Kapatid

241 8 0
                                    

"Kuya!"

"Kuya!"

"Kuya John! Gising!"

Namulat at napabangon ako ng bigla. Pawis na pawis at ramdam ko pa rin ang takot dulot ng panaginip na iyon.

Ako nga pala si John. Dalawampu't apat na taong gulang. Nakatapos na ako ng kolehiyo at nagtatrabaho ngayon bilang isang sales staff sa isang mall.

"Sa wakas! Buti at nagising ka na kuya! Nag-alala ako ng sobra sayo! Kanina ka pa umuungol." Sabi ng isang babae na makikita mo ang lubos na pag-aalala sa mukha.

Napatingin ako sa nagsasalita. Ang kapatid ko nga palang babae, si Jenny. Ang nag-iisa kong kapatid. Labing siyam na taong gulang palang sya.

"Buti ginising mo ako." Laking pasasalalamat ko't pinuntahan nya ako. Kundi, baka kung anong nangyari sakin at di na ako nagising.

"Hay nako kuya! Ikaw talaga! Pinakaba mo ako! Wala pa naman sila mama at papa."

"Bakit? Nasaan sila?"

"Nasa palengke. Namili ng panghanda para mamaya. Nakalimutan mo na yata kung anong meron ngayon kuya." Sabay hampas nya sakin ng unan.

Oo nga pala. Kaarawan nga pala ng kapatid ko ngayon. Bente anyos na pala sya.

"Hindi ah! Bakit ko naman makakalimutan yun? Ikaw pa!" Palusot ko.

"Nakooo! Sinungaling! Bumangon ka na nga dyan at kumain na tayo. Kanina ko pa hinanda yung agahan."

"Naks! Marunong na pala magluto." Biro ko sa kanya. Alam ko kasi na hindi nya hilig ang pagluluto kaya laking gulat ko nalang nung sinabi nyang naghanda sya ng pagkain.

"Syempre! Tara na!" Pag-aaya nya sakin.

Lumabas na kami ng kwarto at kumain na kami ng niluto nya. Akala ko ba naman kung anong niluto nitong kapatid ko, nagprito lang pala ng hotdog. Natatawa man ako pero pinakita ko sa kapatid ko ang labis na pagkatuwa ko sa pag-a-abala nyang magluto.

Pagkatapos naming kumain ay sinabi ko na ako nalang ang maghuhugas ng mga pinagkainan namin. Nung una'y ayaw nya pumayag ngunit napilit ko din sya. Sinabi ko na magpahinga nalang sya at manood ng TV.

Pagkatapos kong hugasan ang mga pinagkainan ay naalala ko na namili nga pala ako ng regalo sa kapatid ko nung nakaraang araw. Kinuha ko iyon sa aparador sa aking kwarto at hinagis ito sa kanya.

"Aray! Ano ba?! Kuya talaga. Lagi mo akong inaapi!"

Di ko sinasadyang tumama sa mukha nya yung paper bag. Natawa na lamang ako.

"Happy birthday Jenny! Sana magustuhan mo yan."

Binuksan nya ang regalo at natuwa ako ng makita ko ang ngiti nya pagkatapos nyang masilip ang laman nito.

"Wow! Salamat kuya! Ang ganda naman nitong damit!" Ang nasabi nya habang hawak-hawak ang puting t-shirt. Alam ko kasi na hindi mahilig ang kapatid ko sa mga ibang klase ng damit pwera nalang sa t-shirt. Simple lang kasi sya manamit. Syempre yung mamahalin na yung binili ko.

"Isusuot ko to agad mamaya." Sabi pa nya.

Binalik nya sa lalagyan ang damit at tumingin sakin.

"Nga pala kuya. Ano yung napaginipan mo kanina? Binangungot ka ata eh."

Nawala ang ngiti ko nang marinig ko ang tanong nyang iyon. Sandaling nagkaroon ng katahimikan sa aming bahay. Malinaw pa sa isip ko at tandang-tanda ko pa ang nakakatakot na panaginip na iyon. Yung bata...

"Kuya?" Pag-a-alala nya sakin.

"Ha? Ahh..." Lumapit ako at tumabi sa kinauupuan nya. "Napaginipan ko kasi na nasa isang lugar ako na walang tao at naglalakad-lakad ako. Hanggang sa may nakita akong isang bahay na bumukas ang ilaw---"

Napansin ko na tahimik sya at seryosong nakikinig sakin.

"Itutuloy ko pa ba?" Naitanong ko dahil matatakutin pa naman tong kapatid ko.

"Oo kuya. Interesado ako."

Kinuwento ko ang sunod na nangyari sa aking panaginip at kitang-kita ko sa kanyang mukha ang pagkatakot. Duwag talaga to.

"Hahaha! Ano ka ba? Panaginip lang yun!"

"Di ako natatakot no!?" Pagtanggi nya. "Isa pa, di naman nakakatakot ang napaginipan mo."

"Jenny... Sinong yung nasa bintana?" Sabay turo ko sa likuran nya.

"AAAAHHHH!!!" Bigla syang napatili sa sinabi ko at bigla syang napayakap sa akin.

"Hahahahahaha! Hindi pala natatakot ah?"

"Kuya naman eh! Nako! Manonood na nga lang uli ako ng TV. Sa susunod kasi magdasal ka bago matulog nang hindi ka bangungutin."

"Opo. Hahahaha!" Nang biglang dumating na sila mama at papa.

"Oh? Kumaen na ba kayo?" Sambit ni mama.

"Opo mama. Kumaen na kami. Ako nga ang nagluto eh." Pagmamalaki ng kapatid ko.

"Aba'y himala! Haha!" Biro ni papa. "Mainam din yan para di lugi yung mapapangasawa mo. Hahahaha!"

"Papa naman." Tanging nasabi ng kapatid ko.

Pumunta na sila mama at papa sa kusina upang maagang makapagluto. Darating daw kasi yung mga kaibigan ni Jenny.

"John. Pakuha nga ng mga ibang pinamili namin sa loob ng kotse. Ito yung susi." Utos ni papa sakin.

Dali kong kinuha ang susi at nagtungo sa kotse. Pagbukas ko ay agad kong kinuha ang mga dapat kunin. Ang dami at ambibigat. Pero kaya ko naman. Binaba ko muna ang mga ito sa lapag upang isara ng maayos ang kotse.

Nung nasara ko na ay binuhat ko nang muli ang mga nilapag ko.

May nalaglag...

Isang scotch tape.

Muli kong naalala yung bata.

Ang Lihim ng Sta. RitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon