Entry #3
Ilang daang patak ng pawis... Ilang libong patak ng luha... Ilang milyong patak ng dugo... Ilan pa ba ang kailangan upang maibalik ang katiwasayan sa bayan ng Regullous? Maibabalik pa ba ang buhay ng mga inosenteng mamayan na nilisan na ang mundong ibabaw?
Tatlong araw rin ang itinagal ng giyera ngunit tila sinira nito ang balanse ng mundo. Tatlong araw lamang ang kinailangan upang yanigin ang daigdig ngunit hindi na mabilang na buhay ang naging kapalit bago natuldukan ang sigalot na ito.
Anim na katao ang aking naging kaagapay ngunit ako na lamang ang natira. Sila'y nagpakita ng kagitingan nang suungin nila ang digmaan ng walang takot, animo'y mga mandirigmang handang ialay ang sariling buhay para gapiin ang kadiliman. Nagsilbi silang liwanag -mga bayaning naging inspirasyon upang baguhin ang mundo.
Labindalawang nasyon ang nakatamo ng kalayaan mula sa pagiging alipin ng mananakop na may kaalaman sa itim na mahika. Ayon sa alamat, ang bawat isang nasyon ay nasa ilalim ng pangangalaga ng mga nilalang na kumakatawan sa labindalawang zodiacs.
Ang buong akala ko'y kathang-isip lamang ang lahat, mga kuwentong kutserong naisalin mula sa isang henerasyon hanggang sa sumunod. Ngunit nagkamali ako, sapagkat sila ang mismong nagligtas at nag-bigay sa akin ng lakas upang sagipin ang daigidig.Hindi ako o ang anim ko pang mga kasamahanan, bagkus ay sila -ang tunay na dahilan kung bakit muling nasilayan ng mundo ang kinabukasan.
Delubyo ang hatid ng itim na salamangkerong si Ophicius. Pagkasawi, pighati, pangamba at pagkawasak ang naidulot niya sa aming bayan at ilang karatig nayon. Siya ay kilala bilang ang itinakwil na zodiac. Ipinahayag niya sa amin na siya ang dapat na hiranging Diyos ng sanlibutan -ang kaisa-isang bagay na hinding-hindi namin kayang tanggapin.
Marami ang nagbuwis ng buhay. Walang pinipili ang kaniyang mga alagad sa kung sino ang dapat paslangin. Marami ang natakot at piniling hintayin ang mapait nilang kapalaran -ang kamatayan. Ngunit may ilang hindi natinag at piniling lumaban hanggang sa huling hininga. Isa ako sa mga mortal na iyon, kaagapay ang anim ko pang mga kaibigan na kapwa may taglay na kakaibang gilas sa pakikipagbuno sa digmaan.
Tila napakalaki ng ipinagbago ng mundo sa loob lamang ng maiksing panahon. Ang dating bughaw na kalangitan tila'y nagkulay-dugo at nagmistulang impiyerno. Ang dating luntiang damuha'y naging kulay abo. Ang dating mayabong na kagubatan ngayo'y tinutupok na ng apoy. Ang dating tahimik na kapaligiran ngayo'y binasag na ng bawat panaghoy.
Sinabi nila no'n na darating ang araw ng paghuhukom ngunit ito na ba talaga iyon? Ngayon na nga ba talaga ang katapusan?
"Ren, sa likod mo!" narinig kong sigaw ni Sera. Mabilis niyang pinakawalan ang palaso mula sa kaniyang pana, kasunod noon ay ang pagbagsak ng isang walang buhay na kalansay sa damuhan.
"P-pasensiya na," tipid kong tugon. Muntik nang malagay sa piligro ang buhay ko. Sabagay, kung tutuusi'y matagal nang nasa piligro ang aming mga buhay magmula noong pinili naming tahakin ang masalimuot ng landas na ito. Kung hindi siguro nakita ni Sera na may papalapit na kalaba'y wala na ako sa mga oras ding yaon. Magkagayon ma'y kasalanan ko pa rin sapagkat lumipad ang aking isipan. Nawaglit sa isip ko na nasa kalagitnaan kami ng digmaan.
Hindi kapani-paniwalang muling bumangon ang mga kalansay upang kami ay lusubin. Sa taglay na kapangyarihan ni Ophicius, tila imposible nang maipanalo ang labanang ito sa pag-itan ng mga mortal at ng mga kampon ng kasamaan. Kitang-kita ko ang paghihirap ng aking mga kasamahan. Pawis at dugo ang aming inilaan para lamang magwagi ngunit tila kulang pa angaming lakas.