Kahit na natanong ko iyon ay nanatili pa rin ako. Nanatili akong nakasandal sa puno, nakasilip sa kanya. Nanatili akong nakatingin, hanggang sa naglakad silang lahat paalis na.
Huminga ako ng malalim at binalingan ang puno sa gitna. Nag-iisa iyon ngayon, parang ako na nakatayo rito.
Mukha namang maraming nag-aalala sa kanya. Hindi na dapat ako nagpapakita pa. Kapag ganoon ay mabilis niya akong makakalimutan. Mabubura sa alaala niya ang mga sandaling nagkakilala kaming dalawa.
Hindi na siya mahihirapan pa. Naglakad ako mag-isa sa kagubatan. Sa iniisip ko ngayon wala na akong pakialam kung mayroon ulit aatake sa akin na gutom na bampira.
Direksyon pauwi sa bahay ang tinatahak ko kanina kaya hindi ko maintindihan ang dahilan kung bakit nandito ako ngayon. Natagpuan ko ang sarili ko na sumisilip sa kanila sa likod ng malaking puno.
Malayo ako at sa ilang taon kong pakikisama sa mga bampira, alam ko na kung gaano kalayo ang distansya na hindi nila ako maaamoy.
Nakatayo silang lahat sa harap ng maliit na kubo. Maya-maya pa ay napasinghap ako nang tinulak ng isang prinsipe si Kieran kaya tumalsik ito sa malaking puno na medyo malayo sa kanila.
Imbes na magalit ay ngumisi pa ito. Pumasok silang dalawa ng babae sa kubo. Pansin ko ang galit na ekspresyon ng isang prinsipe sa kanyang kapatid.
Napalunok ako at tinitigan ang nakasarang pintuan. Silang dalawa lang ang naroon. Ang babaeng iyon ay minsan ko nang nakita sa pagdiriwang. Maganda siya bilang isang mortal. Paano na lang kapag naging isa siyang bampira?
Bago pa madumihan ang utak ko sa kakaisip kung ano ang ginagawa nila ay tumakbo na ako ng mabilis para makabalik kaagad sa bahay.
Makakalimutan ko rin siya kapag hindi na kami nagkita pa. Sana lang ay huwag siya ulit dumalaw sa bahay para kay Uno. Kung hindi ako lalabas ng aking silid, mas maganda iyon.
Nagmukmok ako sa aking silid gaya ng plano ko. Isang araw akong hindi lumabas at nagpadala lang ng pagkain kay Yri. Nakakabagot kaya tinulog ko na lang kaysa mag-isip ng maraming bagay.
Pero ginising ako ni Tiyo para sabay na akong kumain sa kanila. Pasikat na ang araw at ito ang nagsisilbi nilang huling kain sa isang araw dahil matutulog na sila pagkatapos.
Bumaba ako nang hindi na inaayos ang aking buhok. Naghihintay na sila at nakahain na rin ang lahat sa hapag. Naupo ako sa tapat ni Uno na umiinom na ngayon ng dugo. Si Tiyo William sa kabisera at katabi niya naman si Tiya.
"Hindi ka na naman lumalabas? Celestine, baka iba na 'yan. May problema ka ba, hija?" pag-aalala ni Tiya.
Umiling ako at ngumiti, "Pasensya na. Gusto ko naman lumabas pero mas gusto kong matulog."
Nangatwiran ako sabay subo ng isang buong itlog. Nagtaas ng kilay si Uno at ngumiwi nang nakita ang ginawa ko.
"May bisita ako mamaya, ina." pananalita ni Uno kalaunan.
Bumaba ang tingin ko sa pagkain ko ngayon. May adobo, itlog, sinangag, at longgasina. Nginuya ko ang buong itlog at sinunod ang kanin. Kumuha ako ng adobong baboy at ipinatong ko sa kanin pagkatapos ay kumuha ako ng longganisa at ipinatong sa adobo.
Ngumisi si Uno na pinapanood pala ang ginagawa ko. Naabutan niya pa akong inisang subo ang lahat ng iyon kaya umayos ako at naging mabagal ang pagnguya.
Tumawa siya kaya natigilan si Tiya sa pagsasalita at nagtatakang napatitig sa anak. Kinagat ko ang labi ko at uminom na lang ng tubig.
"Sinong pupunta mamaya, Uno? Para mapaghandaan namin ng iyong ama. Tawa ka nang tawa." sinulyapan ako ni Tiya.
BINABASA MO ANG
Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)
VampirgeschichtenMortal Series 4: Kieran Pilantro Crimson cover not mine.