"Sta. Rita..." Bulong ko sa aking sarili.
Oo... Tama... Natatandaan ko na. Iyon ang lugar kung saan kami lumaki ng kapatid ko. Kung saan kami pinanganak. Ang una naming tahanan.
Naalala ko ang mga araw noong naglagi kami doon. Marami kaming kalaro ni Jenny at napakaganda ng lugar na iyon.
Noong labing-isang taong gulang na ako at anim na taong gulang naman si Jenny, umalis na kami sa Sta. Rita at dito na tumira sa San Felipe dahil sa trabaho ni mama at papa. Parehas lang sila ng kumpanyang pinagtatrabahuhan at sa kanila na pinahawak ang branch dito. Alam ko ding mas magandang malapit nga ang bahay namin sa pinagta-trabahuhan nila dahil ito ay para hindi sila mamulubi sa pamasahe at para hindi rin sila mahirapan sa oras ng pagpasok at pag-uwi, wala pa kaming kotse nung panahong iyon.
Hindi naman din kalayuan ang Sta. Rita mula dito. Mga dalawang oras ang aabutin kung gagamit ka ng kotse.
May kumatok sa pintuan ng kwarto. Dinalian ko ang paglakad papunta doon at agad kong binuksan ito, umaasa na ito ang kapatid ko.
"Jenny?" Bungad ko.
"Kuya John. Ikaw pala. Nandito kami upang dalawin si Jenny. Nabalitaan namin ang nangyari. Sana gumaling na sya..." Malungkot na sabi ni Anna. Kasama niya ang lahat ng kaibigan nya. Akala ko si Jenny na ang kumatok.
"Pare. Bakit ganyan itsura mo?" Sambit ni Drew. Isa sa mga kaibigan ko. Isa rin sa mga kasama kagabi. Kasama rin nila ang isa ko pang kaibigan na si Aldrin.
"Si Jenny..." Malungkot at nanginginig kong tugon. "Nawawala sya. Kanina lang ay nandito sya ngunit bigla syang nawala pagbalik ko pagkatapos manguha ng tubig sa nurse station. Imposible namang mag-isa syang umalis dahil hindi pa maayos ang kondisyon nya."
"Ha?!" Biglang pumasok si Anna sa loob kasama ang iba pa. "Jenny!" Humahagulgol sya sa iyak habang iniikot ang kwarto.
Umupo si Anna habang umiiyak at tumabi naman sa kanya si Aldrin upang pakalmahin sya. Nakita ko din ang pagiyak ni Lynn habang nakayakap kay Ben.
"Kuya John... Nasan si Jenny?" Ang sabi ni Erik nung lumapit sya sakin. Nakikita ko sa kanyang mukha ang lubos na pag-aalala nya sa aking kapatid.
"Hindi ko alam Erik..." Ang sagot ko habang nakayuko. "Tulungan nyo akong hanapin sya... Pakiusap..."
Tumingin sila sa akin at wari'y sumang-ayon lahat sila.
Lumabas sila at sinabi sa nurse station na nawawala si Jenny. Habang ako naman ay tumawag kay papa upang ibalita ang nangyari.
"Hello John?" Pagsagot ni papa sa tawag.
"Pa... Si Jenny... Nawawala..." Malungkot kong sagot.
Nagpatuloy ang usap namin at agad nilang tinawagan ang mga pulis upang mapahanap si Jenny. Hindi na sumagi sa aming isipan kung paano sya nawala at paano nangyari yun. Ang mahalaga ay mahanap agad namin ang aking kapatid.
----------------------------------------------------------------
Isang araw na ang nakalipas. Wala pa ring balita. Lahat kami nangangamba... at nagaalala.
Kagabi ay nakaupo at nakatulala si mama sa labas ng bahay. Si papa naman ay di mapakali at maya't mayang kinakausap si mama upang palakasin ang loob nito kahit na sya din mismo ay pinanghihinaan na din ng loob...
Lumabas ako ng kwarto at sinilip ang kwarto ni mama at papa. Tulog pa sila. Alas-otso na ng umaga. Hindi yata sila papasok sa trabaho. Anong oras na siguro sila natulog kagabi.
Gusto ko nang makita ang kapatid ko.
Hindi ako mapakali.
Naalala ko yung sulat, di ko nga pala nasabi iyon kila mama at papa. Hinanap at kinuha ko ito sa aking bag. Pinagmasdan ko ito at mayroon akong napansin, may nakasulat sa likod ng papel.
"Kuya... Pinangako mo sakin nung bata pa tayo na babalik tayo ng Sta. Rita... Pero hindi mo ginawa..."
Si Jenny... Baka nandoon sya!
Di ko alam kung bakit iyon pumasok sa isipan ko. Siguro sa kagustuhan ko na ding makita sya.
Agad at tahimik akong umalis ng bahay. Di na ako nagpaalam pa sa mga magulang ko. Ako ang may kasalanan nito. Ako ang dapat managot. Kahit na ano pa man ang mangyari sakin.
Tutungo na ako sa Sta. Rita. Nagbabakasakali na nandun nga sya...

BINABASA MO ANG
Ang Lihim ng Sta. Rita
HorrorHindi porket wala kang kinalaman ay hindi ka dapat madamay.