Kabanata 8

269 24 0
                                    

Anong nangyari sa kanya? Paanong bigla na lang siyang naging ganito. Mahigit isang linggo ko rin siyang hindi nakita at hindi maganda ang naging paghihiwalay namin kaya nakakapagtaka itong ginagawa niya ngayon.

"Nasa mga bulaklak ka ba kanina?" basag ko sa katahimikan.

Umiling siya habang pinupunasan ang kamay ko, "Nasa palasyo ako."

"Malayo ang palasyo mula rito. Paano mo nalaman na may mangyayaring hindi maganda ngayon?"

Tumigil siya. Inangat niya ako na ikinasinghap ko. Pinulot niya ang tela at lumapit siya sa puno na sinandalan ko kanina. Inilatag niya ang tela at pinaupo ako roon. Inilipat niya ako para makasandal ako sa puno.

"Nakatanggap ako ng ulat mula kay pulila."

Sinong pulila? Tumayo siya at namaywang habang tinitingnan ang paligid. Sinulyapan niya ang direksyon tungo sa bahay pagkatapos ay bumagsak ang tingin sa akin.

"Nasaan ang iyong tagasilbi?"

Lumipat ang tingin ko sa gilid. "Wala siya. Kumuha ng libro sa bahay."

Nangunot ang kanyang noo, "Iniwan ka niya mag-isa sa gitna ng kakahuyan? Alam niyang isa kang mortal at mapanganib sa'yo ang ganitong lugar. Hindi niya ginagawa ng tama ang kanyang tungkulin."

Ngumisi ako. Ang huling sinabi niya ay sinabi ko rin sa kanyang bantay noong huli naming pagkikita. Bumaling siya sa akin at nagtaas ng kilay nang nakita ang reaksyon ko.

Nananadya ba siya?

"Tapat siya sa kanyang tungkulin kaya wala siya ngayon. Inutusan ko siya kaya siya umalis."

Umismid ang prinsipe at yumuko. Bago pa makapagtanong ay inangat niya ako at naglakad siya papalayo. Napatitig ako sa kanya dahil sa ginawa niya. Mabilis siyang naglakad.

"Teka, anong ginagawa mo?" pagtatanong ko.

"Kaysa maghintay na dumating ang iyong tagasilbi, mamasyal na lang tayo." aniya.

Tumigil siya sa mga bulaklak ng dandelion. Ibinaba niya ako malapit sa puno kung saan kami unang nagkita. Maganda ang tanawin pero hindi ko pa rin maiwasang titigan siya.

Hindi hamak na mas maganda pa siya pagmasdan kaysa sa mga puting bulaklak na ito.

"Ganito ba ang pamamasyal para sa'yo?"

Mahina siyang natawa, "Ayaw mo ba sa ganitong lugar?"

"Akala ko ba ayaw mong pumunta ako rito? Pinagalitan mo pa nga ako dahil nakita mo ako noong nakaraan."

Tumingin siya sa akin, "Ang sabi ko lang ay umalis ka, hindi ko sinabing hindi ko gustong pumunta ka rito."

Natuon ang tingin ko sa kanya nang hinarap niya ang araw at hinayaan ang hangin na yakapin ang kanyang katawan. Hindi ko siya maintindihan. Bakit biglang nag-iba?

Binalikan ko sa aking alaala ang nangyari kanina. Muntik na akong makagat ng gutom at pangit na bampira pero bigla siyang dumating na may takot na ekspresyon. Nagalit siya noong nakita niyang nasaktan ako na parang iyon ang ayaw niyang mangyari.

Sinakal niya ang bampira at hindi ito tinigilan hanggang sa namatay. Pagkatapos ay ginamot niya ang sugat ko. Hindi iyon gagawin ng lalaki sa babaeng kakakilala niya lang. Kahit gaano pa ito kabait.

"Ciara." saad ko.

Pansin ko ang pagkakatigil niya. Nag-angat ako ng tingin at naabutan ang titig niya. Nginitian ko siya pero hindi niya iyon sinuklian.

"Nakikita niyo ba siya tuwing tumitingin kayo sa akin?" marahan kong tanong.

Nakatitig lang siya at hindi nagsasalita kaya mas lalo akong ngumiti. Nagbaba ako ng tingin at nagbilang ng tatlong segundo bago nag-angat ng tingin sa kanya na nakatitig pa rin.

Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon