Bumangon ako mula sa aking kama at lumapit sa bintana, pinagmamasdan ang mga diwata sa ibaba. Napansin kong bawat isa sa kanila ay may mga sariling Pixie, maliliit na nilalang na tila kumikislap sa sikat ng araw. Ayon sa narinig ko, ang mga Pixie ay ipinanganak mula sa mga bulaklak at buong buhay nilang pinaglilingkuran ang kanilang mga piniling diwata. Ang bawat Pixie ay pumipili ng sariling amo, at isang bagong Pixie ang ibinibigay sa mga Casterial Student tulad ko upang mas madali ang pakikipag-usap at pagsasanay. Ngunit sa kabila ng seremonya kahapon, wala pa ring lumalapit sa akin na Pixie, kahit isang anino.
Nagising ako sa realidad nang may marinig akong malalakas na katok sa pinto. Agad akong nagmadaling buksan ito, at sumalubong sa akin ang masungit na mukha ng isang matandang Pixie. May dala siyang isang maliit na suitcase at isang tray ng pagkain.
"Kanina pa ako katok ng katok, hindi mo ba naririnig?" inis niyang sabi habang iniaabot sa akin ang mga dala. Matapos iyon, agad siyang lumipad palabas ng terrace, hindi man lang ako binigyan ng pagkakataong makasagot. Habang nakatayo sa pinto, minasid ko muna ang paligid. Lahat ng diwata at estudyante ay abala sa kani-kanilang gawain, tila naghahanda para sa isang mahalagang kaganapan.
Bumalik ako sa loob ng kwarto at binuksan ang suitcase. Halos napasigaw ako sa gulat nang biglang lumabas ang mga damit mula rito at nagsilutangan sa ere, kumikinang sa mga maliliit na butil ng silverdust. Iba't ibang kulay at disenyo ang mga ito—anim na damit na tila naglalaman ng sariling mahika. Inisip ko na siguro ito ang mga isusuot ko sa loob ng isang linggo, bawat isa ay may kanya-kanyang gamit.
Habang inaalam ko kung ano pa ang laman ng suitcase, nakuha ng aking atensyon ang isang kapirasong papel na nakasiksik sa ilalim. Kinuha ko ito at binasa. Nakasaad dito ang mga detalye tungkol sa mga damit, kung kailan at saan ito dapat gamitin. Napabuntong-hininga ako habang iniisip kung paano ako masasanay sa ganitong uri ng pamumuhay—sa isang mundo ng mahika na tila puno ng mga bagay na buhay at may sariling isip. May boses na nagsalita sa aking isipan.
Ithilven Evayra
Marthanel ithildar Casterial sianthe arian marthor an ai hathyane lin estel, sei enian meth!
Ario siethil, ianeth, ar telluriar eth tair mai hathyane lin estel arna aglar dan Casterial en shanath.
Elaesar Ithilvelar na ianle!
( Pagbati
Muling nagbukas ang pinto ng Paaralang Casterial matapos ang isang daang taon. Upang mapanatili ang kapayapaan sa Kaharian, ikaw, mapalad na estudyante, ay binabati ng buong puso ng Mahal na Reynang Celestina.
Pagbutihin mo ang iyong pag-aaral sa mahika, sandata, at karunungan upang maging ganap na makapangyarihang nilalang ng Casterial balang araw.
Mabuhay!)
•⪼⨳※⨳⪻•
Nagkakaroon ako ng pagkabahala habang ako'y naglalakad sa campus. Hindi ko pa kabisado ang buong lugar kaya't wala akong ideya kung nasaan ako. Nag-aalala ako dahil ako'y nalate na sa aking unang araw, at takot ako na baka palayasin o parusahan ako.
Habang naglalakad ako, napadpad ako sa isang lugar na hindi ko pa narirating na bahagi ng campus. Mukhang Luminara Hall ito, ngunit hindi ako sigurado. Nagpatuloy ako sa paglalakad at lumiko sa kaliwang banda. Bigla akong nabangga ng isang malaking stack ng mga libro na dinala ng isang babaeng elf. Hindi ako nakailag nang mabilis kaya't nagkabangaan kami.
"Pasensya na, kasalanan ko. Malalaki kasi ang mga librong ito kaya hindi kita nakita. Paumanhin, humihingi ako ng tawad sa nagawa ko," sabi ng babae. Patuloy siyang nagmamakaawa at humihingi ng tawad. Sa totoo lang, matangkad ako sa kanya, at dahil sa makinis niyang kutis, mukhang isa siyang High Elf. Ang suot niyang salamin ay nagpapakita ng kanyang talino, at ang kanyang mga mata ay kumikislap ng liwanag.
YOU ARE READING
Elven's Lullaby
FantasyCover by Raillane WP Mahirap ang pagiging iba sa bagong mundo na ating gagalawan. Ganyan ang naranasan ni Nexri Mirgan nang magtungo ito sa mundo ng mga Elves matapos mamatay ang kinalakihan niyang magulang. Mga kauri nga niya ito pero sa ibang mun...