Entry #6
Alam mo ba ang kuwento ng Last Friday Night? Kinuwento lang din sa akin 'to ni Macey. Akala ko nga noong una, wala lang. Pero hindi ko akalain na... totoo pala! Sabi ni Macey sa akin, ayaw niya sanang ikuwento. Pero hindi raw siya matatahimik hangga't hindi niya nasasabi, kaya napilitin din siya. Ako nga rin, ayoko sanang ikuwento 'to sa 'yo. Pero parang may nagtutulak sa akin na sabihin ko 'to. Kaya pakinggan mo 'to, ah? Sisimulan ko na.
Minsan isang gabi ng Biyernes habang nasa klase si Eni, nakaramdam siya ng antok. Dahan-dahan siyang tumungo upang ikubli ang namumungay niyang mga mata. Papikit na sana ang kanyang mga mata nang bigla siyang nakarinig ng mahinang boses. Noong una, binalewala lang niya sa pag-aakalang mga kaklase lang niya iyon. Pero nang ilang beses niyang maulinigan ang pangalan niyang paulit-ulit na tinatawag, napatunghay na siya at nilingon ang paligid para alamin kung saan nanggagaling ang boses na iyon.
Natuon ang pansin niya sa may pintuan dahil doon niya naulinigan ang boses na tumatawag sa kanya. Ngunit tanging anino na lamang ang kanyang naabutan. Sa kabila noon, rinig na rinig pa rin niya ang boses nang tumatawag. "Eni... Eni... Halika! Narito ako... Sundan mo ang tinig ko..."
Bigla siyang kinabahan sa narinig. Nakakatakot ang boses nito na sobrang lalim at mabagal ang pagkakabigkas sa mga salita. Ngunit sa hindi maipaliwanag na pangyayari, natagpuan na lamang niya ang sariling sinusundan ang tinig sa may koridor. Hindi na niya nagawa pang magpaalam sa kanyang guro.
"Halika... Narito ako..." ani ng tinig. Habang papalapit nang papalapit ang tinig na kanyang naririnig, patindi naman nang patindi ang lamig ng hangin na humahaplos sa kanyang balat. Napayakap na lang siya sa sarili habang nagtitindigan ang kanyang mga balahibo dulot ng lamig.
Inaninag niya ang paligid. Sarado na ang mga silid na kanyang nadaraanan. Napakatahimik. Tanging tunog lang ng takong na suot niyang sapatos ang maririnig. Liwanag na lang ng buwan ang nagbibigay tanglaw sa paligid. Lakad lang siya nang lakad hanggang sa kinain na siyang tuluyan ng dilim.
Napahinto siya nang wala na siyang makita sa daan. "Nasaan na ako?" mahinang tanong niya sa sarili. Kahit na mulat na mulat ang kanyang mga mata, pakiramdam niya'y isa siyang bulag. Kahit saan pumaling ang kanyang tingin, itim na paligid ang kanyang naaaninag. Lalo pang tumindi ang malamig na hanging humahaplos sa kanyang balat. Nagsimula na siyang mangatal. Ang kaninang sinusundan niyang tinig ay bigla na lamang naglaho. Unti-unti na siyang nakakaramdam ng kaba at takot.
Gusto na niyang umalis sa lugar na iyon at bumalik sa kanyang silid-aralan. Ihahakbang na sana niya ang kanyang mga paa nang maramdaman niyang bumibigat ang mga ito. Tila may kung anong nakadagan doon. Nang tingnan niya ang kanyang mga paa, naaninagan niya ang apat na mapupulang bilog na nasa tapat ng binti niya. Hahawakan na sana niya iyon nang bigla siyang nakakita ng dalawang pangil na nakalabas sa ibaba ng mga bilog na iyon. Nagtindigang lalo ang mga balahibo niya. Ganoon na lang ang panghihilakbot niya nang mapagtantong hindi kung ano lang ang nakadagan sa mga paa niya. Ang apat na mapupulang bilog palang iyon ay ang mga mata na pagmamay-ari ng dalawang sanggol na duguang nakayapos sa magkabila niyang binti. Nakangisi ang mga itong nakatingin sa kanya.
"Eni..." ani ng nasa kanan niya. Tuluyan na siyang binalot ng takot at kaba. Pilit siyang nagsisisigaw ngunit walang lumalabas na boses sa kanyang bibig. Sumisikip ang dibdib niya sa tindi ng takot na nararamdaman. Nanginginig niyang iwinagwag ang mga paa ngunit matindi ang kapit sa kanya ng mga tiyanak. "Hindi ka makakawala sa amin..." ani ng mga ito sa matinis na boses.
Butil-butil na ang pawis sa kanyang noo, samahan pa ng sunod-sunod na pag-agos ng luha sa kanyang mga mata. Wala siyang magawa sa oras na iyon kundi ang mag-iiyak na lang sa sobrang takot at kaba. Nananalanging sana'y panaginip lang ang lahat. Pero alam niya sa sariling hindi iyon isang panaginip lang. Totoo ang lahat, nararamdaman niya - ang kaba, takot, at sakit. Napapikit na lang siya habang nilalasap ang matinding kagat ng mga tiyak sa kanyang mga binti. Napapangiwi siya sa tindi ng kirot at sakit. Kahit sobrang lamig ng paligid ay pinagpapawisan siya nang malapot.
![](https://img.wattpad.com/cover/34599008-288-k342932.jpg)