"Hoy!"
Minulat ko ang aking mga mata matapos tamaan ng unan na inihagis ng aking kasama, si Anna.
"Tara na." Sabi pa nya.
Saan? Wala na kaming iba pang mapupuntahan dito sa impyernong ito. Bumangon ako at lumapit sa kanya. Nakaligtas pala sya, siguro sya ang nagdala sa akin dito sa bahay na ito. "Anong nangyari sa akin? Nasaan yung iba?"
Tumingin lang sya sa akin at hindi umimik. Dumiretso sya sa pintuan at binuksan ito. "Umuwi na tayo, kuya." Humarap sya sa akin at ngumiti. Nagulat ako sa aking nakita, may liwanag na sa labas.
"Paano-"
"Dali na! Hinihintay na nila tayo sa sasakyan." Sabay takbo nya paalis.
Hindi ako makapaniwala. Ligtas na kami! Ayoko na isipin kung paano ito nangyari pero sa wakas at makakaalis na din kami sa lugar na ito. Para kaming mga preso na nakalaya na sa bilangguan. Nagmadali akong lumabas dahil baka nakita at kasama na rin nila si Jenny.
Hindi... Iba ang naabutan ko sa labas.
Si Anna pati ang iba pa naming kaibigan, lahat sila ay duguan at nakahandusay sa kalye.
Humakbang ako palapit sa kanila, nagbabaka-sakaling buhay pa sila ngunit pinahito ako ng isang tubong tumusok mula sa aking likuran. Ibinaling ko ang aking mukha at di ko inaasahang isang pamilyar na tao ang aking nakita, si Jenny.
Napabalikwas ako sa aking kinahihigaan, isa nanaman palang panaginip. Pinagmasdan ko ang aking paligid, kahawig nito ang bahay sa napaginipan ko ngunit ang kaibahan lang ay wala akong kasamang iba. Ano kaya ang nangyari sa akin at pano ako napunta dito? Ang huling natatandaan ko ay tumatakas kami nila Erik at Rose sa dalawang gwardya at bigla nalang akong nawalan ng malay.
Inikot ko ang buong bahay gamit ang kandila na nasa tabi ko kanina at wala nga talagang ibang tao. Nag-ayos ako ng gamit at inihanda ko na ang aking sarili para sa muling paghahanap sa aking mga kasama. Pagkabukas ko ng pintuan ay may narinig akong mga yapak ng paa na papalapit sa aking kinatatayuan. Muli akong pumasok sa loob ng tahimik at pumuwesto sa sulok, pinulot ko ang isang tubo sa lapag at naghintay sa mangyayari. Hindi naman ako abot ng liwanag ng kandila kaya sigurado akong hindi nya ako agad makikita, isa pa, kung pumasok man sya sa bahay na ito ay matatakpan din ako ng pintuan.
Lumalapit ang tunog.
Tama nga ako. Dahan-dahang bumukas ang pintuan, iniamba ko ang hawak kong tubo at sumugod sa daanan ngunit wala akong nakitang tao o gwardya. Baka guni-guni ko lang iyon. Mali, hindi akma ang salitang guni-guni sa lugar na ito. Binuksan ko ang flashlight at lumabas na ako ng bahay. Maingat akong dumiretso sa paglalakad sa kalye kahit na hindi ko alam kung saan ako tutungo.
Deretso lang at nagdadasal na sana ay manatili akong ligtas.
Ang mga yapak, naririnig ko uli ito.
Kahit na kinakabahan ay huminto ako at nagmasid, hinahanap kung saan ito nagmumula. Ilang sandali pa ay bigla itong lumakas at bumilis.
Sa likod!
Pagkalingon ko ay malapit na ito sa akin, sumusugod ng mabilis na parang isang aso. Wala itong mukha, mali, wala itong ulo, at ang mga kamay niya'y paa. Aatakihin ko na sana ito ngunit mabilis itong nakatalon sa akin na aking ikinahiga. Pilit akong nagpupumiglas ngunit masyadong madiin ang pag-apak nito sa aking mga braso at binti. Natigilan ako sa pagkilos nung may tumulong dugo sa mukha ko mula sa dibdib nya, dahan-dahan itong bumukas at ito'y may sangkatutak na matatalim na ngipin. Kailangan kong mabuhay! Pinilit ko muling makawala ngunit nanghihina na rin ang katawan ko, pumikit nalang ako habang lumalapit ang mga pangil nito.
"Patawad..." Yun lang ang tanging lumabas sa bibig ko.
Gumaan ang gwardya na nakapatong sa akin hanggang sa bumagsak ito, pagkadilat ko ay duguan itong nakahandusay sa akin. Agad ko itong inalis dahil baka buhay pa ito ngunit mukhang imposible dahil sa mga malalalim na hiwa nito sa likuran.
"Ayos ka lang ba John?"
Nagulat ako sa narinig, tinignan ko ang taong nagsalita at laking gulat ko sa nakita. Si Aldrin.
"Oh? Bakit hindi ka umiimik dyan? Tara na. Baka may dumating pang ibang gwardya." Sabi pa nya sabay hatak sa akin patayo.
"Akala namin patay ka na, salamat naman at ligtas ka."
Ngumiti lang sya at naglakad palayo, "Alam ko kung nasaan sila Erik at Rose, ligtas din sila."
Mabilis akong sumunod sa kanya at tinakbo namin ang daan papunta sa dalawa naming kasama, buti nalang at wala kaming nakakaharap na gwardya.
Makalipas ang higit sampung minuto ng pagtakbo ay natunton na namin ang bahay. Agad akong kumatok at inihiyaw ang pangalan nila, laking tuwa ko nang sumilip si Erik mula sa bintana, noong nakilala ako nito ay agad kami nitong pinagbuksan at sinalubong naman kami ng yakap ni Rose na maluha-luha pa sa tuwa.
"Patawarin mo ako kuya..." Sabi ni Erik. "Akala ko patay ka na nung hinagisan ka ng bato nung isang gwardyang humahabol sa atin."
"Tama lang ang ginawa mo, kung binalikan nyo pa ako ay baka kung ano ding nangyari sa inyo." Sagot ko. "Hindi ko nga rin alam kung paano ako nakaligtas, hindi ko alam kung sinong tumulong sa akin."
"Paano mo nalamang nandito kami?" Tanong ni Rose.
"Kay Aldrin. Nasaan nga pala sya?"
"Nasa CR. Paano nga daw pala sya nakaligtas?" Sabi ni Erik.
"Hindi nya naikwento, pero salamat sa Diyos at buhay sya at kayo. Sana ganun din sila Lynn at Anna... at si Jenny."
Natahimik ang paligid. Si Jenny, totoo nga kaya ang sinabi ng matanda tungkol sa kanya?
Tumayo si Rose, kumuha sya ng kutsilyo sa kusina at tumungo sa CR. "Anong gagawin mo?!" Sabay sunod ni Erik.
"Patay na si Aldrin. Naaalala mo ba kung anong ginawa sa kanya ng gwardya?" Sabi ni Rose.
"Oo! Pero—" Natigilan si Erik at napatingin nalang sa pintuan, napansin nya na rin siguro.
"Buhay sya..." Malungkot kong tugon.
"Pero hindi na sya normal tulad natin." Sagot ni Rose, iniamba nya ang hawak na kutsilyo, hinihintay na lumabas si Aldrin.
Biglang may gumulat samin na malakas na tunog mula sa loob ng CR. Agad itong binuksan ni Erik at bumulaga sa amin ang mga nagkalat na bato sa lapag at ang malaking butas sa pader.
"Aldrin..."
Medyo malayo na ang naitatakbo nya pero naaaninag pa rin namin sya.
Isa na nga ba syang gwardya?
Pero niligtas nya ako... gamit ang kanyang kanang kamay na may matatalim na kuko...

BINABASA MO ANG
Ang Lihim ng Sta. Rita
HorrorHindi porket wala kang kinalaman ay hindi ka dapat madamay.