Hello, Amanda | Horror/Paranormal

349 8 1
                                    

Entry #2

Mabilis na nagmamaneho si Alvin. Hindi na niya inaalintana ang malakas na buhos ng ulan. Ang tanging gusto lamang niya'y ang makauwi na sa kanilang bahay dahil nag-aantay na tiyak ang kanyang mag-ina.

Hindi niya mapigilang mapabuntunghininga. Sino ba ang mag-aakalang dadating ang panahon na kailangan niyang bumalik sa San Sebastian, kasama pa ngayon ang kaniyang pamilya? Ilang taon na rin mula nang umalis siya dito. Pero dahil sa biglang pagpanaw ng kanyang mga magulang dulot ng isang aksidente ay wala siyang nagawa kundi pasanin ang negosyong iniwan ng mga ito sa kanya at sa kapatid na si Calvin.

Nagulat pa siya nang isang matandang babae ang biglang lumitaw sa gitna ng kalsada. Mabuti na lamang at mabilis niyang nakabig ang kanyang sasakyan pakanan.

"Anak naman ng..." sabay bukas ng pinto at galit na sininghalan ang matanda. "Bakit ba kayo paharang-harang diyan? Gusto n'yo na bang mamatay?"

Ngunit sa halip na sumagot ay tiningnan lamang siya nito nang matiim. Para pang nagbibiro ang panahon matapos na biglang umihip ang malamig na hangin na nagpatayo sa kaniyang balahibo.

"Nagsisimula nang matupad ang kaganapan ng sumpa. Sa pagdatal ng hating-gabi, muling magbabayad ang may sala. Poot na angkan ng Villarreal ang may gawa. Hanggang huling patak ng dugo sisingilin nang walang awa." Kasabay nito ay ang malakas na pagdagundong ng kulog at ang pagguhit ng kidlat sa kalangitan.

Hindi niya maiwasang makaramdam ng kilabot lalo na nang mapagmasdan ang kaharap. Itim na itim ang suot nitong damit at tanging balabal lamang ang proteksyon nito mula sa malakas na ulan.

Itinago niya ang nararamdamang kilabot sa pamamagitan nang kunwaring pagpapakita ng galit. "Wala akong panahong makinig sa mga walang kwenta ninyong sinasabi." Dagli niyang isinara ang pinto at pinaharurot ang sasakyan palayo dito.

Malayo na ang kanyang natatakbo ngunit hindi pa din nawawala sa isipan niya ang mga sinabi ng matanda. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang tila may naamoy siyang kakaiba. Para bang amoy ito nang nasusunog na laman. Sakto namang pagtingin niya sa salamin ay nakita niya ang isang babaeng nakaupo sa likod. Nanlilisik ang mga mata nito habang nakatingin din sa kanya. Ang katawan nitong naagnas ay nangingitim na wari bang nasunog.
Nahigit niya ang kanyang paghinga. Natataranta siyang lumingon dito. Ngunit wala na ang babae. Isang malalim na buntunghininga ang kanyang pinakawalan. Maaring naapektuhan lamang siya sa mga narinig mula sa kausap na matanda kanina.

Agad siyang humarap upang muling ibaling ang tingin sa daan. Ngunit sinalubong siya ng mukha ng babaeng nakita niya kanina sa likuran. Agad siya nitong sinakal, sanhi para magpagewang-gewang ang kanyang sasakyan at tuloy-tuloy na dumausdos sa katabing bangin.

Isang malakas na sigaw ang kanyang pinakawalan bago tuluyang kinain ng karimlan ang buo niyang kamalayan.

"Mommy, Mommy, gising!"

Isang mahinang pagyugyog sa balikat ang dahilan para ako magising.

Bigla akong napabangon habang habol-habol ko pa din ang aking paghinga. Napanaginipan ko na naman si Alvin at nang gabing maaksidente ito. Ngunit ang hindi ko lamang maintindihan ay kung ano ang kaugnayan dito ng mahiwagang babaeng iyon.

"Mommy, binabangungot ka," inosenteng wika ng aking anak.

Niyakap ko siya nang mahigpit. Tanging sa apat-na-taong gulang na anak ko na lamang ako kumukuha ng lakas ngayong wala na si Alvin. Hindi ko mapigilang mapahikbi sa isiping iyon. Kinailangan ko pang kagatin nang mariin ang aking labi para mapigilang mapahagulgol. Hindi pa din ako makapaniwala na sa isang iglap, mawawala siya sa piling namin ng anak ko.

Ngunit ang hindi ko lang talaga maintindihan ngayon ay kung bakit paulit-ulit ko siyang napapanaginipan na wari bang gusto niya 'kong balaan.

Isang mahinang katok sa pinto ang bumasag sa malalim kong pag-iisip. Nabungaran ko sa labas ang aking bayaw na si Calvin.

Incogni2 First Strike: My Title, Your StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon