Likas sa atin ang mangarap hangga't tayo'y nabubuhay. Ang mga pangarap ang nagbibigay sa atin ng pag-asa at lakas upang pagbutihin ang ating sarili at ang ating kapaligiran. Ang mga pangarap ang nagsisilbing gabay natin sa paglalakbay sa buhay—nagbibigay sa atin ng inspirasyon, lakas, at pananaw. Sa bawat hakbang natin patungo sa ating mga pangarap, nagkakaroon tayo ng pagkakataong tuklasin ang mas malalim na kahulugan ng ating pagkatao at patuloy na lumago.Ako, pangarap kong hanapin ang aking pinagmulan—kung sino talaga ako, kung saan ako nagmula, at kung saan ako tunay na nabibilang. Ang pinakasimpleng hangarin ko ay makilala ang aking tunay na mga magulang at makasama sila muli. Lumaki ako sa pangangalaga ng dalawang matatanda na walang anak at nakatira sa paanan ng Bundok Aquara, isang bundok na kilala bilang tahanan ng mga diwata.
Ang aming tahanan ay malayo sa kabihasnan, isang tahimik na lugar na halos nakahiwalay mula sa mundo. Ang bundok ay pinamumugaran ng pitong pamilya na malalayong magkakalapit, dahil sa layo ng kanilang mga lupain. Ang aming bahay ay isang simpleng kabahayan, gawa sa kahoy at nipa, na may malapad na balkonahe na nagsisilbing lugar ng pagtitipon ng aming pamilya sa gabi. Ang mga bulaklak sa paligid ay nagdadala ng kulay at buhay sa aming bahay, at ang mga puno ay tila nagbibigay sa amin ng proteksyon mula sa mundo sa labas.
Sa loob ng labimpitong taon, laging ikinukwento sa akin ni Mama Asha kung paano niya ako natagpuan. Isang umaga, nang pagbukas niya ng bintana, nakita niya ako—isang napakagandang batang babae na napapalibutan ng mga nagliliparang paro-paro. Ang aking mga mata, na tila kumikinang sa liwanag ng umaga, ay nangungusap ng kakaibang kaligayahan. Nang hawakan ko ang kaniyang daliri, may naramdaman siyang kakaibang init sa kanyang puso, kaya't mula noon, inampon nila ako at minahal ng lubusan.Pinalaki nila ako na parang tunay nilang anak. Pinag-aral nila ako sa kabila ng hirap at layo ng aming lugar. Ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang makapagtapos ako ng senior high school. Bilang pasasalamat, sinikap kong suklian ang kanilang mga sakripisyo sa pamamagitan ng pag-uwi ng mga medalya tuwing graduation.
Ngunit isang gabi, nang ako'y labing-pitong taong gulang na, napanaginipan ni Mama Asha na ako ay pinapapunta sa Talon ng Asi sa araw ng aking ika-labing walong kaarawan. Sa panaginip, binabawi raw ako ng aking tunay na mga magulang. Nagtataka ako, bakit sa Talon ng Asi? Ngunit sa kalaunan, tinanggap ko na ang katotohanan ng aking pagiging ampon dahil, kahit papaano, hindi ko naramdaman na iba ako sa kanila.Habang lumalaki, napansin kong may malaking kaibahan ako sa mga kaedaran ko. Mas maliksi at mas matangkad ako kumpara sa iba. Ang aking mga binti ay mahahaba, at ang aking balat ay hindi nagkakapeklat kahit gaano pa karaming galos ang aking makuha sa pagtulong kay Papa Ando sa bukirin. Dahil dito, naging morena ako at nagkaroon ng kaunting masel. Palagi rin akong nagpapagupit kay Mama dahil mabilis humaba ang aking buhok, na madalas humarang sa aking mukha habang nagtatrabaho.
Sa kabila ng lahat ng ito, masaya ang aming pamumuhay. Tatlong beses sa isang araw, nakakakain kami nang maayos dahil sa sariling bukirin na pinamamahalaan ni Papa Ando. Subalit, dahil sa kanyang katandaan, nagsimula na siyang manghina, kaya't ako na ang pumalit sa karamihan ng kanyang gawain. Minsan, naririnig kong pinag-uusapan nila ni Mama ang tungkol sa pagtira sa isang home for the aged sa bayan, ngunit ayoko itong mangyari habang narito pa ako. Bukas, magiging labing-walo na ako, at isang malaking desisyon ang kailangan kong gawin.
Dapat ko bang sundin ang sinasabi ng aking mga kinikilalang magulang, o mas pipiliin kong alagaan sila? Sa gitna ng aming pagtatalo, sinigawan ako ni Mama, "Umalis ka na, Nexri! Lumayas ka na sa amin. Tapos na ang tungkulin namin sa'yo!" Alam ko sa puso ko na hindi niya gustong sabihin iyon, ngunit pilit niyang itinataboy ako."Ma, paano naman kayo? Bakit? Hindi niyo ba ako mahal?" tanong ko habang tinatapon niya ang aking mga gamit mula sa aking kwarto.
Biglang bumuhos ang malakas na ulan, kasabay ng pagdating ng panahon ng tag-sibol. Nagsimulang kumulog at kumidlat, at isang malakas na kidlat ang tumama sa labas ng aming bahay, dahilan upang kami'y magulat. Dali-dali akong tumakbo palabas upang iligtas ang mga binhi na itatanim ko kinabukasan, ngunit nang buksan ko ang pinto, nakita ko ang apoy na nagsisimula nang lamunin ang aming bubungan.Nataranta ako. Mabilis na kumalat ang apoy, patungo sa kwarto nina Mama. Sa loob ng ilang saglit, nilamon na ng apoy ang buong bahay. Hindi na ako makahinga dahil sa makapal na usok, pero pilit kong pinuntahan sina Mama, kahit na halos hindi ko na makita ang aking dinaraanan. Nanghihina na ang aking katawan, at sa huli, nagdilim ang aking paningin.
•⪼⨳※⨳⪻•
"Anak... anak..." Isang malambing na tinig ang gumising sa akin. Napakaliwanag ng paligid, na tila ba'y nasa gitna ako ng walang katapusang kaputian. Wala akong ibang makita kundi ang puting usok na bumabalot sa akin. Ang usok ay naglalaman ng malamig na pakiramdam na nagmumula sa isang lugar na tila ligtas at malayo sa mga panganib ng mundong ito. "Ito ba ang langit?" tanong ko sa sarili.
"Anak, hindi ka pa patay," sagot ng tinig, na para bang nababasa ang aking isipan. "Kung iniisip mo ang kalagayan namin, huwag kang mag-alala. Ayos lang kami ng Papa mo. Oras mo na para magpatuloy sa buhay. Sundin mo ang sinasabi namin sa'yo, at doon magsisimula ang lahat. Pangarapin mong makilala kung sino ka. Paalam, anak. Mahal na mahal ka namin, at lagi kaming nandiyan sa puso mo. Maniwala ka."Sa kabila ng lahat, hindi ako makapagsalita. Ang mga salita ni Mama ay tila umiikot sa aking isipan, ngunit ang aking mga labi ay tila walang kakayahang gumalaw. Maaaring wala na nga sila, ngunit bakit hindi man lang ako nakapagpaalam ng maayos? Sana man lang nayakap ko sila o nakita man lang sila sa huling sandali. Ang pakiramdam ng pangungulila ay nag-uumapaw sa aking puso.Biglang bumuhos ang malamig na tubig sa aking mukha, dahilan upang ako'y mapasinghap ng hangin. Napansin kong ang paligid ay puno ng mga malalambot na telang umuuga sa hangin, at may mga tunog ng mga mahinang tinig na tila nagmumula sa malayo. Nasan ako?
•⪼⨳※⨳⪻•
Pagmulat ng aking mga mata, nakita ko ang sarili ko sa isang kakaibang lugar—isang maliit na silid na tila may dim na ilaw. Ang mga dingding ay gawa sa mga lumang kahoy at may amoy ng karneng iniihaw na umaabot sa aking ilong. May mga lumang tela na nagkalat sa paligid, na tila ba'y mga pag-aari ng isang daang taon na. Sa kabila ng lahat, may komportableng tunog ng pag-uusap mula sa isang panig ng silid.
"Buti na lang at gumising ka pa! Ano bang problema mo at umiiyak ka habang natutulog?" bungad ng isang boses na lalaki. Ang boses ay may halong pagkabahala at pagkagulat. Tumayo siya mula sa isang lumang silya at lumapit sa akin. "Sino ka? . . . Nasan ako? . . . Anong ginagawa mo dito at bakit nandito ako? Anong ginawa mo sa akin? Saan moko dadalhin? Nasan ako?" sunod-sunod kong tanong, na may halong takot at pagtataka.Ang lalaki ay may malalim na mga mata na tila puno ng karanasan, at ang kanyang mga galaw ay nagpapakita ng pagmamalasakit.
![](https://img.wattpad.com/cover/300333503-288-k550355.jpg)
YOU ARE READING
Elven's Lullaby
FantasyCover by Raillane WP Mahirap ang pagiging iba sa bagong mundo na ating gagalawan. Ganyan ang naranasan ni Nexri Mirgan nang magtungo ito sa mundo ng mga Elves matapos mamatay ang kinalakihan niyang magulang. Mga kauri nga niya ito pero sa ibang mun...