*BLAG!*
Napaigkas ako sa kama nang marinig ko ang malakas na tunog. Mukhang iyon ang pinto sa harap ng bahay.
Ang pagkakatanda ko ay kinandado iyon ni Rose kagabi habang naghuhugas kami ng mga pinagkainan.
Tinignan ko ang dalawa kong kasama sa kama at mahimbing pa rin ang tulog nila.
Mamikit-mikit pa ako nang bumaba ako sa kama at naglakad papunta sa pinagmulan ng ingay.
Binuksan ko ang ilaw sa sala. Lumapit ako sa pinto at tama nga ako, nakita ko na nakasara ang kandado nito. Hindi ko na inisip pa ang kung ano ang nadinig kong ingay kanina dahil gusto kong bumalik muli sa pagtulog.
Paglingon ko ay napaurong ako sa gulat nang makita ko ang isang lalake na nakatalikod sa akin at hindi kumikilos. Naroon sya sa kusina at nakaharap sa lababo.
"Manong, nagulat naman po ako sa inyo." Sabi ko ng mahinahon.
Pinagmasdan ko ang kasuotan ng lalaki. Marumi ang suot niyang puting damit at tokong ang kanyang pang-ibaba. Alam kong hindi sya si Drew o si Ben dahil iba ang kasuotan ng dalawa. Isa pa, mukha nang matanda itong lalaki dahil sa kanyang napakadaming puting buhok.
Hindi sya umiimik. "Manong? Kaano-ano nyo po si Rose?"
Ilang segundo pa ang lumipas at hindi talaga sya nagsasalita. Ni kilos ay wala syang pinakita.
Nakaramdam na ako ng takot. Kinapa ko ang door knob sa likuran ko at nagtangka akong umalis.
Pakiramdam ko ay may mangyayari sa aking masama pag nanatili ako dito. Ayaw ko namang humingi ng tulong sa mga kasama ko dahil baka isang salita ko pa ay mapano na ako.
Noong bumukas ang lock ng door knob ay biglang humarap sa akin ang lalaki.
Ang bibig nya... Wala itong balat at kitang-kita ko ang halos lahat ng ngipin nya! Puro dugo ang kanyang damit dahil sa pilas ng kanyang bibig!
Para akong estatwa na hindi makakilos sa sobrang takot nang makita ko ang itsura nya.
"Natatakot ka ba sa akin?" Malungkot na sabi ng matanda habang dahan-dahang lumalapit sa akin. Sa bawat buka ng bibig nya ay nakikita ko ang pag-agos ng dugo mula rito.
"Hi-Hindi po!" Naluluha kong sagot sa matanda at pilit kong binubuksan ang pintuan para makatakas.
"Natatakot ka. Nakikita ko." At napansin ko ang hawak nyang martilyo sa kanyang kanang kamay.
Nang mapansin ko na ayaw bumukas ng pintuan ay nagpakawala ako ng malakas na paghiyaw.
Tumakbo papalapit sakin ang lalaki at hinambalos nya ang martilyo. Nakaiwas ako at tumama ito sa pinto na naglikha ng isang butas. Nakahiga akong nakatulala dahil patay na siguro ako kung tinamaan ako nito. Kahit na matanda na sya at ganito ang kondisyon nya ay mukhang malakas pa rin ang pangangatawan nya. Inalis nito ang pagka-ipit ng martilyo sa pinto at muling humarap sa akin. Itinaas nya ang kanyang hawak na gamit at pumikit nalang ako, ito na yata ang katapusan ko.
"Lynn!" Nakarinig ako ng boses ng isang lalaki na pamilyar sa akin.
Pagdilat ko ay patakbong itinulak ng malakas ni Ben ang matanda. Tumama ang mukha nito sa pader at napaupo. Dumanak ang dugo mula sa mukha ng matanda, nang mapansin ng kasama ko na hindi na ito kumikilos ay niyakap nya ako. "Ayos ka lang ba?"
Di na ako nagsalita at naiyak nalang sa nangyari.
Ilang saglit pa ay narinig kong lumabas sina Drew at Rose sa kanilang mga kwarto.
"Anong nangyari?!" Pag-aalala ni Drew at lumapit ito sa amin, gayundin si Rose.
Laking gulat nalang din nila nang napagmasdan nila ang itsura ng lalaki. Hindi daw ito kilala ni Rose. Lahat kami ay kapwa nagtataka kung paano ito nakapasok sa loob ng bahay, ngunit ang mas pinagtuunan nila ng pansin ay ang kalagayan ko.
Binangon nila ako sa pagkakahiga at inalalayan nila ako papunta sa upuan.
Nang biglang...
"Ben!!!" Malakas na hiyaw ko.
Huli na nang mapansin ko na kasunod pala namin ang matandang lalaki!
Gamit ang dalang martilyo, hinambalos nito ng malakas si Ben sa ulo. Sa gulat ay natulala lang ako at napaurong ang dalawa. Napahiga si Ben sa sahig at ilang beses nitong pinukpok ng martilyo ang mukha ng aking walang kalaban-laban na kaibigan. Agad na tumakbo si Drew sa kusina at kumuha ng kutsilyo. Sinaksak nya ito sa likod at sa batok. Hindi na gumalaw pa ang matanda at napahiga sa tabi ni Ben. Inulit pa muli ni Drew ang pagsaksak at itinurok nya ito sa leeg ng lalaki upang masiguro na wala na itong buhay.
Umiiyak na yumakap ako kay Drew na hinihingal at puno ng dugo.
Sa takot ay naiyak din si Rose.
Anong itong nangyari?
Totoo ba ito?
Hindi ba ako nananaginip lang?
Ang kaibigan namin, si Ben, wala na sya.
Hindi ko magawang tignan ang kalagayan ngayon ng aking kawawang kaibigan. Halos, hindi na makita ang kanyang mukha kanina dahil sa pagkakahampas ng matanda.
Tumingin ako kay Drew. Kumuha siya ng dalawang kumot at tinakluban ang dalawang bangkay. Alam kong natatakot din sya, pero pinapakita nya samin na matatag sya para maging ganoon din kami.
Si Rose, lumapit sya at yumakap sa akin.
"Lynn..." Sabi sa akin ni Rose.
Humihikbi akong yumakap pabalik sa kanya at maya-maya ay kumalas na ito sa pagkakayakap. Pinunasan ko ang luha sa mga mata ko. "Kailangan natin maging matatag." Sabi ko.
Tumango na lamang si Rose at pinunasan nya din ang kanyang luha.
"Tatawagan ko lang si John at Aldrin." Sabi ni Drew.
"Hello John."
"Aldr-- kayo dya-- mag-ii-- simbahan--" Paputol-putol ang salita ni kuya John. Naka-loudspeaker kasi ang phone kaya naririnig namin ang nagsasalita sa kabilang linya.
"Hello?! Hello?!!" Sinubukan muling tumawag ni Drew ngunit nawalan na daw ng signal ang kanyang cellphone.
Pumunta kami ni Rose sa kanya-kanyang kwarto at kinuha namin ang aming cellphone. Ganoon din, wala ding signal ang amin, pati na ang kay Ben.
"Baka nasa simbahan sila, iyon ang narinig ko sa sinabi ni John kanina sa tawag. Puntahan natin sila." Mungkahi ni Drew.
"Pero hindi natin alam kung saan iyon." Sagot ko naman.
"Ako alam ko. Sasama ako sa inyo." Sabi ni Rose. Oo nga pala, dito nga pala sya nakatira. Malaking tulong din sya sa amin dito sa Sta. Rita. Isa pa, delikado kung iiwan namin syang mag-isa.
Paglabas namin ng bahay, nakita namin ang magulong kalsada dala ng pangyayari kahapon. Sumisikat na ang araw. Tinignan ko ang oras sa aking cellphone. 6:31 AM. Pagkakita ko sa oras ay bigla itong namatay. Sinubukan kong buksan muli ngunit ayaw.
"Namatay yung--" Natigilan ako ng napakapit sa akin si Rose.
"Ba-Bakit parang walang ka-tao-tao?" Pagtataka nya habang tumitingin sa magkabilang kalye.
Kinuha ni Drew ang cellphone nya at maya-maya ay napansin ko na parang pilit nya din itong binubuksan.
"Namatay din ang cellphone mo?" Tanong ko sa kanya.
"Ha? Oo. Sayo din ba?"
Tumango ako at sinabi ni Rose na ayaw din bumukas ng kanya. Kinuha ko sa dala kong maliit na bag ang cellphone ni Ben at ganoon din ito.
Ano ba talaga ang nangyayari? Kung panaginip nga lang ito, gusto ko nang magising!
Maya-maya ay mabilis na dumilim ang paligid, parang nasa kulob kaming lugar na nawalan ng kuryente. Sa takot ay tumabi kami ni Rose kay Drew. Wala ni isang liwanag, kahit ang araw ay hindi na namin masulyapan kahit saan man kami tumingin.
Nasa ibang mundo ba kami?
Gusto ko nang umuwi..
BINABASA MO ANG
Ang Lihim ng Sta. Rita
HorrorHindi porket wala kang kinalaman ay hindi ka dapat madamay.