maintindihan." Tanging sagot ng dalaga.
"Balang araw ay maiintindihan mo rin ang lahat, Amanda. Basta ang itanim mo sa isip mo ngayon ay mahal kita, mahal na mahal kita. Ako na lang ang nilalang na magmamahal sa'yo. Iniwan ka nilang lahat pero ako, hindi kita iiwan." Halata ang sinseridad sa malalim na boses ng lalaki. Mistulang isang gayuma ang bawat salitang binibitawan nito na nagpawala sa mga alinlangan niya. Humiwalay ang lalaki mula sa pagkakayakap sa kanya. Hindi pa rin nawawala ang ngiti nito sa labi. Inialok nito ang kanyang kamay kay Amanda. Napangiti naman si Amanda at tinanggap ang alok ng lalaki. Wala sa sariling hinawakan niya ang malambot nitong kamay kahit hindi niya alam kung saan siya nito dadalhin.
Napabangon sa kanyang kama si Amanda sa pagtunog ng kanyang alarm clock. Pawis na pawis siya at naghahabol ng hininga. Sa pagkakatanda niya ay hindi naman bangungot ang nangyari sa kanya. Isa iyong magandang panaginip, napangiti siya nang maalala ang nangyari. Isang lalaking nagtapat sa kanya ng pag-ibig at nangakong mamahalin siya.
Napangiti siya, ito ang kauna-unahan niyang ngiti pagkatapos ng ilang buwan dahil sa isang trahedyang nangyari sa pamilya niya. Nasunog ang bahay na dati nilang tinitirhan, gabi nang mangyari ang trahedya. Natutulog silang buong mag-anak nang sumiklab ang ang apoy dahil sa isang faulty electric wiring. Masyadong naging mabilis ang mga pangyayari hanggang sa unti-unting pumasok sa isip niya na siya lang ang nakaligtas. Namatay ang kanyang mga magulang at ang nag-iisa niyang kapatid na lalaki. Ito ang naging pinakamadilim na parte ng buhay ni Amanda. Ang dating masayahin na si Amanda at parang walang iniisip na problema ay binalot na ng kalungkutan. Gusto niyang laging mapag-isa at hindi nakikipag-usap kanino man taliwas sa naging buhay niya no'n. Palakaibigan siya at gustong-gusto siya ng lahat ng taong makakasalamuha niya. Likas kasi sa kanya ang pagiging kalog, siguro ay dala na rin ng saya niya sa piling ng pamilya kaya parang lahat ng araw kay Amanda ay perpekto.