Agad nakita ni Aurus ang dahan-dahang paglapit ng limang lalaki sa kubo. Mabilis niyang sinugod ang dalawang lalaki sa hulihan. Malakas siyang bumwelo pagtalon upang makarating agad sa pwesto ng dalawa. Magkasabay niyang sinipa ang mga ito na nakakuha sa pansin ng tatlo sa unahan. Nakatayo siyang bumagsak sa lupa pero agad sumalubong sa kanya ang espada ng kalaban. Mabilis siyang yumuko upang iwasan 'yon. Gumanti siya ng pag-atake sa pamamagitan ng pagdakot sa leeg nito. Malakas niya itong ibinagsak sa lupa. Sinundan pa niya iyon ng malakas na suntok sa dibdib bago lapitan ang dalawa pa.
"Lapastangan! Wala kang karapatan para kalabanin ang aming grupo! Baka hindi mo kami ki-" naputol ang sasabihin nito ng mabilis niyang dinampot ang espada at binato rito. Tumusok iyon sa dibdib ng lalaki.
"Masyado kang maingay." Malamig niyang sabi. Balewala niyang hinugot ang espada rito at hinarap ang natitirang kalaban.
Hindi ito natinag sapagkat tila humahanga pa itong nakatingin habang nakangisi sa kanya.
"Kakaiba ang paraan mo sa pakikipaglaban at humahanga ako sa iyong bilis at galing. Gusto mo bang umanib sa amin?" Alok nito sa kanya.
"Anong kailangan nyo sa kubong 'yan?" Tanong niya rito. Hindi siya interesado sa inaalok nito kaya wala siyang obligasyon na sagutin ito.
Hinaplos nito ang malagong balbas. Pagkatapos ay hinaplos rin nito ang malago at kulot na buhok.
"Kapag sinagot ko 'yan, papayag ka bang maging miyembro ng Lunos? Kilala ang aming grupo sa ikalimang dibisyon dahil sa malalakas naming pasabog. Papayag ka na ba?" Nakangisi nitong tanong habang nakahawak sa buhok.
"Hindi ako interesado sa sinasabi mo. Sagutin mo ang tanong ko." Utos niya rito.
"Kung iyon ang gusto mo, masusunod." Kalmado nitong sabi.
Hindi nakaligtas sa matalas na paningin ni Aurus ang pagbunot nito ng isang karayom mula sa buhok. Lihim siyang ngumisi ng malaman ang plano nito.
"Iyon ay kung makakaalis ka ng buhay di-"
Sumilay ang nakakakilabot na ngisi sa labi ni Aurus habang nakatingin sa namimilog nitong mata. Nanghihina nitong sinundan ng tingin ang hawak niyang espada na ngayon ay nakatusok sa katawan nito. Nabitawan nito ang karayom at napaluhod.
"S-sino ka?" Hindi maiwasan ng lalaki na kilabutan sa nakikita nitong itsura ni Aurus ngayon. Wala pa itong nakalaban kagaya ng bilis na ipinakita ng lalaki sa kanyang harapan.
Hindi nag-abalang sumagot si Aurus. Iniwan niya ang lalaki at dumiretso sa kubo. Akala niya payapa na ang paligid, ngunit umuulang palaso ang patungo sa direksyon niya.
"Holysh't!" Sambit niya at mabilis pumasok sa loob bago tumusok ang mga pana sa dingding ng kubo. "D'mn!" Bulalas niya ng lumampas ang palaso sa dingding. Muntik na siyang masugatan kung hindi siya naging alerto.
Agad naman niyang pinuntahan si Gaia sa kwarto. Mahimbing pa rin ang tulog nito tulad ng kanyang inaasahan.
"Sunugin nyo ang kubong iyan! Malakas ang kutob kong may nagtatagong malakas na nilalang diyan bukod sa lalaking pumasok!" Narinig ni Aurus ang sigaw na iyon mula sa labas ng kubo.
Nagmadali niyang ibinalot sa kumot si Gaia. Luma na ang kubo at alam niyang mabilis itong gagapangan ng apoy. Sinira niya ang dingding sa likuran para maging daan nila palabas.
Naamoy niya ang usok at nagsisimula na ring magliyab ang ilang parte ng kubo. Mabilis niyang binuhat si Gaia.
"We need to escape now," sambit niya at nagsimulang tumakbo palabas.
BINABASA MO ANG
Kingdom Warrior Series 1: Mark of the QUEEN
ActionFighting is required. Killing is a choice. How will you face a situation where killing is required? Simula pagkabata iniiwasan na si Gaia ng lahat dahil sa kakaibang marka sa kanyang mata. Iniisip nila na isa iyong sumpa at isa siyang malas na dapa...