Pinitas ko ang isang bulaklak sa gilid at inamoy iyon. Pinaikot-ikot ko ito sa aking kamay at ngumiti ako. Panibagong araw. Masyadong sikat ngayon ang hari kaya kailangan kong magdilig.
"Happy birthday, Celestine." masaya kong bati sa aking sarili.
Pumasok ako sa loob ng bahay pagkatapos kong gawin ang pagdidilig sa likod. Sinulyapan ko si Kieran na mahimbing ang tulog sa upuan. Ngumiwi ako. Kapag nalaman ni Mama na isang prinsipe ang pinatulog niya sa upuan sigurado akong magwawala 'yon.
Mabuti na lang at nasa labas na kaming dalawa pag-uwi ni Mama at kuya. Nabigla pa ang kapatid ko nang nakita ulit si Kieran. Pinakiusapan ko naman ang prinsipe na habaan ang pasensya sa kapatid ko. Isa pa, hindi niya na 'yon gagawin ulit.
Lumapit ako sa upuan at bahagyang niyugyog ang balikat ni Kieran. "Kamahalan, gising na."
Wala siyang naging tugon. Hinaplos ko ang kanyang malambot niyang buhok. Napangiti ako.
Bigla siyang dumilat at bago pa makaatras ay nahuli niya na ang palapulsuhan ko. Bumangon siya sa mahabang upuan, hinila ako kaya napaupo ako sa dulo, tsaka siya muling humiga. Natigilan ako ng ilang sandali.
Inangkin niya ang baywang ko habang nakahiga siya sa aking hita. Humarap siya sa gawi ko at marahang hinalikan ang aking tiyan.
"Ginising mo ako." puna niya habang nakapikit.
Napalunok ako at maingat na hinaplos ang buhok niya. Hinigpitan niya ang yakap sa akin pero sapat lang para hindi maipit ang tiyan ko.
"Hindi ka ba nagugutom?"
Bahagya siyang dumilat. Inaantok pa siya kaya mapupungay ang mga mata, "Hmm... hindi."
"B-baka makita tayo ni Mama-"
"Caesar, anak ng saging! Bumangon ka na!" napapitlag ako sa lakas ng boses ni Mama.
Namaywang si Mama at dumaan sa harap namin kaya kitang-kita niya kami ng prinsipe. Ngumiti ako ng hilaw kay Mama. Tumikhim siya at dumiretso sa taas para tawagin si kuya.
"Hindi ka na ba ulit binalikan ng mga walang hiyang 'yon?" tukoy ni Kieran sa mga kaibigan ni kuya.
Umiling ako. "Hindi na. Hindi sila makakaligtas kay Mama."
"Mabuti..." pumikit ulit siya, "Kung inulit nila 'yon, hindi ako mangingiming dukutin ang puso nila at isabit sa bayan."
Bahagya ko siyang sinabunutan kaya dumilat siya at ngumuso.
"Huwag kang ganyan. Sa palasyo ng mga bampira isa kang prinsipe, pero dito sa mundo ko isa kang ordinaryo at naiiba sa amin. Gusto mo bang maging kriminal? Gusto mong tinutugis ng batas?"
"Pakakasalan mo ba ako kahit maging kriminal ako?" marahan niyang tanong.
Umiling ako, "Ayaw ko nga. Mapapagod lang ako sa pagtatago. Damay pa ang anak natin."
"Anak natin." ulit niya, "Sige, hindi na. Dadalhin ko na lang sila sa mundo ko at doon papatayin."
Sinimangutan ko siya. Inabot niya ang kamay ko at hinalikan ng maraming beses. Mautak. Dadalhin niya sa mundo ng mga bampira dahil sa lugar na 'yon isa siyang prinsipe. Sila ang batas.
"Siraulo ka."
Nagpatuloy siya sa paghalik. Sumandal ako at masuyo siyang pinanood. Pumungay ang mga mata niya.
"Puntahan natin si Helios. Nandito sila." anyaya niya.
Hindi namin kinasabay si kuya sa pagkain. Mainit ang dugo ng prinsipe sa kuya ko kahit ilang beses na akong nagsabi na hindi na iyon uulitin pa ni kuya. Palagi ko silang naaabutan na nagsusukatan ng titig.
BINABASA MO ANG
Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)
VampirMortal Series 4: Kieran Pilantro Crimson cover not mine.