Ang paglaki sa pamilya ng mga bampira ay hindi madali para sa akin, pero hindi rin naman mahirap. Mabait sila sa akin, hindi lang maiwasan ang ibang bisita na maliitin ako pero hindi na lang ako nagpapa-apekto.
Nakaupo kaming lahat sa mahabang lamesa. May bulaklak sa gitna at prutas. Nakagat ko ang labi ko nang nakakita ng dugo na sinasalin ng kanilang tagasilbi.
Hindi ako sanay sa prutas pero kumuha ako ng ilan para lang may gawin. Binalingan ko si Uno na pinapanood ang ginagawa ko. Isinubo ko ang ubas at ngumiti sa kanya. Nag-iwas siya ng tingin.
Tumayo sila Tiya at binati ang ilang kakilala. Tumingin ako sa harap at doon nakita ang inang reyna. Sobrang ganda nito na hindi sapat ang salita. May nakaupo pang babae sa harap at siya ang mahal na reyna.
Sa gilid ay ang isang prinsesa na kausap ang isa pang babae na maganda rin. Ilan kaya ang prinsesa ng palasyo?
"Anong pangalan mo, hija?" biglang nagtanong ang matanda na katabi ko kaya napatingin ako sa kanya.
"Celestine ang aking pangalan."
"Isa kang mortal. Nasaan ang iyong mga magulang?" ngumiti siya.
"Uh..." tinuro ko sila tiya at tiyo na abalang binatana ang ilan, "Nakikipag-usap sa iba."
Sinundan ng matanda ang tingin ko at tumango siya, "Sila Lucia."
Tumango ako at nalingunan si Uno na tumatayo. Inayos niya ang kanyang damit. Nagsitayuan ang iba kaya naguluhan pa ako. Anong gagawin?
Biglang lumapit sa akin si Uno at inilahad ang kanyang kamay. Bumagsak ang tingin ko roon. Bago pa makapagtanong ay naghari ang masuyong musika na galing sa plauta ng kung sino.
Umawang ang labi ko at nag-angat ng tingin kay Uno. Tiningnan ako ng matanda kaya wala akong ibang magawa kundi ang tanggapin ang kamay niya at tumayo. Iginiya niya ako sa gitna kasama ng iba pang nagsasayaw at hinawakan ng marahan ang aking baywang.
Ito ang unang beses na ganito siya. Hindi niya ako pinapansin dati kaya akala ko ayaw niyang nakatira ako sa kanila. Tumikhim ako at idinantay ang aking kamay sa kanyang balikat at sumayaw ng marahan.
"Nasabi ko na ba ito sa'yo?" ang lapit niya sa akin at naamoy ko siya.
"Ang alin?" pagtataka ko.
"Na gusto kitang maging parte ng pamilya, pero hindi bilang kapatid."
Hindi bilang kapatid? Humigpit ang hawak niya. Nakaramdam ako ng pagkailang dahil hindi naman siya ganito dati.
"Ganito ka ba sa lahat ng babae?" tukoy ko sa paraan ng paghawak niya sa aking baywang.
Ngumisi siya at may sasabihin pa sana pero naagaw ng kung sino ang atensyon ko. Isang lalaking biglang pumasok sa bulwagan. Nasa kanyang likod si prinsipe Blad na bahagyang nakangiti.
"Si prinsipe Kieran!" rinig kong bulong ng babaeng malapit sa akin sa kasama nito.
Natuon ang tingin ko sa lalaking iyon na mabilis nilapitan ang lamesa sa aming harapan at nilagok ang alak na laman no'n. Bigla itong ngumisi at nilapitan ang isa pang lalaki na nakaputi.
"Celestine?"
Bumaling ako kay Uno na nakakunot noo na ngayon habang nakatitig. Umawang ang labi ko at napatingin ulit sa lalaki. Pamilyar siya. Kung hindi ako nagkakamali, siya ang lalaking nakita ko sa kakahuyan noong nakaraan.
Tinuro ko ang lalaki na nakikipagtawanan sa kausap, "Sino siya?"
Lumingon si Uno roon bago ako sinagot, "Ikaanim na prinsipe. Kapatid ng hari. Bakit?"
Kapatid ng hari.
Nagtaas siya ng kilay, "Siya ba ang tipo mo? Isang prinsipe?"
Agad akong umiling, "Pamilyar siya kaya natanong ko. Sa tingin ko nakita ko na siya dati."
"Mahilig ka lumabas. Baka nakita mo siya sa kakahuyan."
Tumango ako at tumingin ulit sa lalaki. Tinapos na ni Uno ang sayaw kaya bumalik na kami sa lamesa. Nagpaalam ako sa kanila kalaunan na maglakad lakad sa labas para magpahangin.
Sa lawak ng palasyo ay kailangan ko pa si Yri para hindi ako maligaw pero wala siya rito ngayon kaya hindi ako masyadong lumayo. Nakatayo lang ako sa labas habang pinagmamasdan ang tanawin.
"Nakita mo ba si prinsipe Luan? Kakaiba ang tindig niya, alam mo talaga na prinsipe." nagtawanan ang dalawang bampira na nadaanan ako.
Tiningnan nila ako at nginitian. Ngumiti rin ako pabalik at marahan kinagat ang aking labi.
Sa gabing iyon ay nanatili lang ako sa labas hanggang sa lumabas din si Uno at nagdeklarang uuwi na. Nakilala ko ang ibang prinsipe sa palasyo. Hindi karamihan kaya hindi rin mahirap kabisaduhin.
Mula noong nangyari ang gabing iyon, palagi na nila akong sinasama tuwing may pagdiriwang na naiimbita sila. Hindi lang sa palasyo kundi kahit na rin sa ibang kaharian o kahit sa ibang bahay lang.
Tinuring nila akong tunay na anak. Napalapit ako kay Uno nang nalaman kong hindi pala siya suplado tulad ng iniisip ko. Nagkaroon din ako ng kaibigan na bampira bukod kay Yri.
Iniwasan ko ang taniman ng dandelion sa kakahuyan ng Nervana. Tuwing namumulot kami ng bulaklak ay hanggang sa malapit lang at hindi na lumalayo.
Nagdaan ang maraming buwan, tuluyan kong nakalimutan ang pagiging mortal. Sanay na akong makisalamuha sa mga bampira dahil palagi kaming naiimbita sa kahit anong pagdiriwang.
Habang lumilipas ang araw at buwan, nakalimutan ko ang dating nakasanayan. Tutok ako sa pag-aaral sa bahay at pagdalo sa pagdiriwang tuwing gabi kaya ang hilig kong mangolekta ng bulaklak ay unti-unti nang naglaho.
Si Yri na lang ang pumipitas ng bulaklak tuwing umaga bilang disenyo sa loob ng mansyon.
Ginawa ang selebrasyon ng aking kaarawan sa mismong loob din ng bahay. Lihim ko inasam na sana ay magpakita si mama pero wala rin siya. Iyon ang pangatlong beses na hinangad kong makita siya sa kaarawan ko mula noong inampon ako pero hindi nangyayari.
"Sino ang mortal na 'yan?" natigilan ako sa pag-inom ng alak pagkarinig sa isang bulong ng babae sa aking likod.
"Ampon ng pamilya Rashim."
Nginitian ko si Uno at tinanggap ang nilalahad niyang pulang rosas. Inamoy ko iyon at hinawakan muna ng ilang sandali.
"Gumanda ka lalo ngayong nasa huwastong gulang ka na." ngumisi si Uno.
Natawa ako ng bahagya, "Hindi ka pa rin nagbago. Mahilig ka pa rin magbiro."
Alam nila ang ginagawa sa mundo ng mortal kapag may debut. Hindi ko na iyon sinabi pero ginawa pa rin nila para sa akin pero dalawa lang ang isasayaw ko. Una ay si Tiyo William, huli naman ay si Uno.
Mahabang selebrasyon kaya napagod ako ng husto. Nagising lang ako dahil sa pagmamadali ni Yri na pababain ako dahil may bisita raw. Nagbihis ako at nag-ayos kaunti para naman magmukhang tao dahil mukha akong engkanto ngayon sa pagod kagabi.
Isang balita ang hatid ng bisita na nagpagulat sa kay Tiyo, Tiya, Yri, at pati na rin kay Uno.
"Ang pagdiriwang ay magaganap mamayang hating gabi." dagdag ng bisita bago umalis.
"Buhay si prinsipe Helios?" manghang tanong ni Tiya.
Nanatili akong nakaupo at walang imik dahil hindi ko naman maunawaan ang sinasabi nila. Pero kalaunan ay naalala ko ang prinsipeng binanggit ni Yri na uminom ng lason para patayin ang sarili.
Sakit sa ulo. Pagdiriwang na naman.
BINABASA MO ANG
Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)
VampirMortal Series 4: Kieran Pilantro Crimson cover not mine.