Nandito kami ni kuya John sa isang abandonadong bahay na swerteng hindi naka-lock ang pintuan. Minabuti naming pumasok dahil sa sobrang lakas ng ulan kahapon at walang masilungan sa labas. Walang kuryente kaya't madilim sa loob nitong bahay, nakahanap naman kami ng gasera at ilang mga kandila at ito ang nagbigay liwanag sa amin. Malinis naman ang bahay, may kusina, may isang kwarto ngunit nakasara, at isang CR. Mukha itong isang apartment dahil sa itsura at iilan lang ang gamit sa loob nito. Lalabas na sana kami at magpapatuloy sa paghahanap noong tumila na ang ulan ngunit pinili naming manatili at dito na magpalipas ng gabi nang makita namin ang paparating na usok. Pagkatapos ng nakakatakot na pangyayari, nakatanggap ng tawag si kuya kay Ben at binilinan nya ito na manatili sa kanilang kinaroroonan para sa kanya-kanyang kaligtasan, tinawagan nya si Aldrin na nasa Barangay Hall at ganun din ang kanyang sinabi. Buti may baon kaming makakain kahit papano para sa hapunan. Nagkwentuhan kami ni kuya tungkol sa kanya-kanyang buhay hanggang sa makatulog, parehas kaming nasa lapag at nilatag na lamang ang nakita naming dalawang kumot. Sa pag-uusap namin, doon ko naramdaman ang sobrang pagmamahal ni kuya kay Jenny bilang kapatid.
"Kapag nahanap na natin sya, ipangako mo sakin na di mo sya iiwanan at pababayaan. Wag mo syang sasaktan." Iyon ang huling sinabi nya habang nakatalikod sa akin, nagulat ako ngunit napangiti dahil wari ko'y tanggap nito ang nararadaman ko sa kanyang kapatid.
8:09 AM
Pagkagising ko ay una kong sinulyapan ang aking relo. Walang liwanag na tumatagos sa binatana, wala naman itong kurtina. Buti nalang at buhay pa ang gasera at mga kandila. Agad akong bumangon, tinungo ang pintuan at binuksan ito, tulad ng inaasahan ko, wala nga talagang liwanag, parang nakatakip ang aking mga mata. Bumalik ako sa loob at sinara ang pinto. Si kuya John, tulog pa. Nagtungo muna ako sa CR dahil ihing-ihi na ako at mamaya ko na sasabihin kay kuya ang kakaibang nangyayari, pagkalabas ko ay laking gulat ko nang may nakita akong isang lalaki na nakaupo at hinahalungkat ang aking bag. Si kuya ay nakahiga malapit dito, mahimbing pa rin ang tulog. Nakabukas ang pintuan. Hindi ko pala ito na-lock! Kinuha ko ang isang malaking gunting na nakita ko sa sabitan dito sa kusina. Hindi ko alam ngunit kinakabahan ako. Sobra.
"Anong ginagawa mo?" Sabi ko sa kanya habang lumalapit.
Tumigil ito at kinuha ang isang kahoy sa kanyang tabi, tumayo sya at humarap sa akin. Magkasing tangkad lang kami, sakto lang pangangatawan nya at sobrang dumi ng kanyang suot. Ang ikinagulat ko ay ang mukha nya, sobrang liit ng kanyang mata na parang kasukat ng betsingko, tuklap ang kanyang ilong, kaunti lang ang kanyang buhok at may isang malaking hiwa sya sa kanyang buong mukha na pigtal ang mga tahi. Mistulang napako ako sa kinatatayuan ko dahil sa takot, hindi ako makapagsalita. Nagising si kuya at napaigtas matapos makita ang lalaki, napansin siya ng nilalang at akmang hahatawin sya ng kahoy. Mabilis akong tumakbo at walang pagdadalawang isip na itinusok ang gunting sa kanyang tyan, hinugot ko ito at itinusok naman sa kanyang mukha. "Erik!" Bumagsak ito at hinatak ako ni kuya John, parehas kaming takot, kinakabahan at nagtataka. Anong nilalang ito?
Nanginginig...
Nanlalaki ang mga mata...
May mga dugo sa aking palad...
Hindi ako makapaniwala...
Nakapatay ako ng tao! Hindi! Hindi sya tao!
"Magaling!" May isang babae na pumapalakpak sa pintuan at nakangiti sa amin.
"Sino ka?" Bulyaw ni kuya at pinulot ang kahoy na hawak ng lalaki.
"Sonya. Hindi ako tulad nila, wag kang mag-alala." Sagot nito. Matanda na ito base sa kanyang medyo kulubot na maamong mukha, may mga ilan syang puting buhok, nakasuot siya ng lumang klase ng pulang dress na hanggang baba ng tuhod. Siguro ay nasa edad 54 na siya.
Nakatayo lang kami pare-parehas at hindi kumikilos, nagpapakiramdaman. Si kuya John ay napatingin sa kanyang relo matapos mapansin na madilim sa labas ng pintuan. "Bakit—"
"Wag kayong magtaka. Lahat ng nakikita nyo ay ang katotohanan. Bago man ang lahat sa inyong paningin ay kailangan nyo itong tanggapin..." Pagputol nito sa itatanong ni kuya na aking tanong din sa isipan kanina pa, lumapit ito sa akin na nagbigay sakin ng kaba kaya napahakbang ako paurong. "Anak, wag kang matakot. Yang mga dugo sa iyong palad, madadagdagan pa iyan. Hindi ka mabubuhay sa lugar na ito kung hindi ka papatay. Marami pa kayong gwardyang makakaharap."
"Gwardya?" Tanong ko.
"Oo, tulad nyang isa na napatay mo. Sila ang mga nilalang na magtatangkang alisin ang buhay nyo." Ngumiti sya sa amin at lumakad palayo, "Pumunta kayo sa simbahan kung gusto nyo ng sagot sa mga gumugulo sa inyong isipan..." huminto sya saglit sa pintuan, "at kung gusto nyo malaman kung nasaan ang kapatid mo... John." At nagpatuloy sya sa paglakad.
Sa narinig naming iyon, agad kaming lumabas upang habulin ang matanda ngunit wala na ito at nasa loob na ng kadiliman. "Sundin nalang natin ang sinabi nya." Sabi ni kuya.
Bumalik kami sa loob ng bahay upang maghanap at kumuha ng mga kagamitan na makakatulong sa amin at inilagay ang mga ito sa aming mga backpack. Tatawagan sana namin ang iba naming mga kasama ngunit ayaw bumukas ng aking cellphone at nawawala naman ang kay kuya John. Dahil wala naman kaming ibang magagawa, kinuha namin ang gasera para magsilbing liwanag, sinimulan na namin ang paglalakbay papuntang simbahan dahil natatandaan pa naman daw ito ni kuya at sabay na rin naming hahanapin ang aming mga kasama.
Sana ligtas silang lahat...

BINABASA MO ANG
Ang Lihim ng Sta. Rita
HorrorHindi porket wala kang kinalaman ay hindi ka dapat madamay.