Prologue

85 44 17
                                    

•⪼⨳※⨳⪻•

Nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan, isang biglaang hagupit ng panahon ng tag-sibol. Ang langit ay madilim, parang galit, at ang mga kidlat ay nagsasayaw sa kalangitan. Isang malakas na kulog ang umalingawngaw, at kasunod nito'y isang nakakakilabot na liwanag mula sa kidlat na tumama mismo sa labas ng aming bahay. Parang umuugong ang paligid, at naramdaman ko ang biglaang takot na kumalat sa aking dibdib.

"Ano 'yon?" bulong ng isa sa aking mga kasama, pero bago pa kami makapag-usap, napansin ko ang sunod-sunod na kaluskos mula sa bubungan. Agad akong nagtungo sa pintuan—ang dami kong naiwan sa labas, lalo na ang mga binhing itinabi ko para itanim kinabukasan. Ngunit bago ko pa mabuksan ang pinto, isang matinding init ang sumalubong sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang naglalagablab na apoy na mabilis na kumakalat sa bubungan, at bago pa ako makagalaw, nakita kong papunta na ito sa kwarto nina Mama.

"Mama! Papa!" sigaw ko habang naguguluhan ang isipan. Tumatakbo ang bawat segundo, at tila tumitigil ang oras. Naisip kong kunin ang makapal na kumot mula sa kwarto—baka sakaling makatulong sa pagpatay ng apoy. Ngunit pagbalik ko, nakapangingilabot na ang eksena. Tinupok na ng apoy ang buong bahay, at ang dating tahanang puno ng alaala ay nagiging abo sa harap ng aking mga mata.

"Tulong!" nais kong sumigaw, pero tila ba walang boses na lumalabas. Ang init ay nakakatupok, at ang usok ay dumidikit sa aking balat. Sinubukan kong pumasok muli sa bahay, pilit hinahanap sina Mama at Papa, pero ang apoy ay parang halimaw na humaharang sa lahat ng daan. Nangangapal na ang usok, at unti-unting nawawala ang aking paningin hanggang sa tuluyang dumilim ang paligid.

•⪼⨳※⨳⪻•

Pagmulat ng aking mga mata, isang kakaibang tanawin ang bumungad sa akin. Bughaw ang kalangitan, puno ng malalambot na cumulus clouds, at sa taas, may mga ibong malayang lumilipad. Ang init ng araw ay banayad, at ang hangin ay parang bulong ng isang matandang kaibigan. Sa harap ko, isang tulay na gawa sa bato ang nag-uugnay sa isang islang lumulutang sa alapaap. Ang tulay ay may arko, at sa magkabilang gilid nito, may dalawang estatwa ng mga mandirigmang may suot na mabibigat na cloak. Ang mga sandata nila ay nakaturok sa lupa, hawak ng kanilang kaliwang kamay, habang sa kanan naman ay isang lamparang gawa sa bulaklak ng lotus, kumikislap sa ilalim ng liwanag ng araw.

Naglakad ako sa tulay, at bawat hakbang ay parang pagpasok sa isang bagong mundo. Ang mga estatwa, na sa una'y tila walang buhay, ay biglang nagbigay ng kakaibang presensya, na para bang pinagmamasdan nila ang bawat galaw ko. Sa dulo ng tulay, sumalubong sa akin ang isang paaralan, nakatayo sa gitna ng isang tahimik at payapang lugar. Ngunit sa likod ng katahimikan, may nararamdaman akong kaba.

"Ito ba ang bago kong tahanan?" tanong ko sa sarili ko. Akala ko tapos na ang mga pagsubok—na natagpuan ko na ang lugar na tatanggap sa akin. Ngunit hindi pa pala dapat ako magpakampante. Marami pa akong kailangang patunayan, marami pa akong kailangang ipaglaban.

Habang naglalakad papasok sa paaralan, naramdaman kong muli ang bigat ng mundo. Nanginginig ako sa sobrang iyak, ngunit pinilit kong tumayo. Binalikan ko ang pinto, ngunit tila ba nawala na ang lahat ng puwersa sa katawan ko. Pinilit kong buksan ito, ngunit walang kumapit. Pati ito, sinira ng mga nilalang na iyon. Itinulak ko ng mahina ang pinto at pumasok, dala ang pagkain at libro. Agad akong dumiretso sa kama, nilapag ang mga bitbit ko, at saka pinunasan ang aking namamasang mukha. Huminga ako nang malalim, isang buntong-hininga ng pangarap na sana'y matapos na ang lahat ng ito.

"Kaya ko 'to," bulong ko sa sarili ko habang tinitingnan ang repleksyon ko sa salamin. Ang salamin ay parang isang portal sa nakaraan—sa mga alaala at tanong na walang kasagutan.

Ngunit hindi ako nag-iisa. Sa tulong ng aking mga kaibigan, unti-unti kong nakikilala ang bagong mundong ito. Nadiskubre ko ang aking pinagmulan—isang lihim na hindi ko inakalang ganito kabigat. Isang digmaan ang parating, at hindi ko akalaing magiging bahagi ako ng kaguluhang ito.

•⪼⨳※⨳⪻•

Sa bawat araw na lumilipas, lalong lumalakas ang aking kapangyarihan. Sa tulong ng mahiwagang plawta ng sinaunang reyna, natutunan kong kontrolin ang mahika. Ang dating walang kapangyarihan ay ngayo'y may kakayahang magpabago ng kapalaran. Ngunit isang tanong ang patuloy na bumabagabag sa akin—sino ba ang aking tunay na mga magulang? Pakiramdam ko'y hindi pa buo ang aking pagkatao.

•⪼⨳※⨳⪻•

"Nexrie Mirgan, ginagawad sa iyo ang pinakamataas na tungkulin," bigkas ng mataas na uri ng Elven, at naramdaman kong parang bumagsak ang buong mundo sa aking balikat. Ang lahat ay napatingin sa akin, nagulat sa kanilang narinig. Ibinigay nila sa akin ang gintong tungkod na may batong amethyst sa itaas. Pagkakuha ko dito, biglang sumakit ang aking likod, tila ba may matinding lakas na sumasabog mula sa loob.

"Nexrie, ang likod mo umiilaw," sabi ni Fumi. Dali-dali akong tumingin sa bintanang kristal ng Great Hall. Ang aking mga mata ay wala nang pupil—tanging puting liwanag na lamang. Ngunit unti-unti, nagbago ito. Ang puting liwanag ay naging lila, at ang aking mga mata ay naging ube, parang mga mata ng isang nilalang na hindi ko lubos kilala.

"Twilight Elf si Nexrie! Kalaban ang itinakda!" isang boses ang sumigaw mula sa likuran, puno ng galit at takot.

"Patayin ang Heiress!" sigaw ni Stella, at nagsimula ang kaguluhan. Ang mga sandata ay nagliparan papunta sa akin, at sa takot, hindi ko sinasadyang magpalabas ng apoy. Isang berdeng apoy ang bumalot sa paligid—isang apoy na katulad ng sa mga Twilight Elves na nakalaban namin. Mabilis na natupok ang lahat ng humarang sa akin, at ang mga kapwa Casterians ko, sa aking harapan, ay unti-unting nagiging. Napahinto ako, nanginginig ang mga kamay, habang pinagmamasdan ang mga labi ng mga dating kakampi. Hindi ko inaasahang magiging ganito ang kapalaran ko—isang Twilight Elf na pumatay ng kanyang sariling lahi.

Elven's LullabyWhere stories live. Discover now