Friday the 13th. 6pm. Class dismissal.
Agad na lumabas ang guro ko matapos burahin ang mga isinulat niya sa blackboard, pagkatapos niya’y hindi na rin napigilan ng mga kaklase ko ang magkahalong saya’t pagkainip kaya hindi sila magkamayaw sa paglabas ng classroom. May kanya-kanya silang lakad o gimik. Dahil sa mga susunod na araw, malaya na kami.
“Langit ang biyernes, ‘no?”
Lumingon ako sa likuran dahil hindi pamilyar sa’kin ang boses na ‘yon. Sinuklian niya ng ngiti ang aking pagharap at sandaling kumaway. Si Charles pala, ang transferee. “A, oo! Walang assignments dahil family days ang Sabado’t Linggo. Bakit mo naitanong?”
Kaso nga lang, ilang taon na akong walang pamilya.
Dumukdok siya sa desk at tinitigan ako nang nakakatunaw. “Para sa akin, hindi langit ang biyernes.”
“B—Bakit naman?” Hindi ko inaasahang mauutal ako sa tanong na iyon. Pakiramdam ko mahuhulog ang aking panty sa itinatapon niyang tingin.
“Kasi hindi na kita makikita,e.” Namula ang aking pisngi sa kanyang tinuran. Maloko ang kanyang ngiti–hindi–ang kanyang ngisi. Napakagat ako sa aking labi. Hindi ko dapat nararamdaman ito. Hindi dapat ako kinikilig sa kanya. Mali ito.
“H—Ha?”
“Ang sabi ko, hindi langit ang biyernes dahil–“
Bigla siyang napahinto. “What?”
Napatakip ito sa sariling bibig at waring hindi makapaniwala sa kanyang nakita. Mangiyak-ngiyak ang mga mata niyang nakatingin sa akin. “Diyos ko!”
“Bakit?” Hindi ko siya maintindihan. “Charles, magsalita ka!”
Kumurap siya nang ilang beses at bawat pagbukas ng mga iyon, lalong nanlalaki. “Charles ano bang nangyayari?!”
“Kasi...”
“Kasi ano?!” Nauubusan na ako ng pasensya.
“Kasi...”
“Oh my God! Charles, just tell me!”
Bakas sa mukha niya ang sobrang takot. “Kasi Emily...w-wala kang ulo.”
Napalunok ako sa sinabi niyang iyon. Nababaliw na ba siya?! Huminga ako nang malalim at hindi na siya pinansin pa. Kinuha ko na ‘yong bag ko at dire-diretso ako palabas ng room. Hindi maganda ang biro niya. Hindi nakakatawa.
Pumunta muna ako ng banyo bago umuwi. N’ong pumasok ako sa loob, walang tao. Walang kahit sino. At nakakapagtaka iyon. Sa ganitong oras na uwian na ng mga estudyante, kalimitang puno ang banyo at hindi na ako halos makapasok sa loob. Ngunit sa pagkakataong ito, ni anino ng kahit sino, wala. Idagdag pa ang katahimikang bumabalot sa buong paligid.
“Ugh. Emily, you’re overthinking things again!” sabi ko sa aking sarili habang minamasahe ang aking sentido. Lumapit na ako sa lababo at binuksan ang gripo. Tiningnan ko ang mukha ko sa salamin, halatang puyat, pagod at stressed. Napabuntong-hininga na lang ako. Iba na talaga ang nagagawa ng sobrang pagsusunog ng kilay.
Yumuko na ako at sinalok ng aking mga kamay ang tubig na nanggagaling sa gripo. Inihilamos ko iyon sa aking mukha nang paulit-ulit. Pagkuwa’y kinuha ko ang aking suklay sa bag at nang humarap ako sa salamin, nanindig lahat ng balahibo ko sa katawan at nanlaki ang aking mga mata.
Paano kasi...
Kung kanina’y walang katao-tao—
—ngayo’y punong-puno na ang banyo!
Ni hindi ko narinig na bumukas ang pintuan. Sa isang iglap lang, nariyan na sila. Ni isa’y walang umiimik o nagsasalita. Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Ayokong magisip ng kung anu-ano. Ayokong maging paranoid pero...paano nangyari iyon?!