[PROLOGUE]
May mga bagay na kahit gaano mo man gusto na itanggi, ay nananatili pa rin at kailangan mong tanggapin. Mga bagay na hindi mo na kayang pang ibalik, mga bagay o pangyayari na kahit gaano mo gustong kalimutan ay patuloy pa ring nagbibigay ng kirot at sakit sa tuwing ito'y sasagi sa iyong alaala...
Unang araw ito ngayon, matapos ang pagkawala ng aming gurong si Tatang Lucas. Ang Baylan ng lupang siyang nagturo sa amin—sa akin ng aming tungkulin sa iang mundong ni sa hinagap ay hindi ko inakalang mayroon: ang mundo ng Arentis. Namatay siya matapos siyang sambitin sa amin ang mga bagay bagay na matagal na gumagambala sa kanyang kaisipan, na para bang isang palaisipan at unti-unting nagkakaroon ng liwanag habang lumilipas ang panahon: ang totoong pakay ni Nathaniel—ni Bakunawa, patungkol sa ginawa niyang pagsagip sa amin mula sa tiyak na kamatayan sa kamay ng halimaw na si Minukawa, na nagkataon naman palang si Marie—ang kaibigan naming, inakala naming ang Orakulo.
Kung hindi dahil sa kapangyarihan ng Lirok ay hindi malalaman ni Tatang ang mga sagot sa mga tanong na matagal na gumagambala sa kanya; akalain mo 'yon: sa tagal na nang pamamalagi namin dito sa Arentis, at sa lahat na ng mga kwentong kumalat tungkol sa kasamaan ni Bakunawa eh, naniniwala pa rin si Tatang na malinis at dalisay pa rin ang mga intensyon ni Nathaniel. Na kung susumahin eh totoo naman...
"...Ginawa lahat iyon ni Nathaniel, upang iligtas kayo mula sa kamay ng halimaw na si Minukawa..."
Hindi ko makakalimutan ang mga sinabing iyon ni Tatang, ang mga huling salitang narinig kong kumawala sa kanyang naghihinalong tinig, bago pa s'ya tuluyang mawalang ng buhay. Lahat kami ay nagulat sa rebelasyong ito ni Tatang... Wala kaming ibang nagawa kung hindi ang manlaki ang mga mata at magtinginan habang patuloy na tumatakbo sa aming isipan ang katanungang, alam ko namang katulad ko'y tinatanong rin ng lahat:
Nagkamali kami. At ngayon, ang kaisa-isang mandirigmang minsan ng tumapos sa buhay ng halimaw, at sana'y magiging kasapi namin sa aming misyon dito sa Arentis, ay tuluyan na ring pumanaw...
Wala na si Bakunawa. Wala na si Nathaniel...
Ang natatandaan ko, bago pa man lumubog ang isla ng Batonakwan at bago ko pa makausap ang espiritung nabubuhay sa espadang kahoy ng mga Dalaketnon, na hawak ko'y—wala s'yang buhay...
Naiwan kami sa isang sitwasyon kung saan wala kaming ibang aasahan kung hindi ang sarili naming mga lakas at kakayahan, laban sa halimaw na mas lalo pang lumakas—ngayon pa't muli itong nabuhay sa katauhan ng isang nilalang na taglay ang lakas at talino ngm ga diyos...
Ang Binukot.
Si Marie ang Binukot.
At si Marie ang halimaw na si Minukawa...
***
"Mukhang nabuksan mo na ang tunay na kapangyarihan ng espada, bata?"
Kasalukuyan kaming nasa kubyerta nitong barkong panghimpapawid ng mag-amang sina Mang erting at Lerting; nang bigla akong lapitan ni Jotaro, habang mataman kong kinukuskos ng tuyong basahan ang espada kong kahoy na ngayo'y iba na ang itsura: kulay itim na ito at mukhang katana.
"H-hindi ko po alam ang nangyari—basta nakita ko na lang 'yun—"
"'Yung babae? Alam ko." Gitna naman ng pinuno kong si Jotaro. "Minsan ko nang nakausap ang babaeng nagmamay-ari ng espadang iyan, at hindi ko nagustuhan ang mga sumonod na pangyayari—"
Kumunot ang noo ko.
"Digmaan noon sa pagitan ng Riasotera at Arentis, at kasalukuyan akong napapaligiran ng daan-daang mga mandirigmang engkantado. Nasa kamay ko noon ang espadang iyan at iyan lamang ang siyang ginagamit kong sandata sa pakikipaglaban. Nakita ko s'ya—tinanong niya ako kung gusto ko bang gamitin ang kapangyarihan ng espada... Humindi ako. Subalit magkaganoon ma'y mas pinakinggan ng misteryosong babae ang hinaing ng aking damdamin—alam niyang noong mga panahong iyon ay ninanais ko pang mabuhay..." Saad ni Jotaro...
"Ano pong nangyari?" Tanong ko naman.
Ngumisi naman si Jotaro at nagwika:
"Nabuksan ang kapangyarihan ng Orka sa aking katawan, isang kapangyarihang maituturing kong isang malupit na sumpa—tatlong daang engkantado ang walang habas at walang kamalay-malay kong napaslang sa loob lamang ng tatlong minuto—" Sambit ng pinuno.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabing iyon ni Jotaro.
"Walang kapangyarihan ang espadang iyan na kumitil—alam ko, dahil minsan ko nang nahawakan ang espadang iyan. Subalit mas pinakikinggan niyan ang taimtim na ninanais ng ating kalooban—ng nasa puso ng sino mang may hawak ng espadang iyan. Marahil ay nakita ng misteryosong babae na wala sa kalooban mo ang kumitil—at hawak mo ang pamosong baluti ng mga sinaunang engkantado, kung kaya't nagawa mong buksan at buhayin ang natural na itsura ng espada..." Sagot niya.
Nanatili akong tahimik... Dahan-dahan kong ibinaling ang aking paningin sa baluting nakasuot sa kaliwa kong braso.
"Ito?" Tanong ko.
Tumango naman ang pinuno.
"May naalala akong isang kwento tungkol sa espadang kahoy ng mga Dalaketnon, at sa relasyon nito sa baluting hawak mo. Ang dalawang iyan ay binuo na parang susi at kandado—hindi mo magagawang gamitin ng husto ang kapangyarihan ng espadang iyan ng wala ang tulong ng baluting nakuha mo mula sa mga Alan..." Dagdag na sagot ng pinuno...
Nanatili akong tahimik...
"At mukhang hindi magiging maganda ang mga mangyayari sa mga hinaharap, dahil na rin sa muling pagkabuhay ng espadang hawak mo..."
Napalunok ako...
"Ha?" Bulalas ko.
"Ang sabi sa alamat," Simula ni Jotaro. "Kapag tuluyan ng mabuksan ang kapangyarihan g espada'y, nagpapatunay lamang na isang malaking delubyo ang magaganap—walang nakakasabi kung saan o kailan—subalit isa itong katibayan..." Saad niya.
Marahang naupo si Jotaro sa aking harapan, at malumanay akong binulungan...
"Kung ako sa'yo'y mas magiging handa at alerto ako—mukhang mabigat ang responsibilidad na ipinataw sa 'yo ng espada..." Saad niya...
Naipit 'yung paglunok ko...
***
BINABASA MO ANG
Arentis 3 | Propesiya | Ongoing
ActionKumalat na ang balita patungkol sa muling pagkabuhay ng halimaw na dati ng naminsala at muntikan ng umubos sa mga nilalang na naninirahan sa kaharian ng Arentis--si Minukawa. At dahil sa balitang ito'y muling umusbong ang usap-usapan sa propesiyang...