CHAPTER XXI
Tatlong araw. Tatlong araw ang ginugol naming pagsasanay ni Kuya Gayle sa ilalim ni Anino at ng mga likha niyang robot. Sa loob rin ng tatlong araw na ito eh nasabi na rin sa akin ni Anino ang tunay na kapangyarihan ng pulseras na bakal."Ang layunin nitong pulseras ay para matutunan ng kung sino mang may suot nito ang kontrolin ang kanyang kapangyarihan." Sambit ni Anino sa amin.
Narito kami sa labas. Sa lugar kung saan kami nagsasanay nina kuya. Medyo mataas na rin ang araw, pero hindi naman gano'n ka init. Parang pa-tanghali pa lang gano'n. Malakas din ang ihip ng hangin, hindi kalamigan, pero okay na rin para gawing presko ang paligid.
Kakatapos lang naming mag ensayo nina kuya Gayle, sa pagkakataong ito ay nasa isang dosenang robot na ang natalo namin. Lamang ng tatlong robot kumpara sa kinalaban at tinalo namin kahapon. Tahimik kaming nagpapahinga nina kuya at Anino dito sa puno sa ng mangga.
"Pero —" Simula ko. "Bakit bumibigat?" Tanong ko kay Anino habang abala ito sa paghithit ng pipa. Hindi nito inaalis ang suot na balabal at pantakip sa ibabang bahagi ng kanyang mukha. Mata lang ang nakikita namin ni kuya sa kanya.
Simula't sapol namang nakita namin itong si Anino e, hindi pa namin nakikita ni kuya ang totoong itsura n'ya, kahit si karen — na buong araw ata e balot sa benda ang katawan.
"May labinlimang lebel itong pulseras, hindi ba?" Sagot sa amin ni Anino. "Bawat lebel ay nahahati sa tatlong antas — ang unang antas ay walang ibang ibibigay kung hindi bigat, layunin nito na palakasakin ang katawan ng kung sino mang may suot nito." Dagdag niya.
Marahang humithit mula sa kanyang pipa si Anino at malayang pinakawalan ang usok palabas sa telang nakatakip sa kanyang mukha. Hindi naman kami sumagot ni kuya at tila ba naghihintay sa susunod nitong mga sasabihin.
"Sa bawat antas ay bibigat muli ito." Simula muli ni Anino. "Subalit kaibahan sa unang antas na walang nagagawa kung hindi ang bumigat, ang susunod na dalawang antas ay may kakayahang gumaan... Depende kung sa gaano kalakas o kahinang enerhiya ang kayang kontrolin ng may suot nito."
Marahang kumunot ang noo ko, ibinaling ko ang tingin kay kuya habang naka taas ang kanang kilay at marahang ibinalik kay Anino ang aking paningin.
"H—ha?" Sambit ko.
Hindi sumagot si Anino, bagkus ay bumuntong hininga lamang ito at napa-iling. "Kung gusto mong gumaan ang suot mong iyan, ay kakailanganin mong kontrolin ang enerhiya sa iyong katawan, pupunuan mo ito ng enerhiya, subalit kailangan mo itong kontrolin." Nilingon n'ya kami ni kuya. "Dahil kung mapapasobra ang enerhiyang iipunin mo'y s'ya namang mabilis na pagka-pagod mo."
"Ahhh..." Simula ni kuya. "Parang nakukuha ko na ang ibig n'yong sabihin. Bale, parang — kung gusto ni Kelvin na wag mabigatan, kailangan n'yang lagyan ng enerhiya yung pulseras, pero kailangan e katamtaman lang—" Nahinto s'ya sa pagsasalita.
"Hanggang sa kaya na n'yang kontrolin ang kapangyarihan n'ya." Sabat ni Anino "Ang bawat lebel — bawat antas nitong pulseras ay nangangailangan ng ibayong lakas para gumaan. Hindi ito kasangkapan para mas mapalakas ka..." Nilingon ako ni Anino.
"Kasangkapan ito para matutunan mong kontrolin ang kapangyarihan mo." Saad niya.
"Pero —" Naudlot kong saad.
"Hindi mo pa kayang kontrolin ang kapangyarihan mo, bata." Simula ni Anino. "Kung matututunan mong kontrolin ang iyong kapangyarihan, hanggang sa ika-labinlimang lebel, maaari mo ng hubarin yan."Sambit n'ya.
"Ba't di n'yo na lang ako turuan?" Sagot ko. "Parang 'yung ginagawa mo kay kuya." Dagdag ko.
"Dahil iba ang kapangyarihan mo kumpara kay Gayle." Sagot ni Anino. "Ang kapangyarihan ng kuya mo'y kapangyarihan ng kalisakan, mga bagay na kaya mong makita at hawakan. Ang kapangyarihan mo'y nagmumula mismo sa loob ng katawan mo." Dagdag niya.
BINABASA MO ANG
Arentis 3 | Propesiya | Ongoing
AcciónKumalat na ang balita patungkol sa muling pagkabuhay ng halimaw na dati ng naminsala at muntikan ng umubos sa mga nilalang na naninirahan sa kaharian ng Arentis--si Minukawa. At dahil sa balitang ito'y muling umusbong ang usap-usapan sa propesiyang...