Hello, Amanda | Romance

271 7 1
                                    

Entry #6

"NASAAN KA NA?"

"Papunta na ako, Kuya," sagot ko kay Kuya Geoff nang tinawagan niya ako. Nasa lobby na ako ng McGrad Hotel kung saan sa convention hall nito gaganapin ang graduation ceremony.

"Bilisan mo dahil magsisimula na ang ceremony," naiinip na sambit ni Kuya Geoff sa kabilang linya.

"Oo na! Oo na!" natatawang sambit ko sa makulit kong kuya bago tinapos ang tawag. Hindi talaga mapakali si Kuya Geoff dahil sa sobrang excitement. Excited siya hindi dahil ga-graduate na siya sa kursong Mechanical Engineering kundi dahil ipapakilala na niya sa akin si Amanda - ang girlfriend niya.

Magta-tatlong buwan pa lang ang relasyon nina Kuya Geoff at Amanda pero mukhang seryoso na ang pinatutunguhan nito. Sinasabi na kasi sa akin ni Kuya na si Amanda na raw ang babaeng pakakasalan niya. Noong una ay pinagtawanan ko siya dahil hindi ako naniniwala sa kanya kasi babaero siya.

Pero kalaunan ay parang gusto ko na ring maniwala sa sinabi ni Kuya Geoff dahil pinapatunayan niya talaga na seryoso siya. Tumigil na siya sa mga bisyo niya at sa ilan pang mga hindi magagandang kaugalian. Hindi na rin mainitin ang ulo niya at palagi na lang nakangiti. Tinatanong ko siya kung bakit pero ang palaging sagot niya ay inspired lang siya.

Namangha talaga ako sa mga nakita kong pagbabago kay Kuya Geoff. Kaya nga excited na rin akong makilala si Amanda upang malaman kung ano ang meron sa kanya at nagawa niyang baguhin ang Kuya ko at kung bakit mahal na mahal siya ng Kuya ko.

"George!" tawag ni Kuya Geoff sa akin sabay kaway nang marating ko ang convention hall ng hotel. Agad ko siyang nilapitan. At nang tuluyang makalapit ay saka ko napansin ang pamilyar na babaeng kasama niya.

"George, this is Amanda," nakangiting sambit ni Kuya Geoff sa akin sabay baling sa babaeng kasama niya. "My girlfriend."

Ikaw?! sigaw ng isip ko dahil kilalang-kilala ko pala ang babaeng madalas na ikinikuwento sa akin ni Kuya.

Si Amanda.

Ang unang babaeng minahal ng bata kong puso.

Ang babaeng pinag-alayan ko ng pag-ibig kahit hindi ko pa gaanong naintindihan ang tunay na kahulugan ng salitang iyon.

Naaalala ko pa sampung taon na ang nakakaraan.

Sampung taong gulang pa lang ako noon. Sa tuwing wala akong klase ay madalas akong isinasama ni Mama sa paaralan kung saan siya nagtuturo. Grade 6 teacher kasi ang Mama ko sa isang pampublikong paaralan.

Doon ko unang nakilala si Amanda. Estudyante siya ni Mama. Napukaw niya ang interes ko dahil siya ang pinakamatalino sa klase. Natutuwa ako sa kanya kasi siya lang ang madalas na nakakasagot sa mga katanungan ng Mama ko. Madalas ko siyang pinagmamasdan sa kanyang pwesto kasi kahit ang mga simpleng bagay na ginagawa niya ay nagpapangiti sa akin.

Nagagandahan rin ako kay Amanda kaya mas lalong tumindi ang interes ko sa kanya. Madalas ko siyang itinatanong kay Mama lalo na kapag hindi ako nakakasama sa kanya sa pagtuturo kasi nag-aaral din ako sa isang pribadong paaralan noon.

Isang araw na isinama ulit ako ni Mama ay pumitas ako ng bulaklak sa likod ng paaralan. At nang sumapit ang oras ng tanghalian ay nilapitan ko si Amanda. Nahihiyang ngumiti ako sa kanya at ibinigay ang pinitas na bulaklak. Nakangiting nagpasalamat siya sa akin habang ako naman ay nakatulala lang sa kagandahan niya dahilan kaya hindi ako nakapagsalita. Mabuti na lang at tinawag ako ni Mama para kumain kaya nagkaroon ako ng dahilan para tumalikod at dali-daling puntahan si Mama upang itago ang aking pamumula.

Ilang beses pang naulit ang pagbibigay ko ng bulaklak kay Amanda. At sa tuwing inaabot ko ang bulaklak sa kanya ay parating wala akong masabi. Inis na inis ako sa sarili ko noon. Kung bakit naman kasi natatameme ako kapag kaharap ko si Amanda.

Incogni2 First Strike: My Title, Your StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon