Chapter 26

688 55 1
                                    

"Bakit ang tagal mo?" Salubong ni Liberty ng dumating siya sa inookupa nitong mesa katabi si Aurus. Nanlaki naman ang mata ng babae ng bumaling sa kasunod niyang lalaki. "Lord Yuan, bakit narito ka?"

"Tsk!" Suplado nitong sagot at umupo sa isang bakanteng upuan.

Umupo rin siya at sinimulan ang pagkain.

"Hindi nyo ba ako bibigyan ng pagkain?" Tanong ni Yuan.

Nataranta namang tumayo si Liberty.

"Hayaan mo siyang umorder ng pagkain niya," sambit niya sa babae.

"Hindi mo ba siya kilala? Pamangkin siya sa pinsan ng Division leader. Ibig sabihin kamag-anak siya ng namumuno sa Riyam at nararapat din siyang pagsilbihan," sagot ni Liberty.

Bahagya naman siyang lumingon kay Yuan. Nakangisi ito sa kanya habang prente itong nakasandal sa upuan.

"Kukuha ka ng sarili mong pagkain o paalisin kita?"

Sumimangot naman ito at padabog na tumayo.

"Nagtataka na talaga ako sa'yo, Gaia. Parang lahat ng nakikilala mong lalaki sinusunod lahat ng sinasabi mo," komento ni Liberty bago muling umupo.

"Hindi lahat," sagot niya at bahagyang sumulyap kay Aurus na abala sa sariling pagkain.

"Oh, talaga? Sino naman ang hindi sumusunod sa'yo?"

"Hindi ka mabubusog kahit sagutin ko 'yan. Kumain ka na lang," walang buhay niyang sagot dito.

Naging tahimik ang kanilang mesa kahit ng bumalik si Yuan dala ang sarili nitong pagkain. Mabilis naman niyang tinapos ang pagkain. Kinuha niya ang baso ng kanyang tubig pero bigla iyong nabasag pag-angat niya. Narinig niya ang tawanan sa kabilang mesa tatlong metro ang layo sa pwesto nila.

"M-miyembro sila ng Palitaw. Sila ang dumudukot sa mga kababaihan para ibenta bilang alipin." Kinakabahang sabi ni Liberty. 

"Nasugatan ka ba?" Tanong ni Aurus.

"Malabo siyang masugatan. Isang buto lang ng halaman ang hinagis nila rito. Alam din niya kung paano umiwas sa bubog ng baso," balewalang sabi ni Yuan na patuloy sa pagkain.

"Ang galing mo talaga umasinta, Tobi! Walang mintis!" Masayang sabi ng isang lalaki mula sa mesang iyon.

Nakangisi namang dinampot ng lalaking tinawag na Tobi ang isang prutas sa mesa.

"Huwag mo kasi akong hinahamon, Goryo. Kilala nyo ang husay ko sa pag-asinta. Mapapahiya lang kayo," sambit nito bago kumagat sa prutas.

Mabilis naman niyang kinuha ang kutsilyong hawak ni Yuan na ginagamit nito sa paghiwa ng ulam. Walang pag-aalinlangan niyang hinagis iyon sa direksyon ng lalaking may hawak na prutas. Napansin niya ang pamumutla nito ng tumusok ang kutsilyo sa pagitan ng daliri nito. Tuluyan nitong nabitawan ang prutas habang nakatusok doon ang patalim.

"Tsk! Nawalan na ako ng gana," sambit ni Yuan.

"Dadalhan ko si Brie ng pagkain," pahayag niya bago tumayo.

"Uminom ka muna," ibinigay naman ni Aurus ang sarili nitong inumin sa kanya. Tinanggap niya iyon at uminom. Binalik niya rin ang baso sa mesa pagkainom niya.

"Sandali!" Sigaw ng lalaking pumuri kanina sa bumato sa kanya na tinawag na Goryo ng kasama. Hinarangan nito ang kanyang daraanan.

Kaagad namang lumapit ang isang waiter sa kanila.

"S-sir, pakiusap huwag po kayong maglilikha ng gulo. May mga panauhin po kami mula sa unang dibisyon," pakiusap nito pero itinulak lang ito ng lalaking humarang sa kanya.

Kingdom Warrior Series 1: Mark of the QUEENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon