Kabanata 2

369 29 0
                                    

"Binibini..." nagising ako sa mararahang katok sa pinto ng silid, "Binibini!"

Pinasadahan ng daliri ko isang beses ang aking buhok bago tumayo para pagbuksan siya ng pintuan. Bumungad sa akin ang mukha niyang malaki ang ngiti.

Si Yri ay mag-iisang daang taon na pero bata pa rin siya tingnan. Kwento niya sa akin ay dito na siya nanirahan dahil tinulungan siya dati ng pamilyang ito kaya tumatanaw siya ngayon ng utang na loob.

"Anong mayroon?" kumunot ang noo ko at tumingin sa madilim na pasilyo sa harap ng silid ko.

"Mag-ayos kayo. May bisita ngayon, galing sa palasyo."

Itinulak ako ni Yri paatras at siya na mismo ang nagsara ng pintuan. Bumuntong hininga ako at pumasok na sa paliguan para maghubad ng damit. Minadali ko na ang pag-aayos dahil baka hinahanap na ako sa baba.

Natitiyak kong isang bampira iyon kaya hindi ako kailangan pero nakasanayan na nilang ipakilala ako kapag may bisita. Nagpapakilala naman ako para hindi nakakahiya.

Pagbaba sa unang palapag ng bahay ay naroon na silang lahat. Masaya ang ginang samantalang nasa likod naman niya ang kanyang asawa.

"Lucia, nandito na si Celestine." pukaw ni Tiyo pagkakita sa akin.

Tumayo ako sa tabi niya. Hindi ko pa nalilingunan ang bisita pero kita ko sa gilid ng aking mata na nakaupo lang siya.

"Kamahalan, ang aking anak ay nasa kanyang silid pa at nag-aayos." sabi ni Tita sabay lapag sa tsaa na kinuha ni Yri sa kusina.

Kamahalan? Tumingin ako sa bisita. Normal na sa akin ang makitang itim ang kanilang kasuotan pero naiiba ang isang ito. Wala siya masyadong suot na palamuti, kapani-paniwala dahil isa siyang lalaki, pero magara ang damit niya. Isang seda, galing pa sa kanluran.

Pinulot nito ang tasa ng tsaa pero bago uminom ay nag-angat siya ng tingin sa akin. Naabutan niya akong tumititig kaya nag-iwas ako ng tingin at tumayo ng tuwid.

"Isang mortal." rinig kong ani niya.

Ngumiti si Tiya Lucia, "Halika."

Lumapit ako at naupo sa tabi niya. Sumimsim ang lalaki sa kanyang tsaa nang hindi inaalis ang tingin sa akin.

"Anak ko siya, kamahalan. Lumaki na ito sa aming pangangalaga kaya tinuturing ko na rin na pamilya."

Napangiti ako sa kanyang sinabi. Nagtaas ng kilay ang lalaki at tumingin sa tasa na parang walang pakialam. Napawi ang ngiti ko. Hindi ko sinasabing importante ako at dapat bigyan pansin pero... siya ang nagtanong kanina tapos aarte siyang ganyan?

"Anak mo. Bakit ngayon ko lamang siya nakita?" humalukipkip ito pagkatapos ilapag ang tasa.

"Hindi siya mahilig lumabas dati. Ngayon lang dahil unti-unti na siyang nasasanay sa paligid."

Nagtaas ito ng kilay at bahagyang umangat ang labi. Tumingin si Tiya sa likod kaya napatingin din ako. Bumababa na ang anak nilang lalaki na siyang pakay ng lalaking ito.

"Paumanhin, nahirapan akong magising." bati ni Uno at tumingin sa akin.

Bumagsak ang tingin ko sa bisita na tumatayo na ngayon. Agad na tumayo si Tiya at Tiyo kaya napatayo na rin ako. Tiningnan ako ng lalaki at naabutan na naman niya ang paninitig ko.

"Pamilyar ang iyong mukha, pero natitiyak ko naman na hindi ikaw siya. Malaking problema kapag nagkita kayong dalawa. Iwasan mo ang taniman ng puting bulaklak sa gitna ng kakahuyan." saad nito sa akin.

Umawang ang labi ko at natigilan sa sinabi niya. Tumingin na siya kay Uno at tumango. Ano ang ibig niyang sabihin? Sino ang tinutukoy niya?

"Bakit ka nandito, prinsipe? Maaga pa para uminom."

Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon