III - Si Owen

1.4K 80 12
                                    

CHAPTER - III


"Mooo!" Sigaw ng mga Saranggay habang isa-isa na silang nagsitakbuhan patungo sa direksyon namin, hawak-hawak ang mga naglalakihan nilang mga palakol na marahan naman nilang iniamba habang papalapit sila sa amin.

Nilingon ko ng bahagya si Jotaro; sa unang tingin ay mukhang kalmado pa naman ito-pero kapansin-pansin ang pagiging balisa ng kanyang mga mata habang papalapit ang mga Saranggay. Humigpit rin ang pagkaka-karga niya sa kanyang anak na si Batluni, na halata namang inis na inis sa sarili dahil wala itong magawa upang makatulong.

Taragis-kung kailan naman akala ko eh, ayos na ang lahat. Tsaka pa nagsilabasan 'tong mga 'to.

Muli kong ibinaling ang aking paningin sa mga tumpok ng mga Saranggay na papalapit sa amin. Matatalim ang mga mata't nag-sisiusukan ang mga naglalakihang ilong habang nagmamadali silang kumakaripas patungo sa amin.

Hinawakan ko ng mabuti ang espada kong kahoy, humanda ako para sa isang pag-atake. Tumetyempo lang talaga ako-dapat kalkulado lahat ng mga galaw, lalo pa't mukhang kulang kami kumpara sa dami nitong mga dambuhalang mga halimaw.

Anak ng tinapay naman oh-bahala na.

Marahan kong inipon ang kaunting pwersa sa aking mga binti, upang magsagawa ng isang pagtalon. Sa itaas ako aatake-baka sakaling mapahinto ko sila kung sakaling makita nila akong tumalon. Tama-baka ganoon nga.

Sana effective.

Sana...

"Bahala na-" Bulong ko sa sarili.

Susubukan ko na sanang umatake. Uunahan ko na dapat ang mga Saranggay bago pa man sila makalapit, kaya lang-sa hindi namin maisplikang rason, bigla na lang may kung anong tunog ang umalingawngaw sa paligid, na siya namang nagpahinto sa mga Saranggay. Isa-isa silang tumigil at tila ba nagpalinga-linga. Parang gulat na gulat sila sa biglaang pag-alingawngaw ng tunog na iyon.

Parang sipol eh. Isang mahaba at matinis na sipol.

Kami rin eh. Nagulat. Saan nanggaling 'yon? Tsaka... Kanino nanggaling 'yon.

"Hmm... Hindi ko inaakalang bumalik na pala siya ng Elmintir..." Dinig kong bulong ni Jotaro.

Nilingon ko s'ya at nagtanong.

"S-sino po?" Nauutal kong tanong.

Subalit hindi naman kaagad na sumagot si Jotaro, na sa halip ay ngumisi lamang at itinuro ang isang malaking puno ng Banyan na nakatayo naman sa pagitan ng mga nagkakapalang mga damo rito sa masukal na kakahuyan, may ilang dipa lamang mula sa aming kinatatayuan.

"Si Owen." Pabulong na sagot ni Jotaro.

Mula sa likod ng Banyan na itinuturo ni Jotaro ay dahan-dahang nagpakita sa amin ang isang nilalang na parang kanina pa roon nagtatago. Nanalaki ang mga mata ko ng makita ang nilalang na iyon; sa postura at itsura ay hindi maipagkakaila ang pagkakapareho ng mga katawan namin, payat subalit kapansin-pansin ang matitigas at buong mga kalamnan, madungis ang kayumanggi nitong balat na balot naman sa dumi nitong kakahuyan. Naalala ko tuloy 'yung pakiramdam ko noong una kong nakita si Batluni, noong mahulog ako sa talon ng Maranawi; ang pinagkaiba lang, halatang-halata kay Batluni na may pagka-sa-pusa 'yung mukha niya dahil na rin sa balahibo nito sa mukha at sa buntot nitong madalas niyang iwinawagayway ng marahan.

Kakaiba itong nilalang na ito na mula sa pagtatago sa likod ng puno ng Banyan ay ngayo'y nakatayo ng tuwid at nakatingin sa aming direksyon. Nakangisi ito-nakangisi sa amin. Mahaba ang buhaghag nitong buhok, bilugan at lubog ang mga mata at kapansin-pansin ang mga buto nito sa pisngi.

Arentis 3 | Propesiya | OngoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon