Kinalas ko ang pulseras na suot at maayos na nilagay iyon sa kahon. Hinaplos ko ang magandang kwintas na kasama bago isinara iyon at inilagay sa ilalim ng lamesa sa gilid ng kama ko.
Pinatakan ko ng tatlong langis ang aking palad at kinalat iyon sa buhok ko. Nakailang putol na ako rito pero dahil sa langis ay mabilis itong humaba. Ngayon lagpas dibdib ko na.
Nasa labas ang prinsipe. Ang sabi ni Yri ay naghihintay siya sa akin. Kinabahan ako pero naisip kong wala nga pala ngayon si Uno sa bahay. Umalis ito kaninang madaling araw at hindi ko alam kung saan siya ngayon.
Kung magpapatuloy ang ganito hindi ko na alam kung saan ako lulugar.
Ang aking ina ay nasa probinsya ng Ilocos. Madali lang siyang hanapin dahil malapit lang ang Ilocos sa dati naming bahay ni lola. Pero paano sila Tiya? Naging mabait sila kay Mama at binigyan ito ng lupa at marami pa.
Bumaba ako pagkatapos mag-ayos. Naghihintay ang prinsipe sa terasa ng ikaapat na palapag. Binalingan ko ang nakasarang pintuan pagkatapos ay balik sa kanya.
Nakatanaw siya sa palasyo na ulo lang ang nakikita. Nilapitan ko siya at agad naman siyang napatingin sa akin. Bumaba ang tingin niya sa kabuoan ko at ngumiti. Sinuklian ko siya ng isang tipid na ngiti.
"Ilang araw tayong hindi nagkita. Tititigan mo lang ba ako?" tinagilid niya ang ulo niya.
Lumalad ang ngiti ko at mas lumapit pa sa kanya. Bumakas ang kapilyuhan sa mga mata niya nang nakita akong lumalapit. Niyakap ko siya. Walang pakialam kung may makakita man sa amin sa bahay.
Hindi siya gumalaw noong una ngunit kalaunan ay gumanti siya ng yakap. Pumikit ako nang naramdaman ang marahan niyang halik sa aking buhok.
"Hindi halatang nasasabik kang makita ako." panunuya niya.
"Hindi nga ba?"
Natawa siya ng mahina at hinawakan ang balikat ko. Humiwalay ako sa kanya para makita ang reaksyon niya at tama ako, nakangiti siya
"Gusto mo bang lumabas?" tanong niya.
Ngumiti ako at tumango. Hinawakan niya ang aking kamay at giniya ako pababa. Walang kahit isa sa bahay. Nitong nakaraan, palagi na lang tahimik ang bahay na ito. Mula noong nagkakasagutan silang tatlo. Palaging wala si Uno.
Lumabas si Yri sa kusina pero agad din bumalik nang nakita kami. Naiwan ang tingin ko sa kanya hanggang sa tuluyan na kaming nakalabas ng prinsipe. Sinalubong ako ng masuyong hangin.
Napapikit ako. Parang ilang araw din akong nagkulong sa aking silid at hindi tinanaw ang araw. Ngayon nakikita ko na ito at nararamdaman ang init niya, para akong nakalaya.
"Saan tayo pupunta?" baling ko sa prinsipe.
Tuloy-tuloy ang lakad namin. Tinatapakan ko ang mga tuyong dahon at nilalagpasan ang mga bulaklak na nagkalat. Baka mangolekta ulit kami ni Yri kaya ayaw kong sirain ang mga magagandang bulaklak na ito.
Nasagot ang tanong ko nang tumigil kami sa lugar niya. Ngumiti ako at mas nakaramdam ng kasiyahan. Matagal na rin mula noong huli kong punta rito. Iyon ay noong sinabi niyang huwag na kaming magkita pa.
Mula noon ay lihim kong kinamuhian ang lugar na 'to. Pero ngayon ay narito ulit ako. Hinila niya ako ng marahan patungo sa nag-iisang puno. Hinawakan niya ang aking baywang at bago pa makapagtanong ay tumalon siya habang dala-dala ako.
Nakasandal siya sa sanga at ako naman ay nakasandal sa kanyang katawan. Dahil nasa itaas kami ng puno ay mas natatanaw namin kung gaano kalawak ang buong lugar. Kahit dito sa taas, masasabi kong walang katapusan ang tanim na dandelion.
BINABASA MO ANG
Wishing On Dandelions (Mortal Series #4)
VampireMortal Series 4: Kieran Pilantro Crimson cover not mine.