Ilaw

116 3 4
                                    

Namatay sandali ang dala naming flashlight.

Di na namin kailangan pang maglakad at hanapin ang ospital dahil pagsindi nito ay nandito na kami.

Pangalawang beses na itong nangyari. Parang pinaglalaruan nalang kami ng lugar na ito.

Nawalan muli ng liwanag ang paligid at nandito naman ako ngayon sa elevator, ako lang mag-isa. Sobrang tahimik at dinig na dinig ko ang bawat kabog ng aking dibdib. Ikinagulat ko ang malakas na pagbukas ng pintuan nito at dito ko napagtanto na nandito pa rin ako sa ospital dahil sa nurse station sa aking harapan. May tao, nakatalikod ito sa akin, nanatili muna ako sa aking pwesto at kinilala muna ang aking nakikita dahil baka isa itong gwardya.

Itim na t-shirt...

May tumagos na kutsilyo sa kanyang batok at kasabay ng pag-agos ng dugo ay ang pagbagsak ng kanyang kanang kamay.

"Aldrin!!!" Tatakbo na sana ako palabas ngunit mabilis itong umandar pataas. Ni hindi man lang ako nakaganti sa pagtulong nya sa akin.

Isa-isang umiilaw ang maduduming pindutan, pabalik-balik mula ground floor hanggang 4th floor ngunit isang direksyon lang naman ang inaandar nito. Lahat ng nandoon ay pinindot ko ngunit hindi pa rin ito humihinto. Sa sobrang bilis ay umikot ang aking sikmura at nasuka ako, nanlambot at bumagsak sa lapag.

Bigla rin itong huminto sa wakas, marahan akong bumangon at inayos ang sarili. Humakbang agad ako palabas dahil baka umandar nanaman ito. Nurse station rin ang natagpuan ko ngunit ang kaibahan lang ay mukhang luma at abandonado ang palapag na ito dahil sa sira-sirang tiles at nagbabakbak na mga pintura sa pader at kisame. Habang nagmamasid ako ay napansin ko ang umaagos na dugo sa sahig sa tabi ng desk, lumapit ako dito at laking gulat ko na galing ito sa nakahimlay na katawan ni Aldrin. Dumapa ako sa tabi nya, iginalaw ang kanyang katawan at nakumpirma kong wala na nga syang buhay. "Sino ang gumawa nito sayo?" Bulong ko. Kakaiba na ang kanyang kanang kamay, wala itong balat at mas mahaba na ang mga kuko nito ngayon, wari ko'y isa na syang ganap na gwardya noong napatay sya, pero maaari ding hindi. Kahit na ano pang isipin ko ay wala nang silbi dahil patay na sya.

"Umalis ka na." May nagsalitang isang babae na maliit ang boses.

Tumayo ako at nakita ko ang isang batang babae sa loob ng elevator na nakasuot ng ternong asul na damit at salawal na may design na malungkot na bulaklak. "Umaano ka dito? Delikado dito!" Sabi ko sa bata habang lumalapit.

"Huminto ka, isang galaw mo pa ay aatakihin ka nya."

Sumunod naman ako sa sinabi nya. "Sino?"

"Nasa kanan mo."

Pagkatingin ko ay nakatingin sa akin ang isang gwardya sa di kalayuan na halos wala na yatang laman sa katawan dahil sa sobrang kapayatan, pero ang ikinataas ng balahibo ko ay ang dalawa nitong ulo na magkaiba pa ang kasarian. Parehas na may tumutulong likido mula sa kanilang bibig at parang gustong-gusto na ako lapain.

"A-Anong gagawin ko?" Dumaloy sa buo kong katawan ang takot at parang nawala na ang paninindigan ko sa mga sinabi ko kanina na papatayin ko ang lahat ng mga gwardya. Wala pa akong armas, ngayon ko lang napansin na wala na ang nakasakbit na bag sakin at ang tanging dala ko lang ay itong flashlight.

"Basta wag kang kikilos."

Lumalapit sa akin ang gwardya ng marahan ngunit sinunod ko na lamang ang sinabi nya, nakakagulat na ang isang batang babaeng katulad nya ay kayang manatiling kalmado sa ganitong pangyayari. Teka, hindi kaya...

Sandaling tumawa ng malakas ang bata, "Binibiro lang kita, walang magagawa yang paghinto, bye!" Pagkasara ng pintuan ng elevator ay tumakbo papunta sa akin ang gwardya habang humihiyaw na parang kinakatay na baboy. Mabilis akong tumakbo sa bandang kaliwa ko papunta sa hagdanan na pwede kong gamitin upang makatakas ngunit parang walang katapusan ang aking tinatakbuhan, parang sobrang haba ng daan, parang di ako lumalapit sa dulo. Napapagod na ako, nararamdaman kong bumabagal na ang pagtakbo ko at alam kong maabutan nya na ako. Nagmadali akong tumungo sa isang kwarto at swerte namang bukas ito, pagkapasok ko ay nahablot bigla ang kaliwang kamay ko ng gwardya, nagpumiglas ako ng buong pwersa at malakas kong isinara ang pintuan na ikinaputol ng payat nyang kamay. Humiyaw ito ng malakas at paulit-ulit na kinalabog ang pintuan. Itinulak at iniharang ko ang natagpuan kong malaking aparador sa pinto at sinuporta ko din ang aking katawan. Ilang minuto ang lumipas at laking pasasalamat ko na tumigil din sya.

"Gusto ko nang umuwi. Gusto ko nang umuwi. Gusto ko nang umuwi. Gusto ko nang umuwi..."

May tao sa loob nitong kwarto!

Pinutol ko ang nakalawit na kahoy sa lumang aparador tsaka hinanap ang nagsasalita at nadinig ko na parang nanggagaling ito sa ilalim ng kama. Dumapa ako at sinilip ko ito.

"Lynn?" Nakatagilid sya at may hawak na kutsilyo, lumuluha, puro bahid ng dugo at nakatulala.

"Sino ka?! Lumayo ka sa akin!!!" Umurong sya at sumiksik sa dulo.

"Ako ito! Si John!" Sandali kong tinapat ang flashlight sa mukha ko upang makilala nya ako. Gumapang sya palabas, yumakap sa akin at kinapa-kapa ang mukha ko.

"Kuya! Ikaw nga! Umalis na tayo dito! Umuwi na tayo! Ayoko na! Takot na takot na ako!" Pagmamakaawa nya.

"Nasaan si Anna?"

"Hindi ko alam! Magkasama kami kanina noong niligtas nya ako, tapos bigla nalang syang nawala nung nawalan ng liwanag. May humabol saking gwardya kaya nagtago ako dito." Kwento nya. "Tara na! Umalis na tayo!"

"Hanapin muna natin ang mga kasama natin. Baka nandito din sila."

Nag-iba ang timpla ng kanyang mukha, mula sa takot ay naging kalmado ang itsura nya. Bumitiw sya sa akin at umupo sa kama. "Lahat naman tayo mamamatay dito diba? Iwanan mo na ako. Gusto kong mapag-isa."

"Baliw ka ba?! Sama-sama tayong aalis dito!"

Hiniwa nya ang kanyang kaliwang hita at parang hindi man lang sya nasaktan. "Kung di ka aalis, papatayin nalang kita, tapos magpapakamatay ako. Wala na tayong pag-asa sa lugar na ito."

Dahan-dahan syang lumalapit sa akin dala ang kanina nya pang hawak na kutsilyo. Hindi ko alam kung bakit ako kinabahan, parang naging gwardya sya sa aking paningin at pakiramdam ko ay totoong papatayin nya ako. Kusang kumilos ang katawan ko na itulak ng malakas ang aparador at lumabas ng kwarto. Wala na akong nadinig pang ingay sa loob kundi ang paglock nito.

"Bwisit!" Nandito pa ang gwardya at kasalukuyan nyang kinakain ang bitbit nyang katawan ni Aldrin. Napunta sa akin ang kanyang atensyon at saka mabilis na sumugod. Hindi agad ako nakatakas at pagkahablot nya ng aking mukha ay buti nalang at napunta nanaman ako sa ibang lugar.

Sila Erik, Rose at Anna. Lahat sila ay nakahimlay sa kama at pilit na kumakawala. Nakatali ang mga kamay at paa nila sa kama gamit ang sinturon. May mga nakasalpak ding laman-loob sa kanilang mga bibig at sa tingin ko'y galing ito sa mga gutay-gutay na pasyente sa ibang kama. Palagay ko'y ito ang emergency room.

Naduduwal ako ngunit parang wala na akong kaya pang isuka. "Anong nangyari sa inyo?!" Ungol lang sinagot nila sa akin at lahat sila ay parang sinasabi sa akin na magmadali ako, ngunit napatigil ako noong makita ko ang isang pasyente sa tabi ni Anna...

Si Jenny, buhay sya...

Ang Lihim ng Sta. RitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon