Midnight Soliloquies | Horror/Paranormal

150 13 1
                                    

Entry #5

Isa.

Walang bagay na totoo sa mundo, 'yon ang sabi ng nanay ko. Ang oras ay walang katotohanan. Walang tumitigil na oras. Walang nauubusan. Walang nasosobrahan. Patuloy lang ito. Hindi namamatay ang tao. Hindi natatapos sa libing ang lahat. Hindi umaakyat ang kaluluwa. Dahil nanatili silang buhay, pinapatuloy ang oras nila na akala natin ay tapos na.

Sa pintuan ng isang kwarto sa lumang bahay namin, naalala ko na ayaw pinapabuksan ng nanay ko 'yon madalas. Do'n ang kwarto kung sa'n madalas naglalagi si tatay para sa trabaho. Do'n na siya madalas didiretso kapag uuwi. Do'n na siya maghahapunan. Do'n na rin siya minsan tutulog. At do'n na rin siya namatay. Hindi nakaupo na lagi kong naaalala. Hindi nagsusulat ng kung ano-ano man sa notebook niya. Hindi nagbabasa ng makakapal na libro. Kundi, nakabitin sa ere, lubid na nakapulupot sa leeg, bukas ang mga mata at pula ang kulay nito. Simula no'n, sabi ng nanay ko, hindi raw nawala si tatay. Nagtatrabaho, nagsusulat, nagbabasa pa rin ito. At kung minsan, kung sisilip ka ng kaunti sa siwang ng pintuan, may makikita kang anino, maririnig na lagabog, at may mararamdaman kang lamig na humahaplos sa'yo.

Sa banyo ng luma naming bahay, naalala ko na hindi ka dapat magtatagal ng tingin sa salaming malaki na nakasabit do'n. H'wag kang iihi sa gabi. H'wag kang magkakandado ng pinto. H'wag kang pupunta kung mag-isa ka lang sa bahay. Do'n sa salamin, hindi lang repleksyon mo ang makikita mo. Babaeng itim, nakatingin ng diretso ang pula niyang mga mata sa'yo, at inaabot ka para sumama sa mundo niya. Inaagnas ang mukha, at nakakahindik-hindik na pagluha ng dugo.

Katagalan, napalitan 'yon ng mas kahindik-hindik na pangyayari. Sa banyo ng luma naming bahay, naabutan ko ang nanay ko na nalulunod sa sarili niyang dugo. Pula ang kulay ng liguan. Pula ang tumutulo sa pulsuhan niya. Pula ang labi na ngumisi nang mapatingin ako sa salamin. Nakuha na rin siya.

Dalawa.

Sumusuot sa kadiliman ang taong walang alam. Wala siyang takot dahil hindi niya alam kung ano'ng meron sa kadiliman. Ang sabi ng nanay ko, ang gabi ay parte lang ng araw, katulad na lang ng kasamaan ay parte ng kabutihan. Walang bagay na pareho pero kapag pinagsama, magiging isa.

Nakatihaya't nakapikit na ako no'n, patulog na sa kwarto. Ilang buwan na rin ang lumipas nang may madagdag sa loob ng bahay.

"Muriel."

Garalgal at malalim na boses.

Dama ko ang pagtaas ng balahibo ko. Takot at pagka-aligaga ang bumalot sa'kin. Dumiin ang pagpikit ko, dama ko ang init na hindi ko alam sa'n galing at paghirap ng paghinga ko.

"Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya..."

Magdasal! Magdasal ka, Muriel!

Tumawa ang boses, halakhak ng pangungutya. "Sa tingin mo tutulungan ka ng Diyos mo?! Naniniwala ka ba talaga ha!" sigaw niya.

Sa paghinga ko nang malalim, parang may alikabok na kasama.

Parang abo.

Parang buhangin.

Parang galing ilalim.

"Tinanong mo ba kung sa'n ako galing?" Napalunok ako, oo, tinanong ko 'yon sa isipan ko.

Imahinasyon ko lang ba 'to? Panaginip? Katotohanan?

"Bakit hindi mo buksan ang mga mata mo para malaman mo?"

Isa. Pinakiramdaman ko ang paligid. Patuloy sa malakas na pagkabog dibdib ko.

Dalawa. Humugot ako ng hininga. Parang napapaso ang lalamunan ko sa init.

Tatlo. Minulat ko ang mga mata.

Sumusuot sa kadiliman ang taong walang alam.

Tatlo.

Hating-gabi sa lumang bahay namin, sabi ng nanay ko, h'wag kang gigising dahil may kakausap sa'yo. Boses na magpapaduda sa'yo, aamuin ka sa paraiso na akala mo'y mapapasayo. Matang mapupula, aakitin ka para maging isa sa kanila. Salita ang gagamitin nila, susuklian mo 'yon ng pinaka mahalagang bagay na meron ka-ang 'yong kaluluwa. A

Napatanong ako, gano'n din ba ang nangyari sa kanya? Kay tatay? Kaya ba nangyari sa kanila 'yon? Kaya ba pagkatapos naming umangat sa buhay ay gano'n na lang ang biglang pagbagsak? H'wag ka ng mag-isip pa ng ibang sagot, Muriel. Alam mo na kung ano'ng totoo ngayon. Nangyari na ang mga nangyari. Pumayag ka rin sa sinabi ng boses.

Hating-gabi sa lumang bahay namin, matagal na silang nakatira do'n. Higit pa sa paglipat ng segundo sa orasan. Higit pa sa paglipas ng panahon sa mundo. Higit pa sa paulit-ulit na dasal na minumutawi ng mga sumasamba.

Hating-gabi sa lumang bahay namin, kapag nanirahan ka, makilala mo sila-kami.

Isa. Mga presensiya'y nagpaparamdam. Sa balat mo'y hahaplos, nagpapahiwatig.

Dalawa. Mga mata'y nakatingin. Sa kisame, sa pader, sa salamin, sa sulok, sa kwarto, nagbabantay.

Tatlo. Mga boses ay bumubulong. Totoo sila katulad na lang ng totoo ang Diyos.

Incogni2 First Strike: My Title, Your StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon