Kabanata 26

197 17 0
                                    

"Pupunta ako sa palasyo, Celestine. Sasama ka ba?" nakangiting tanong ni Tiya habang pababa siya ng hagdan.

Agad akong umiling, "Mamimitas pa kami ni Yri ng mga bulaklak, Tiya."

Napawi ang ngiti niya at nagtagal ang titig sa akin. Nag-iwas ako ng tingin at binalingan na lang si Yri na naghihintay na. Sinabi ko sa kanya na mangolekta ulit kami ng bulaklak dahil nakita ko kanina na may iba nang nalalanta sa itaas.

"Akala ko ba sasama ka sa akin?" pagtataka niya.

Umiling ako at tiningnan siya ulit, "Sasama na lang ako sa inyo sa susunod. Ngayon kasi... ah... huwag muna."

Tumango siya at hinarap si Hada. Tinanguan ko si Yri na agad nagpaalam kay Tiya bago sumabay sa akin sa paglalakad.

"Mag-iingat kayo, Yri." pahabol ni Tiya.

Araw kaagad ang bumungad sa amin. Tirik man ito ay nananaig pa rin ang lamig. Sa palasyo tiyak akong walang humpay ang pagpatak ng nyebe roon. Dala ko ang sarili kong basket at naglakad hanggang sa nakalayo na kami ng kaunti ni Yri sa bahay.

"Kakaiba ang sikat ng araw ngayong wala na ang mga kyran. Sayang dahil hindi ito nakikita ni prinsipe Helios." saad ni Yri.

Naupo ako at nagsimulang pumitas ng mga ligaw na bulaklak. Nakipaglaban ang prinsipe para sa pamilya niya, sa kanilang bayan, at para kay Solene. Pero ganoon lang ang naging kapalit. Naiinis ako dahil kahit ang mundong ito, hindi pa rin patas.

"Kung nasaan man ang prinsipe, alam kong masaya siya sa naging desisyon niya." saad ko.

Naupo si Yri at ginaya ang pamimitas ko, "Pero mas malungkot siya, binibini."

Sinipat ko siya, "Kasama niya ang mahal niya. Sino pa ang malulungkot sa ganoon?"

Natigilan siya at ngumuso na lang. Ibinalik ko ang atensyon sa pangongolekta ng mga bulaklak. Nakaka apat na pares na ako at dalawa naman kay Yri.

"Pero hindi pa rin patas ang nangyari sa kanilang dalawa. Napaka buti ni Solene para ganoon lang ang kahinatnan."

Tiningnan ko ulit siya at tinuro ang mga bulaklak na nagkalat sa harapan namin, "Sa lahat ng bulaklak na 'yan, ano ang una mong pipitasin?"

"Syempre 'yong maganda." pinitas niya ang madalas naming pinipitas dati at inilagay sa kanyang tainga.

"Maganda ang kalooban ni Solene." itinuloy ko ang ginagawa, "Naiintindihan mo na?"

Napatango-tango siya, "Oo nga, ano?"

At maganda rin ang kalooban ng prinsipe. Kung handa siyang sumama sa kanyang asawa imbes na maghintay, ibig sabihin ay wala siyang pinagsisisihan. Tiyak akong masaya siya sa desisyon niya. Magkasama pa rin naman silang dalawa kahit papaano. At iyon ang mahalaga para sa prinsipe.

"May kasabihan din, mahirap mamatay ang mga masasamang damo. Kaya iyong mga mabubuti sila ang nauuna." dagdag ni Yri saka siya tumawa.

Tumawa ako at binalingan siya, "Alalahanin natin na natulog na dati si prinsipe Helios. Matagal na siyang nagpasya na iwan ang pamilya niya, kaya siguro madali na sa kanya ang gawin iyon."

Mabagal na tumango si Yri habang inaalala rin iyon. Naka sampong pares na ako pero nakatunganga pa rin siya. Lumayo ako ng bahagya sa kanya para makakita pa ng ibang bulaklak.

May anak si Ciara. Masaya siya noong nalaman niyang may anak siya. Nabanggit ni Uno na gustong puntahan ni Ciara si Kieran. Bakit niya pupuntahan si Kieran noong sandaling nalaman niya na buntis siya?

Maaaring ang prinsipe ang ama. Saktong nagpasya ang prinsipe na yayain na si Ciara magpakasal. Ganoon kalalim ang samahan nilang dalawa dati.

Hangal, Celestine. Ilang beses lang kaming nagkausap na dalawa. Nabibilang lang ang interaksyon ko sa kanya. Ni wala pa akong masyadong alam sa kanya at ganoon din siya sa akin. Paano ko nagawang isipin na mapapalitan ko si Ciara sa puso niya?

Tama si Uno. Sa kakapilit kong maisalba si Kieran, ako ang nahuhulog.

Isa siyang mapanganib na lalaki. Kapag nakikita ko siya, parang gusto kong lumapit. Kapag nakalapit naman ako, gusto ko siyang hawakan. At kapag nahawakan ko naman, gusto kong mapalapit pa sa kanya. Ganoon siyang klase ng nilalang. Hindi ko kayang tigilan.

"Binibini, naka ilan ka na?" tanong kalaunan ni Yri.

Binalingan ko siya. Nakaupo na siya at binibilang ang kanyang nakolekta.

"Labing isang pares na."

"Nasa labing isa ka na? Ang bilis mo naman." kinuha niya ang basket at lumapit sa akin.

Maraming ligaw na bulaklak sa gawi kong ito kaya nakarami ako. Idagdag pa ang naisip ko kanina.

"Kumuha kaya tayo ng pares ng dandelion sa malayong banda roon?" tinuro niya ang direksyon papunta sa mga bulaklak na iyon.

Umiling iling ako kay Yri, "Huwag na 'yon. Makati lang sa balat."

"Pero hindi ba gustong-gusto niyo 'yon?"

Umiling ulit ako, "Hindi na ngayon. Napagtanto kong mas marami pang magagandang bulaklak kaysa sa dandelion."

"Hmm... oo nga tama ka. Oh!" pinulot niya ang isang dandelion na hinangin yata papunta sa amin.

Lumunok ako at lumayo ng bahagya kay Yri. Pati mga bulaklak tinatawag ako para pumunta sa lugar na iyon. Pero ayaw ko na. Iyon ang lugar na huli kong pupuntahan.

"Ayaw na sa'yo ng binibini. Kaya alis." parang bata si Yri na pinapalayo ang isang bulaklak na iyon.

"Huwag, Yri!" mabilis kong pigil nang nakitang tatapakan niya 'yon.

Pinulot ko ito at inilagay na sa basket. Isisingit ko na lang sa ibang bulaklak para iba-iba ang kulay.

Bigo akong bumuntong hininga. Nagpatuloy kami ni Yri na mamitas ng mga bulaklak hanggang sa nakaramdam ako ng pagod. Itinabi ko sa kanya ang basket kong dala at kumuha ako ng tela na nasa basket niya at inilatag iyon.

Nasa harap na kami ng batis kaya saktong-sakto. Nahiga ako, walang pakialam sa kung sino man makakita. Masakit sa mata ang sinag ng araw pero bawing-bawi naman sa perpektong asul na kalangitan.

"Mama..." bulong ko sa kawalan.

Bumangon ako para kunin sa basket ang isang dandelion pagkatapos ay humiga ulit sa tela. Ginawa kong unan ang isa kong kamay habang ang isa naman ay pinaikot-ikot ang dandelion na hawak.

Hinipan ko 'yon ng marahan, "Sana makita ko na ang lalaking para sa akin."

Natatakot akong mas lalong mahulog sa lalaking dati pa lang ay nakalaan na sa iba.

"Kung nasaan ka man, dumating ka na." dagdag ko.

Itinapon ko sa kaliwa ang bulaklak noong nagsawa akong paglaruan iyon at dalawang kamay na ngayon ang ginawa kong unan. Binalikan ko sa aking alaala ang sitwasyon ni Helios at Solene.

"Binibini!" matinis na boses ni Yri ang narinig ko.

Bumangon ako at binalingan ang kanan pero natigilan lang ako sa nakita. Nakatayo sa harap ni Yri si prinsipe Damian at Luan.

Kumaway si Yri at bago pa ako makapag-isip ng itutugon ay may naramdaman akong malakas na presensiya sa aking likuran. Pagbaling doon ay natulala ako sa mukha ni Kieran.

Pinulot niya ang itinapon kong bulaklak at inilahad sa akin, "Nandito na ako."

Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon