Kabanata 6

268 24 0
                                    

Sumilip ako sa pader at nakita sa tanggapan si Uno, iyong kaibigan niyang si prinsipe Rayim, isang lalaki na tingin ko ay bantay sa palasyo at ang lalaking iyon. Umiinom sila ng dugo habang tahimik na nag-uusap. Ngumisi si Uno at sumimsim sa kanyang kopita. Nagulat ako nang bigla siyang bumaling sa akin kaya mabilis akong umatras at nagtago.

Kung babalik ako sa aking silid, kailangan kong dumaan sa kanila. Makikita na naman ako ng prinsipe. Hindi ko alam kung bakit nagagalit siya kapag nakikita ako. Wala akong ginagawa sa kanya bukod sa pagpunta sa bulaklak.

"Celestine." napapikit ako ng mariin nang narinig si Uno.

Nagpakita ako sa kanila. Sakto naman na nagpakita rin si Yri dala ang iba pang alak at tsaa kaya tinulungan ko siyang ilagay iyon sa maliit na lamesa para may gawin at hindi siya mapansin.

Tumikhim si Uno, "Ipapakita ko ang isang bagay na ibinigay sa akin. Sandali lang."

Tumayo si Uno at umakyat sa taas.

Nanginginig ang kamay ko. Nakikita ko iyon habang nagsasalin ako ng alak sa kopita ng prinsipe. Ramdam ko ang alab ng titig niya kaya mas lalo akong kinakabahan.

Pinaunlakan ko ng isang beses ang sarili ko. Nag-angat ako ng tingin at doon nakitang tama ang pakiramdam ko, nakatitig nga siya. Pairap siyang nag-iwas ng tingin at nilagok ang alak na isinalin ko.

Dahil wala nang alak ay nagsalin ulit ako ng bagong alak para sa kanya bago ko sinalinan ang isa pa niyang kasama. Pinanood ko ang bantay na pinapanood ang prinsipe sa pangalawa nitong alak.

"Hindi mo ginagawa ng tama ang iyong tungkulin. Hindi mo ako kilala. Paano kung may lason ang alak na binigay ko? Espada lang ba ang pang protekta mo sa prinsipe?" pagtatanong ko sa bantay.

Sumunghap ito at akmang magsasalita pero may humila sa kamay ko kaya hindi iyon natuloy. Nanlaki ang mata ko nang nakitang magkalapit kami ng prinsipe. Ang mga mata niya ay galit na naman gaya kanina, pero mas matindi ngayon.

"Paano mo nalaman na isa akong prinsipe?" matigas niyang tanong.

Suminghap ako. Masakit na ang kamay ko dahil sa sobrang higpit ng hawak niya. Nang nagtangkang lumayo ay hinawakan niya ang aking baywang at hinila pa ako palapit sa kanya.

"Sagutin mo ako. Paano mo nalaman na ako ay iyong prinsipe?" ulit niya.

Ang mga mata niya, galit man ay may nakikita akong pag-asa. Hindi ko alam kung sigurado ba ako sa nakikita o guni guni ko lang.

Nagbaba ako ng tingin, "Paumanhin, nakita kita sa pagdiriwang dati, kamahalan."

Mabagal siyang bumuntong hininga. Mabilis niya akong binitawan. Hindi pa ako nakagalaw kaagad sa pagkabigla. Ngumiwi ako at hinaplos ang pulso kong namumula.

"Ayos ka lang, prinsipe?" tanong ng bantay niya na nabigla rin sa nangyari.

Tumikhim si Rayim at walang imik na nagtungo sa taas para sundan si Uno. Lumayo ako sa prinsipe. Muntik nang masamid si Yri pagkakita sa itsura namin kanina. Mabilis siyang umatras at bumalik sa baba.

Binalingan ko ang prinsipe na tulala sa kanyang inumin. Wala na ang pag-asa na nakita ko sa mga mata niya, napalitan na iyon ng pagkabigo.

Mula noong nakita ko siya kanina, palagi na lang siyang galit. Ganoon ba kalala ang pagpunta ko sa pag-aari niyang lugar? Hindi ko naman sinasadya iyon.

Nang bumaba si Uno at Rayim na may dalang maliit na box ay walang imik akong tumayo at lumayo na sa kanila. Tumakbo ako palabas kahit tinatawag ako ni Uno.

Sumandal ako sa pader at pinakiramdaman ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Nararamdaman ko pa rin ang higpit ng hawak niya. Tiningnan ko ang kamay kong unti-unti nang bumabalik sa dating kulay.

Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon