"Dapat syang mamatay."
Nagpanting ang tenga ko nang marinig ang salitang iyon. "Ano ba Rose?! Kaibigan natin sya! Niligtas nya ako at hindi nya rin tayo sinaktan!"
"Sa ngayon! Pero isa na syang gwardya at darating din ang araw na papatayin nya rin tayo!" Sagot nya.
"Mukhang tama si Rose, kuya." Mahinang sabi ni Erik.
Huminga ako ng malalim at pinakalma ko ang aking sarili. "Bahala na kayo sa gusto nyong gawin, pero pasensya na dahil hindi ko kayang patayin ang kaibigan ko." Iyon nalang ang lumabas sa aking bibig.
Umihip ang malakas na hangin na ikinapatay ng mga kandila at nag-iwan ito ng kumpletong kadiliman.
"Erik? Rose?"
"Andito kami kuya. May ilaw ka ba dyan?" Sabi ni Erik.
"Ah, oo." Kinuha ko ang flashlight sa aking bulsa at binuksan ito.
"P-pa-paano tayo napunta dito?" Pagtataka ni Rose.
Pinagmasdan ko ang paligid. Nasa loob kami ngayon ng isang lumang istasyon ng pulis.
"Sino kayo? May tao ba dyan?"
May babaeng nagsalita, hinanap namin ito at mukhang nanggagaling ito sa loob nung kwarto. Bukod sa naka-lock ang makapal na pintuan nito ay nakasilyado ito ng patong-patong na kadena.
"Dito! Sa salamin!" Sabi pa nung babae.
Tinungo namin ang salamin sa bandang kanan ng pintuan kung saan kumakatok ang babae at napatakbo ako sa aking nakita.
"Jenny!" Tulad ng sinabi nila Anna, nakapangpasyenteng damit nga sya.
"Kuya? Kuya! Tulungan mo ako! Ayoko na dito! Natatakot ako!"
"Wag ka mag-alala, tutulungan ka naming makalabas dyan!"
Nakita na namin sya sa wakas! Agad akong naghanap ng magagamit para mapakawalan ang aking kapatid ngunit sa taranta ay hindi ko alam kung ano ang kailangan kong kunin.
"Kuya, kumalma ka." Sabi ni Erik sakin.
"Erik?" Tanong ni Jenny nung nabosesan ang aking kasama.
"Jenny, wag kang matakot, ilalabas ka namin dyan."
"Kuya John, yung salamin." Sabi sakin ni Rose.
Makapal ang salamin at mukhang imposible itong mabasag pero susubukan namin. Kinuha namin ang isang bakal na upuan at inihampas sa salamin ngunit walang nangyari dito. Nilakasan pa namin ngunit wala pa rin. Naghanap at gumamit pa kami ng ibang bagay pero hindi kami nagtagumpay, ganoon din sa pintuan.
"Tama na." Napatigil kami sa sinabing iyon ni Jenny.
"Wag kang sumuko, Jenny! Gagawa kami ng paraan!" Sagot ko.
"Kuya, tama nga ang sinabi nila, hindi ako makakalabas dito."
"Ano ka ba?!! Sandali lang, konti nalang at makakasama ka na namin! Makakauwi na tayo!" Umaagos na ang luha sa aking mga mata. Hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa, muli kong inulit-ulit na subukang basagin ang salamin, ganun din ang aking mga kasama.
Dinikit ni Jenny ang palad nya sa salamin habang nakangiti, "Nararamdaman ko ang lakas ng bawat hampas nyo, yung kagustuhan nyong matulungan ako, pero wag nyo na akong isipin, umalis na kayo."
"Hindi! Sasama ka samin!!!" Sabi ni Erik.
"Wag kang mawalan ng pag-asa! Sama-sama tayong aalis sa lugar na to!" Sabi naman ni Rose.
"Pasensya na."
Yun ang huling salita na narinig namin kay Jenny. May isang gwardya ang lumabas mula sa kadiliman sa likod nya. Gamit ang braso nito na may mga nakabaon na blade, ginilitan nya si Jenny sa aming harapan at tumalsik ang kanyang dugo sa salamin. Para kaming naging estatwa, isang tao nanaman ang pinatay sa aming harapan, at iyon pa ang taong matagal na naming hinahanap, at iyon pa ang minamahal kong kapatid.
"J-Jenny?" Hindi ako makapaniwala. Lumipat ako ng pwesto kung saan malinaw kong makikita ang nasa loob, umaasa na namalik-mata lang ako, ngunit nakahimlay at duguan na sa lapag ang aking kapatid.
"Hayop kaaaaaaa!!! Papatayin kita! Papatayin kitaaaa!!!" Buong pwersa kong hinahampas ang salamin, di ko na pinansin ang mga namumuong sugat sa aking mga kamay.
"Erik, s-sa kanan mo!" Sabi ni Rose habang nakaturo sa dalawang gwardya na may mga hawak na armas.
Sumugod ang isa kay Erik at nakimpambuno sya dito. Dulot ng galit, malakas kong sinuntok ang gwardya na umatake sa kanya, natumba ito at mahigpit ko itong sinakal hanggang sa malagutan sya ng hininga. Hindi pa ako nakuntento at kinuha ko ang nabitawan nitong kutsilyo at sunod-sunod ko syang sinaksak. Para akong isang demonyo na tuwang-tuwang pumapatay ng nilalang. Si Erik, nakadapa at nakatulala lang sa akin, nagulat sa aking ginagawa. Napatigil nalang ako noong may narinig akong malakas na tunog.
Umalingawngaw ang putok ng baril.
Kahit na nanginginig si Rose ay tagumpay nyang napatamaan ang isa pang gwardya na aatake sana sa akin. Bumangon ako at lumapit sa kanya, hiningi ang baril at pinutok muli sa nataaman nyang gwardya. Humarap ako sa salamin at binaril ko ito, nagtamo lamang ito ng lamat. Pinagmasdan ko ang gwardya na kasalukuyang kinakain ang aking kapatid. Kalmado at wala akong ekspresyon, hindi ko alam kung bakit, ngunit sa loob ko ay nararamdamam ko na nababalot ako ng galit. Lumapit ako kay Rose na inaalalayan si Erik sa pagtayo, nakatamo pala ito ng malalim na sugat sa braso. "Kuya... Si Jenny..." Sabi ni Erik habang nakayuko.
Hindi ako umimik. Biglang tumunog ang telepono sa lamesa at walang pakundangang sinagot ko ito.
"Hihintayin ko kayo dito sa ospital, nandito rin ang dalawang babaeng kasama nyo." Yun lamang ang sinabi ng babae at pinutol na nito ang linya. Marahil ay si Aling Sonya ang tumawag, wala nang iba pa.
"Sa ospital tayo pupunta, nandoon daw ang mga kasama natin." Sabi ko sa kanila. "Pagkatapos noon ay aalis na tayo dito." Pahabol ko pa.
Papatayin ko silang lahat! Papatayin ko lahat ng makakasalubong naming gwardya dito sa Isla!
---------------------------------------------------------------
Duguan, ngunit karamihan ay hindi galing sa sarili nyang dugo.
Hinataw ni Anna ng palakol sa ulo ang nanghihinang gwardya habang si Lynn naman ay naghahabol ng hininga dahil sa pagod noong hinabol sya nito.
"Maraming salamat, Anna." Sabi ni Lynn.
"Akala ko ba uuwi ka na? Bakit nandito ka pa?" Pabirong tanong ni Anna.
Hindi sya sumagot, lumapit si Anna kay Lynn at iniabot ang kinakalawang na bakal. "Humanda ka. May paparating pa." Sabi nya at naging alerto sila sa paligid.
Saglit na napapikit si Anna.
"Aldrin..." Bulong nya sa isip nya.

BINABASA MO ANG
Ang Lihim ng Sta. Rita
TerrorHindi porket wala kang kinalaman ay hindi ka dapat madamay.