IV - Pagdududa

1.5K 84 3
                                    


CHAPTER - IV


"Hindi ka pa rin ba babangon diyan?"

Naalimpungatan na lang ako ng marinig ko ang boses ni Je'il, dahan-dahan kong binuksan ang aking mga mata para lang masilaw sa sinag ng araw na animo'y isa rin sa mga gustong gumising sa akin.

"Anong oras na?" Tanong ko habang tinatakpan ang mga mata ko mula sa nakakasilaw na sinag ng araw.

"Oras na para bumangon ka." Hagikgik ni Je'il na bigla naman akong hinawakan sa braso at dali-daling itinayo. Nawalan pa nga ako ng balanse eh—sira talaga 'tong si Je'il.

Inaantok pa ako, wala pa ako sa hulas. Bakit ba parang nagmamadali 'tong unggoy na 'to na gisingin ako?

"Anong meron?" Papungas-pungas kong tanong habang naghihikab at nagkukusot ng muta sa mata.

"Magsasanay kayong tatlong magpipinsan—"

"Ha?"

"Oh, ba't parang gulat na gulat ka? Miyembro ka pa rin ng Uruha—obligasyon mo ang magsanay sa araw-araw." Humagikgik na sagot ni Je'il.

Napabuntong hininga ako sa sinabing iyon ni Je'il. Oo nga pala—miyembro pa rin ako ng Uruha at kaka-taas palang ng posisyon ko bilang mandirigma mula sa napakawalang kwentang posisyon ko bilang isang utusan. Napailing na lang ako at saka dali-daling sinundan si Je'il na humayo naman patungo sa kakahuyan at batis na nasa likod nitong nayon ng Talimaon.

"Nasaan nga pala ang Pinuno at si Reyna Acacia?" Tanong ko kay Je'il.

"Kasalukuyan silang nagpupulong. Si Geret nama'y kasama ang pinsan mong si Gayle at Paolo sa labas nitong nayon. Ang pagkakadinig ko'y susubukan daw nilang ibalik ang mahikang siyang dahilan upang ikubli ang nayong ito mula sa mga masasamang loob." Sagot ni Je'il.

Muli ko na namang naalala ang engkantasyong ginawa ni Tatang at Batluni noong unang beses akong makarating rito sa nayon ng mga Talimao.

"Bakit? Nawala ba ang mahika nitong Talimaon?" Tanong ko.

Tumango naman si Je'il. "Sa kasamaang palad, oo. Dahil ang taong lumikha sa nayong ito'y pumanaw na, kasama na rin nitong nawala ang mahikang bumabalot sa buong Talimaon. Kailangan muling ibalik ang mahikang iyon—ayon na rin sa utos ni Jotaro." Sagot ni Je'il.

"At kaya iyong ibalik ni Kuya?" Tanong ko.

"Hindi pa kami sigurado. Pero, Baylan naman ng apat na elemento ang pinsan mo. Malamang sa malamang magagawa naman niyang ibalik ang mahika nitong nayon—sana." Saad ni Je'il.

Hindi na ako sumagot. Nagpatuloy na lang kami sa paglalakad patungo sa batis, at doo'y nakita naman namin si Owen na tahimik na nakaupo sa ibabaw ng isang napakalaking bato na tila ba naghihintay. Dali-dali siyang tumayo ng makita kaming papalapit.

"Napakatagal n'yo." Sambit ni Owen. "Ganito ba ang itinuturo sa inyo ng—"

"Mamaya na ang sermon—" Sabat ni Je'il na may tonong pang-uuyam. "Umpisahan na ang dapat umpisahan." Dagdag niya.

Bumuntong hininga si Owen at napangisi. "Bueno..."

Dahan-dahang huminga ng malalim ang Karao na si Owen at mula sa kinatatayuan namin ni Je'il ay ramdam na ramdam ko na ang mabilis na pagbabago ng paligid. Mabilis na nagbago ang ihip ng hangin, mula sa malumanay hanggang sa unti-unti itong lumalakas, nagsisimula na ring yumanig ng bahagya ang lupa na sinundan ng pag-angat ng maliliit na butil ng batong nakakalat sa paligid.

Arentis 3 | Propesiya | OngoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon