Kabanata 30

200 16 0
                                    

Kinilabutan ako sa sinabi niya. Idagdag pa ang malamig na hangin na agad bumalot sa katawan ko. Nakaka panindig balahibo. Sino ang gagawa ng ganoong bagay kay Ciara?

"Sigurado ka ba?"

Umupo si Kieran at hinawakan ang bulaklak na nalanta. Kinuha ko ang talulot na nasa aking paa at hinaplos iyon. Hinaplos ng prinsipe ang puno at pumikit siya ng mariin.

"Maaaring may humukay ng katawan niya." aniya at tumayo, "O baka... buhay siya."

Binalingan niya ako. May kung ano akong nababakas sa mga mata niya. Palipat-lipat ang tingin ko para alamin kung ano ang bagay na 'yon.

"Hindi ako siya." awtomatikong sambit ko.

Tumango siya at hinawakan ang aking kamay. "Alam ko."

Umatras siya ng bahagya at tiningala ang puno. Naiwan ang tingin ko sa nalalantang bulaklak. Kanino galing 'yon?

"Hindi ko naabutan si Ciara. Namatay na siya pero wala pa rin ako sa kanyang tabi. Si Uno lang ang nagsabi na nilibing niya si Ciara dito mismo."

Lumunok ako. "Masakit maglibing ng minamahal."

Tumango siya. "Utang na loob ko 'yon sa kanya."

"Nalaman ko kay Uno na buntis si Ciara noong nawala siya."

Humigpit ang pagkakahawak niya sa aking kamay. Binalingan niya ako kaya pinanatili ko ang tingin sa puno.

"Kung totoo man 'yon, hindi ko alam kung paano ko mapapatawad ang sarili ko." bulong niya.

"May nangyari na sa inyo..." wala sa sarili kong sinabi.

Malamang, Celestine.

Binalingan ko siya at naabutan ang paglunok niya. Tila siya biglang kinabahan. Tumikhim ako at nag-isip ng ibang tanong para tabunan ang inosenteng nasabi kanina.

"A-ang ibig kong sabihin..."

Huminga siya ng malalim, "Umalis na tayo. Iba na ang mga naiisip mo."

Kinagat ko ng mariin ang labi ko at tiningnan ang kalangitan. Hindi pa naman madilim pero hindi ako nakapagpaalam kaya baka nababaliw na si Yri kakaikot sa lugar para mahanap ako. Malalagot pa siya kay Tiya.

Binagsak ko ulit ang tingin ko sa bulaklak at huminga ng malalim, "Wala ka bang sasabihin kay Ciara?"

Umiling siya, "Gusto lang kitang dalhin dito."

"Matagal na panahon din kayong hindi nagkausap. Baka gusto niyang malaman kung maayos ka na ba. Ikwento mo sa kanya kung ano na ang nangyayari sa'yo."

Umiling ulit siya, "Tayo na."

Bumuntong hininga ako at tumango. Naglakad na siya papalayo. Hindi ko naman maiwan ng tingin ang bulaklak ni Ciara at ang puno na maganda.

Tahimik lang kaming dalawa. Mas lalong nakakatakot ang hagdan ngayong pababa na kami. Pumikit ako ng mariin at bago pa magreklamo ay binuhat niya ulit ako. Sa isang kisapmata ay nasa baba na kami ng hagdan.

Tuloy-tuloy ang takbo niya hanggang sa nakarating kami sa pamilihan. Maliit lang ito at iilan lang din ang tinitinda ng mga bampira.

"Bakit sa lugar na ito naisipan ni Uno na ilibing si Ciara? Dito ba siya mismo namatay?"

Umiling si Kieran, "Hindi. Dito ang paborito nilang lugar."

"Kung hinayaan mo si Ciara na malibing sa lugar na paborito nilang dalawa... pagpaparaya ba 'yon, prinsipe?"

Tumigil siya sa paglalakad at matagal bago sumagot, "Si Uno ang naglibing sa kanya. Hindi ko na magawang ilipat ang kanyang katawan sa kung saan ko naisin na lugar. Kawalang respeto iyon kay Uno na nanatili sa kanyang tabi hanggang sa huli."

Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon