Panaginip

399 10 0
                                    

"Anong lugar to?" Aking pagtataka.

Napakadilim ng paligid.

Tinignan kong mabuti ang oras sa aking relo.

"2:00 PM?"

Akala ko ay gabi na dahil sa dilim ng kapaligiran.

Tumingin ako sa langit. Punong-puno ito ng ulap. Mga makakapal at maiitim na ulap.

Pinagmasdan ko pa ang paligid. Buti nalang at nakabukas ang mga streetlight. Nasa gitna pala ako ng lansangan. Sementado ang daan. Mapapansin mo na ito'y isang magandang lugar upang tirhan. Magkakatabi ang mga bahay dito at ang tapat agad ay kalye. Isa pa, makikita mo ang iba't ibang puno at halaman sa tabi ng mga bahay. Napansin ko nga din na parang magkakahalintulad ang itsura ng mga bahay.

Naglakad-lakad ako at ngayon ko lang napagtanto na parang walang katao-tao kahit na napakaraming bahay dito.

Napahinto ako nung nasa isang intersection na ako. Saan ba ako tutungo? Ni hindi ko nga alam to eh. Nakalimutan ko nang isipin kung paano ako napunta sa lugar na ito. Nakalimutan ko na ding isipin kung bakit nga ba walang tao dito. Basta... Di ko mawari ang dapat kong maramdaman o isipin.

"Ang tahimik naman..." Sabay ng pagbuntong hininga ko.

Nang biglang may naaninag akong pagliwanag. Bumukas ang ilaw sa loob ng isang di kalayuang bahay.

Sa wakas! May mapapagtanungan ako. Dali-dali akong tumakbo papunta sa bahay na may liwanag at kinatok ko agad ang pintuan.

"Tao po!"

Walang sumasagot.

"Tao pooo!"

Alam ko may tao sa loob nito. Kitang-kita ko ang pagbukas ng ilaw kanina. Sinubukan kong ipihit ang door knob. Hindi ito naka-lock. Hindi na ako nagdalawang isip pa at pumasok na ako. Bahala na kahit magalit sakin ang may-ari. Kailangan kong magtanong.

Pagpasok ko ay humiyaw ako sa loob.

"Tao po! May tao ---"

Natigilan at nagulat ako nang may nakita akong batang babae na tumakbo mula sa kurtina ng bintana sa gilid ko papunta sa isang kwarto sa aking harapan.

"Teka bata! May itatanong lang ako!"

Agad ko syang hinabol ngunit nasara at na-lock nya na ang pintuan bago ko pa man sya maabutan.

"Buksan mo to! Hindi kita sasaktan. Pakiusap." Sabi ko habang kinakatok ang pintuan.

Hindi bumubukas ang pintuan. Hindi rin nagsasalita ang bata. Dinikit ko ang aking tenga sa pinto at wala din akong nadidinig mula sa loob.

Tumalikod ako at tumungo sa pintuan palabas ng bahay. Naisip kong magtungo sa ibang bahay. Magbabakasakaling may ibang tao pa akong makikita ngunit... narinig ko ang pagpihit ng door knob ng kwarto.

Lumingon ako. Nakasara pa rin ang ngayon ko lang napagmasdang simple at makinis na puting pinto na parang kapipintura lang kung ikukumpara mo sa kulay ng pader.

Maya-maya ay dahan-dahan itong bumukas. Dinig na dinig ko ang mabagal at matagal na ingit ng pinto na naging dahilan ng pagtaas ng aking balahibo. Hindi ako makakilos at parang may kumokontrol sakin na hintaying matapos ang pagbukas nito bago ko ito puntahan.

Hindi ko maaninag kung ano ang nasa loob ng kwarto dahil nakapatay ang ilaw nito. Nakabukas man ang ilaw dito sa sala ngunit di ito abot ng liwanag.

Nilakasan ko ang aking loob. Dahan-dahan akong tumungo sa kwarto. Nang makapasok na ako sa loob ay wala akong makita ni isang bagay dahil sa dilim. Nagulat nalang ako ng bigla kong narinig na tumatawa ang bata.

"Nasan ka? May itatanong lang ako. Di ko alam kung paano ako napunta dito." Nanginginig na sambit ko.

Di ko sya makita dahil sa sobrang dilim. Kumapa ako sa pader upang hanapin ang switch ng ilaw. Nung natagpuan ko na, laking gulat ko sa aking nakita nung binuksan ko na ito.

Yung bata... Yung batang babae na tumakbo dito kanina. Puno sya ng dugo. May mga malalaki at malalalim na butas sya sa katawan na parang tinusok ng isang matulis na bagay at nakaipit sya sa sulok gamit ang sandamakmak na scotch tape.

"Dyus ko!"

Nanginginig at marahan akong lumapit. Nagbabakasakali na maaari ko pa syang matulungan.

Ang mga mata nya...

Dumilat ito at tumingin ng masama sa akin.

Ang Lihim ng Sta. RitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon