Bumaba ako ng bus at tiningnan ang paligid. Nang umandar papalayo ang bus ay natulos ako sa kinatatayuan. Tiningnan ko ang maraming tao na palakad-lakad. May nag-uusap, may nakaupo sa mga sementong upuan sa gilid ng kalsad, at may namimili.
Akala ko kanina hindi tatanggapin ang perlas na binigay ko. Kung sakaling hindi ko iyon kinuha hindi ko alam kung saan ako pupulutin.
Huminga ako ng malalim at lumapit sa mga nagtitinda ng barbecue sa tabi. Nilunok ko ang mabangong usok. Matagal ko rin hindi natitikman ang ganito.
Pero hindi muna. Kailangan ko pang mahanap kung saan ang maraming karinderya sa lugar na ito. Baka doon ko mahanap si Mama.
"Ate, tag-ilan ang isaw?" tinuro ko ang grupo ng isaw na naluto na.
"Sinko pesos isa." aniya na abala sa pagpapaypay.
Kinagat ko ang labi ko. Tumayo ako sa gilid at tiningnan ang mga dumadaang tricycle at Van sa kalsada. Ilan kaya ang pamasahe kapag nag van ako? Pero hindi ko naman alam kung saan titigil kaya mabuting maglakad-lakad na lang.
"Ineng, tumabi ka. Maraming bumibili!" marahan akong itinulak ng matanda sa gilid na nag-aayos ng mga walis tambo.
Nagpunta ako sa likod ng mga tindahan para hindi makaistorbo sa mga mamimili. Lumayo ako sa mga iyon at naglakad. Tinitingnan ko ang mga nadadaanang tinda sa kanilang palengke.
Ibang iba ang bayan dito sa bayan sa palasyo ng mga bampira. Kung dito ay maraming prutas kahit saan tumingin, sa kanila ay bihira lang. Mas marami silang tinda na mga gamit sa bahay at mga painting.
Tumigil ako at tiningnan ang isang batang namimili ng laruang barbie. Itinuro niya sa kanyang ama ang nakitang malaking barbie na may maraming damit. Kinuha iyon ng kanyang ama at tinanong sa tindera kung magkano.
Wala pang isang araw mula noong umalis ako sa bahay nila Tiya. Hinahanap kaya nila ako? Sa tingin ko hindi. Mukha naman silang masaya kay Ciara. Ayos lang sa kanila kahit si Ciara lang.
"Ate, may kilala ba kayong Castillo dito?" tumigil ako sa nagtitinda ng mga gamit sa skwela para makapagtanong.
"Castillo ba kamo?" ulit niya.
Tumango ako.
"Wala akong kakilalang Castillo dito, hija. Bakit? Sino ba sila?"
Dinilaan ko ang labi ko, "Hinahanap ko po kasi ang Mama ko."
"Sa laki nitong Vigan sa tingin mo ba mahahanap mo ang Mama mo kung magtatanong-tanong ka lang?" umiling-iling siya, "Pumunta ka sa bawat baranggay at tanungin ang mga kapitan."
Ngumuso ako at lumayo na lang sa kanya. Mahirap nga kung Castillo ang sasabihin ko. Kulang ang tinanong ko kay Tiya. Sana pala tinanong ko rin sa kanya kung saang lugar iyon.
Sa paglalakad habang hila ang maleta, tumigil ako sa tapat ng park para magpahinga. Naupo ako sa harap ng rebulto ng kung sino. Makati ang damuhan. Nahihilo na ako, wala pa akong kain.
Pinanood ko lang ang dalawang batang babae na naghahabulan. Kahit papaano ay naaliw ako sa kanila. Ang saya bumalik sa pagkabata. Iyong tipong ganito lang ang iniisip mo at hindi problema ng mundo. Iyong gigising ka at mag-aagahan pagkatapos ay makikipaglaro hanggang sa magsawa.
Nadapa ang bata sa harapan ko kaya agad akong tumayo para matulungan siya. Umiiyak na siya dahil nagasgasan ang tuhod niya kaya binuhat ko at pinaupo sa damuhan.
"Nako..." hinipan ko ang sugat niya para maibsan ang sakit.
Nilapitan kami ng kasama niyang bata. Kumuha ako ng damo at pinangtapal ko sa sugat. Kung may makakita sa akin baka pagalitan ako.
BINABASA MO ANG
Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)
VampireMortal Series 4: Kieran Pilantro Crimson cover not mine.