XV - Sarimanok

838 58 21
                                    

CHAPTER XV


Ang sabi sa amin ni reyna Accacia, aabutin kami nang halos dalawang araw bago kami makarating sa kaharian ng Tamor, mabuti na lang talaga at hindi ako masyadong nahihilo sa paglalayag; kung hindi: siguradong wala na akong ginawa kung hindi ang humiga.

"Mukhang maganda na ang sikat ng araw ngayon ah?" Dinig kong sabi ni Jotaro kay Je'il habang nakatingala ito at pinagmamasdan ang noo'y papasikat pa lamang na araw.

"Sa wakas naman at wala ng ulan." Sagot naman ni Je'il na bahagya namang huminga nang malalim at nag-unat.

Malakas ang ulan kaninang madaling araw, samahan mo pa ng malakas na pagaspas ng hangin na talaga namang nagpakaba sa akin. Napakaliit nitong Milan kung ikukumpara mo sa lawak nitong dagat, pakiramdam ko kagabi eh tutumba 'tong Milan at lulubog; pero sinabi naman sa akin ni Jotaro na walang dapat ipangamba dahil may mahika itong Milan, at walang bagyo o sakuna ang may kayang gibain ito.

Pinatunayan naman ito ni reyna Accacia, kaya nakatulog rin ako ng maayos kagabi. Grabe 'yung nerbyos ko eh, hindi ko na alam kung anong oras ako natulog kanina. Mabuti na lang talaga at hindi ako nakakaramdam ng puyat.

Nitong araw na din na 'to sinimulan ni Je'il ang pag-uutos niya sa amin nina kuya Gayle at Paolo, sila bilang mga bagong miyembro—habang ako naman eh para sumunod lang sa bagong pinuno. Hindi naman ako umaangal, medyo sira lang talaga 'tong tuktok ng unggoy na 'to na kung minsan eh alam kong namimikon lang.

"Bata—" Dinig kong tawag sa akin ni Je'il. Nilingon ko s'ya.

"O?" Ingit ko.

"Nakalimutan mong linisin 'yung bubong." Sabi niya sa akin. Bahagyang kumunot ang noo ko.

"Lilinisin din ba pati 'yung bubong?" Taas-kilay kong sagot sa noo'y naka-duyan na si Je'il. Tumango naman s'ya at nagpatuloy sa pagmumuni-muni habang nakatingala sa maaliwalas na kalangitan.

Napakamot na lang ako't walang ibang nagawa kung hindi ang sumunod. Dala-dala ang walis tingting at pandakot ay dali-dali kong inakyat ang bubong nitong Milan at sinimulan na ang paglilinis, kahit pa wala naman talaga akong makitang dumi.

"Ano naman kayang lilinisin ko dito?" Bulong ko sa sarili habang pinagmamasdan ang mamasa-masa ngunit malinis na bubong nitong Milan. Matagal-tagal din akong naroon sa bubong, hanggang sa lumabas ng balkunahe sina kuya Gayle at Paolo.

"Anong ginagawa mo d'yan?" Tanong sakin ni Paolo.

"Naglilinis." Matipid kong sagot.

"Bakit?" Sabay na tanong ng mga pinsan ko.

"Ah, ewan ko d'yan sa pinsan n'yo—" Mabilis namang tugon ni Je'il. "Sinabi ko naman sa kanyang 'wag ng maglinis—mapilit talaga—ARAY!" Natigilan s'ya sa pagsasalita nang tamaan ng pandakot ang ulo n'ya. Mabilis na kinamot ni Je'il ang mabalbon n'yang bumbunan at natawa.

"Uto-uto ka talaga—" Natatawang sambit sa akin ni Je'il habang patuloy ang pagkamot nito sa kanyang bumbunan.

"Anak ng talaba ka naman Je'il oh—" Naiinis kong sagot sa kanya habang pababa ako ng bubong. "Kaya pala takang-taka ako kung anong lilinisin ko dito, eh 'di ba nga may kakayahan 'tong Milan na linisin ang sarili?"

"HAHA—" Halakhak ni Je'il. "Tinitignan ko lang kung—ARAY!—pangalawa na 'yan ah!"

Kinaltukan ko naman sa likod ng ulo si Je'il na lalo namang napabilis ang pagkamot sa kanyang ulo. Nagtawanan sina kuya Gayle at Paolo, susubukan ko pa sanang kaltukan si Je'il, pero bigla namang lumabas si Jotaro. Medyo seryoso ang mukha nito at para bang may mahalagang sasabihin.

Arentis 3 | Propesiya | OngoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon