Balakid

167 3 0
                                    


"Aldrin!"

"Oh?" Sagot nya sa akin. Sa wakas, gumising na rin sya.

Nandito kami sa Barangay Hall. Noong nakita namin ito kahapon, sinabi ko kay Aldrin na ipaalam namin sa kapitan na nandito sa Sta. Rita ang hinahanap naming kaibigan. Tinulungan naman nya kami at pinahanap nya si Jenny sa kanyang mga tauhan. Nanghingi din sya ng litrato para mapa-photocopy nya at maipaskil din ng mga tauhan nya sa bawat kalye habang naghahanap. Tumulong naman kaming dalawa at buti nalang ay nakabalik na kami dito sa Barangay Hall bago pa man dumating ang malakas na hangin. Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay ninais nila kapitan na mag-ikot upang tignan ang lagay ng mga tao sa labas. Sinabihan nya kami na manatili lamang dito sa loob para sa aming kaligtasan. Nakatulog kami sa paghihintay ng pagbalik nila dahil hanggang alas-onse ay wala pa rin sila rito.

"Tumayo ka na dyan! Dali!" Sabay tutok ko sa kanya ng flashlight.

"Walang kuryente? Nasaan na sila?" Tanong nya agad pagkabangon sa mahabang upuan.

"Oo wala nga, kanina pa paggising ko. Sila kapitan? Hindi pa rin sila bumabalik hanggang ngayon." Sabay abot ko sa kanya ng isa pang flashlight. "Tsaka isa pa..."

"Ano?"

Dere-deretso akong lumabas ng Barangay Hall. "Tignan mo to."

Sumunod naman sa akin si Aldrin, wala syang imik habang pinagmamasdan ang labas gamit ang flashlight na kabubukas nya lamang.

"Anong napansin mo?" Tanong ko.

"Ahhh... Makalat, syempre dahil sa hangin kahapon."

"Ano pa?"

"Tsaka madilim pa, kaya matutulog na ulit ako." At naglakad sya pabalik sa loob.

"Nakita mo na ba ang oras? Alas-syete na nang umaga, isa pa, wala pa akong nakikita ni isang tao dito sa labas mula kanina."

Huminto sya sa paglalakad, tinignan ang oras sa kanyang relo gamit ang liwanag ng flashlight at nalaman nyang tama nga ako.

Humarap ako sa kanya at nakita ko ang kanyang pagkabalisa.

"Tatawagan ko sila." Ngunit pagkuha nya ng kanyang cellphone sa kanyang bulsa ay hindi nya ito mabuksan. "Anna, may pantawag--"

"Ayaw din bumukas ng cellphone ko." Mahina kong tugon. "Ayaw din gumana ng mga walkie-talkie dyan."

Kanina pa ako nagmasid sa paligid bago pa man tuluyang magising si Aldrin. Alam kong may kakaiba sa nangyayari ngayong araw. Sa loob ko, inaamin kong natatakot ako pero minabuti kong manatiling kalmado.

Sandaling nagkaroon ng nakakabinging katahimikan sa paligid. Walang umiimik. Pilit nyang binubuksan ang cellphone nya at ako naman ay umupo sa mahabang upuan na pinaghigaan nya. Alam kong parehas kaming nag-iisip ng

"Hanapin natin sila." Naglakad sya palapit sakin at kinuha ang kanyang backpack sa tabi ko.

Sumang-ayon naman ako sa sinabi nya. "Sige. Wala din namang mangyayari kung mananatili tayo rito."

Nagsimula na kaming maglakad sa binagyong kalsada. Mga plastik, papel, sirang sasakyan, patay na hayop at kung anu-ano pa ang nadadaanan namin. Ilang minuto ang nakalipas ay napatingin ako sa kanya. Mabait naman si Aldrin, medyo mayabang nga lang. Napansin ko iyon habang magkasama at nagkukwentuhan kami kahapon. Maputi sya, matangkad at sakto lang ang pangangatawan. May itsura din sya. Nakasuot sya ng itim na cap, itim na t-shirt at gray na pantalon.

Bigla akong napaiwas ng tingin sa kanya nang tumingin sya sa akin.

"Bakit?" Nakangiti at natatawa nyang tanong sa akin.

Ang Lihim ng Sta. RitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon