CHAPTER XI
Nang mga oras na 'yon ay nanatiling tahimik ang masukal na kagubatang kinaroroonan naming nina Anino at Batluni. Hindi ako makapagsalita, para bang inaabangan ko ang mga susunod na impormasyong maririnig ko mula kay Anino.
"M-may mga taga-lupa rito sa Arentis, bukod sa'min ng mga pinsan ko?" Tanong ko sa kanila. Nilingon ako ni Batluni, bahagya s'yang napapikit at marahang tumango.
"At mga bata rin silang tulad n'yo." Sabat naman ni Anino.
Hindi ko na nagawa pang makasagot, bagkus ay nanlaki na lamang ng husto ang aking mga mata sa gulat. May mga batang-taga lupa rin rito sa Arentis bukod sa'min nina kuya Gayle at Paolo? Bakit? Ito naba ang ibig sabihin sa amin ni Reyna Accacia noong nakaraan? Ito na nga ba 'yon? Dito naba magsisimulang masagot ang mga katanungan ko?
Na baka hindi nga kami ang itinakda...
Na baka nagkamali lang sina Tatang at Reyna Accacia sa pagpili sa amin...
Na baka...
"—mayroong tig-iisang batang taga-lupa ang kaharian ng Riasotera, Tamor at Eringkil." Simula ni Anino kay Batluni, "At base sa mga nahagilap kong mga impormasyon ay bihasa rin sila sa pag-gamit ng kanilang mga kapangyarihan." Dagdag niya.
"Ganoon ba?" Sagot naman ni Batluni. "At anu-ano naman ang mga kapangyarihan ng mga batang ito?" Tanong niya.
Sandaling natahimik si Anino, huminga ito ng malalim at bahagyang iwinagayway ang mga palad. "Ang isa ay bihasa sa itim na mahika, may kapangyarihan syang higupin ang lakas ng kanyang mga kalaban at gamitin ito upang mas mapalakas ang kanyang kapangyarihan." Simula niya.
Hindi naman kami sumagot ni Batluni. Nagpatuloy sa pagsasalita si Anino.
"Ang isa nama'y may kakayahang palakihin at palakasin ang buong katawan ng higit pa sa sampung beses, napag-alaman kong ang isang suntok mula sa taga-lupang ito'y kayang patumbahin ang isang ungo o ang mabalasik na kapre." Dagdag ni Anino. Kapansin-pansin naman ang taimtim na pakikinig ni Batluni. Hindi pa rin ako nagsalita at nagpatuloy sa pakikinig.
"At ang panghuli?" Saad ni Batluni.
"Ang panghuling bata nama'y protektado ng isang Anito." Mariing sagot ni Anino.
"Anito?" Dinig kong sambit ni Batluni. Marahan naming tumango si Anino.
"Anito ng apoy." Sagot niya. "Sa kanilang tatlo, sigurado naman akong alam mong siya ang may pinaka-malakas at mapanganib na kapangyarihan." Dagdag ni Anino.
"...Maaari." Sagot ni Batluni. "Kung sa maling paraan siya minulat ng kahariang kumupkop sa kanya." Dagdag niya.
Nagtitigan sina Anino at Batluni. Nanatili akong tahimik.
"Alam nating magkalaban ang Riasotera at ang kaharian ni Reyna Accacia—" Simula ni Batluni. "At kung nasa kanila ang batang may kapangyarihan ng Anito, isa itong nakakatakot na pangitain." Sambit niya.
"Teka—" Sabat ko. "Ano bang meron? Bakit masamang pangitain?" Tanong ko.
Nilapitan ako ni Anino at pabulong na nagsalita. "Mapanganib ang mga taong biniyayaan ng proteksyon ng mga Anino, bata." Sambit niya. "Ang mga Anito ay protektor ng kagubatan, mga espiritung may kakayahang gamitin ang kapangyarihan ng apoy, hangin, lupa at tubig." Sagot niya sa akin.
"Ah!" Bulalas ko. "Parang kay kuya Gayle—"
"Subalit mas malakas pa rin sila sa mga Baylan." Sagot naman ni Batluni. "Mga anito ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga Baylan, kakarampot na kapangyarihan lamang ang ibinibigay ng mga Anito sa mga Baylan at lumalakas lamang ito kung paghuhusayan ng Baylan ang pagkontrol sa kapangyarihang ibinigay sa kanya ng mga Anito."
BINABASA MO ANG
Arentis 3 | Propesiya | Ongoing
AcciónKumalat na ang balita patungkol sa muling pagkabuhay ng halimaw na dati ng naminsala at muntikan ng umubos sa mga nilalang na naninirahan sa kaharian ng Arentis--si Minukawa. At dahil sa balitang ito'y muling umusbong ang usap-usapan sa propesiyang...