Ngayong pangalawang araw, dinala niya ako sa kweba hindi kalayuan sa kubong pinasukan nila noong nakaraan. Maganda ang lugar pero masyadong tahimik. May nakikita akong ibang nilalang na ngayon ko pa lang nakita.
Mga paro-paro na nagsasalita, nagtitipon ang mga ito sa bulaklak na kulay dilaw. Ang batis sa gilid ay parte ng batis na pinuntahan namin kahapon.
Magkahawak kamay kaming pumasok sa loob ng kweba. Madilim pero may naririnig kaming huni ng mga ibon at may nakikitang lumilipad na kulay asul na umiilaw.
"Anong mayroon dito?" nilapitan ko ang batong higaan doon.
Tiningnan niya ako, "Pinaniniwalaan na higaan 'yan ng isang diwata."
Napaatras ako sa malaking bato, "Diwata? Pag-aari ng diwata ang kweba na ito?"
Tumango siya at hinaplos ang bato, "Matagal na siyang naninirahan dito dahil hindi siya kinikilala ng kapwa niya diwata. Sila ang nagbabantay sa mainit na bukal."
"Nasaan ang mainit na bukal?"
Umiling ang prinsipe, "Hindi tayo maaaring pumunta sa lugar na iyon. Isa kang mortal, mapanganib sa'yo ang ganoong lugar."
Kahit na gusto kong puntahan ang bukal ay tumango na lang ako. Inikot ko ang tingin sa buong kweba. Wala akong iba pang makita bukod sa ibang tumubo na halaman sa tabi-tabi.
Karamihan sa bulaklak ay kulay dilaw at pula. Mayroon din asul sa tabi pero maliliit sila at magaan lang ang kulay. Ganito kaya kaganda lahat ng lugar ng diwata?
"Sinong diwata?" binalingan ko ang prinsipe na nakatingin din pala sa akin.
"Si Elizabeth." aniya at naglakad palayo para sumilip sa mga butas ng kweba.
Yumuko ako at hinawakan ang mga dilaw na bulaklak. Hindi ko pa nakikita ang mga ito noon. Ang dilaw na bulaklak ay pareho lang ng sunflower pero maliliit lang ang mga ito.
Sunod kong nilapitan ay ang mga pulang kagaya ng gumamela. Inamoy ko ang mga iyon at tinitigan ang bawat detalye.
"May paparating." saad ng prinsipe na nakasilip pa rin.
Agad ko siyang nilapitan para sumilip din. Maliliit ang butas. Umatras siya para hayaan akong makasilip. Wala akong makita kundi malalaking puno lang at mga paro-paro. Nasaan ang paparating na sinasabi niya?
Bago pa makapagtanong ay napagtanto kong isa nga pala siyang bampira. Mas matalas ang pandama at paningin niya kumpara sa mga tao.
"Aalis na ba tayo? Sino ang mga iyon?" nagsimula akong magtanong.
Umiling siya at muling sumilip, "Manatili muna tayo. Baka napadaan lang sila."
"Sino, prinsipe?"
"Ibang mga taga palasyo ng apoy. Malapit lang dito ang kanilang palasyo, baka nagbabantay sila."
Tumango ako at lumayo sa kanya para ipagpatuloy ang pag-amoy ng mga bulaklak. Kahit saan sa mundong ito ay hindi nawawala ang bulaklak. May nakikita akong pamilyar pero madalas ay mga bulaklak na hindi ko pa nakikita at hindi inaasahang nabubuhay pala.
Nanatili ang prinsipe na nakasilip. Tinitingnan niyang mabuti kung nagbabantay lang ba ang mga iyon pero natigilan ako nang mabilis niya akong nilapitan at hinila palabas ng kweba.
"Bakit? Sandali, aalis na tayo?" binalingan ko ang madilim na loob ng kweba.
"Alam nilang nakapasok tayo. Umalis na tayo dito ngayon din."
Tumakbo siya palabas na halos hindi ko na masundan. Naririnig ko ang sigaw ng mga bantay. Napatili ako nang muntik na madapa dahil sa putol na sanga na naapakan ko sa pagmamadali.
BINABASA MO ANG
Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)
VampireMortal Series 4: Kieran Pilantro Crimson cover not mine.