I - Kalapati

2K 90 13
                                    

CHAPTER - I 


Tuluyan na ngang naging abo ang walang buhay na katawan ni Tatang Lucas, at dahan-dahang nilipad at isinayaw ng malambing na ihip ng hanging sinasabayan pa ng makukulay na talulot ng iba't ibang uri ng bulaklak.

Ang galing, hanggang sa kamatayan eh hindi pa rin nabigo si Tatang na ipakita ang kanyang kapangyarihan bilang Baylan ng lupa, mga halaman, puno—ng kalikasan...

Sinubukan kong itago ang lungkot na nararamdaman—pero mahirap. Sa huli, napansin ko na lang na humihikbi na pala ako, kasabay ang mga pinsan kong tila ba hindi rin napigilan ang lungkot ng pagkawala ng aming guro—ang matandang lalaking hindi naman namin kaano-ano, pero nagmistulang ikalawa na rin naming ama, habang narito kami sa Arentis...

Takipsilim noon. Malamlam ang pulang liwanag na namamayani sa kalangitan at unti-unti na rin ang pagdilim ng paligid, parang nakikisabay ang panahon sa lungkot namin—sa lungkot naming lahat. Isang malaking dagok sa amin ang pagkawala ni Tatang, para kaming pilay na nawalan ng saklay at mukhang mahihirapan kami sa pagtayo.

Malaking kawalan para sa amin si Tatang...

"Siguradong, makakaltukan lang kayo ni Lucas kapag nakita niya kayong humihikbi—" Bulong ni Jotaro sa amin habang dahan-dahan itong naglalakad papalapit. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata at halatang nagpipigil lang ito ng lungkot. "Hindi naman s'ya nawala. Siguradong narito pa rin siya at kasama natin... Walang dapat ikalungkot..." Dagdag niya.

Isa-isa naming pinunasan ang mga luhang nagsisimula ng matuyo sa aming pisngi. Umayos kami ng tindig at muling pinagmasdan ang mamula-mulang kalangitan.

Tama, hindi naman tuluyang nawala si Tatang. Narito pa rin siya...

Sa puso naminng lahat...

***

"Sigurado ka ba sa mga ibon na 'to?" Bulalas ni Jotaro habang hinihimas himas ang isang itim na kalapati na kanyang hawak-hawak.

"Sigurado. Maamo 'yan." Sagot naman ni Je'il, na nang mga panahong iyon ay balot na balot sa benda ang ilang parte ng katawan; dahil na rin sa tinamo nitong pinsalan mula sa labanan namin nina Nakuayen sa Batonakwan.

Ngumisi na lamang si Jotaro at tuluyan na ngang pinakawalan ang nasabing kalapati. Malaya nitong ipinagaspas ang kanyang mga bagwis habang tinutungo nito ang malawak at mayamang kakahuyan sa ibaba.

Umaga noon, at naglalakad ako paakyat ng kubyerta habang hawak-hawak ang isang tasa ng mainit na tsokolate at isang pirang tamales (na niluto ni Lerting). Naupo ako sa maliit na lamesang naroon—kung hindi ko pa ginawa 'yon, hindi siguro mapapansin nina Jotaro at Je'il na nasa kubyerta na rin ako.

"Magandang umaga." Humihikab kong bati sa kanila.

"Magandang umaga rin, bata." Bati naman ni Jotaro.

Ngumiti na lamang ako at nagpatuloy sa pagkain. Ang totoo n'yan, nananakit pa rin talaga 'yung katawan ko kaya medyo matamlay pa rin ako't tila ba laging antukin. Sigurado pagkatapos nitong almusal ko, wala akong gagawin maghapon kung hindi ang matulog.

Wala rin naman kasing gagawin e. Una, narito kami sa barkong panghimpapawid. Pangalawa, kung sisimulan na namin ang paghahanap kay Kheena at kay Mar—Minukawa; mahihirapan kami kasi wala pa kaming clue kung saan ba sila makikita.

Pangatlo: Wala pa kaming ginagawang pagpupulong kung ano ba ang mga susunod naming hakbang. Wala. Simula kagabi—wala kaming ibang pinag-usapan kung hindi si Tatang, magdamagan 'yon—hanggang sa makatulog na lang kami sa antok.

Arentis 3 | Propesiya | OngoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon