Prologue

2.3K 98 2
                                    

Mainit. 

Tuyo at bitak ang lupa. 

Patay ang mga halaman. 

Napakalungkot ng kapaligiran habang nakatayo ang isang dalaga sa kapatagan. Ang kulay abo niyang mga mata ay nakatuon sa Toreng natatanaw mula sa kinatatayuan niya. Ang buhok niyang kasing dilim ng gabi ay marahang hinahampas ng hangin. Ang ilang hibla n'on ay nakawala sa pagkakatali at bumagsak sa gilid ng kanyang mukha. 

Hindi nakikitaan ng emosyon ang mukha ng dalaga na natural na sa kanyang itsura. Ang pagtanaw sa Toreng iyon ang libangan niya sa tuwing lumalabas sa kanyang bahay na kuweba. Ang Toreng parte ng misteryosong Kastilyo sa kaharian nila, ang Forbideria Kingdom. Ang parteng iyon ay tila napakalapit ngunit kung tutuusin, ilang milya ang layo nito sa kanya. Kailanman hindi pa niya narating ang lugar na iyon na sakop ng unang division. Sa Atar division lang siya nanatili at ito ang ika-anim na division sa kaharian ng Forbideria. 

Ipinasya ng dalaga na bumaba sa bayan ng makuntento sa pagtanaw sa Tore. Kailangan niyang bumili ng ilang kagamitan at pagkain para sa sarili. Isinuot muna niya ang malaking hood upang itago ang kanyang mukha, ngunit alam niyang alerto ang mga tao sa presensya niya. 

Nang makarating sa bayan, tila may nakakahawa siyang sakit kung umiwas ang mga tao. Hindi na lang niya pinansin ang mga ito maging ang bulungan ng ilan sa paligid. 

"Narito na naman siya," 

"Bakit hindi pa siya ipatapon sa Blackhole? Hindi umuunlad ang ating division kapag may malas sa ating lugar!" 

"Hinaan mo ang iyong boses, baka marinig ka niya."

"Totoo naman ah! Malas ang babaeng 'yan! Nadadamay tayo dahil sa kanyang sumpa."

Nagpatuloy sa paglalakad ang dalaga. Sanay na siyang sabihan ng masasakit na salita. Nasanay rin siya sa hiling ng mga tao na ipatapon siya sa Blackhole, ang bilangguan sa labas kaharian na hinaharangan ng Doom's gate. Nanaisin niyang doon na lang tumira kung matatahimik naman ang kanyang buhay. Ngunit hindi iyon pwedeng mangyari ng walang pahintulot mula sa Royal Family na alam niyang imposible sapagkat wala naman siyang ginagawang kasalanan. 

Tumigil ang dalaga sa tapat ng tindahan. Ngunit ng makita siya ng may-ari ay agad siyang itinaboy.

"Huwag ka rito! Doon ka sa iba bumili! Baka malasin ang paninda ko dahil sa'yo!" Walang nagawa ang dalaga kundi umalis. 

Bahagya naman siyang tumigil ng humarang ang dalawang grupo na nag-aaway sa daraanan niya. Normal na iyon sa Atar na tila isang libangan lang ng mga tao tulad ng grupong ito. Gumilid lang siya upang bigyan ng espasyo ang mga nag-aaway sa daan.

Parehong may limang miyembro ang bawat grupo. Pawang hindi nagpapatalo ang mga atake sa bawat isa. Walang may gustong sumuko kahit nanghihina na. Isang atake ang gumulat sa dalaga ng humugot ng patalim ang isang miyembro. Maswerteng nadepensahan iyon ng kalaban, ngunit ang patalim ay lumipad sa direksyon niya.

Bahagya niyang ginilid ang ulo para iwasan 'yon ngunit nahagip ang suot niyang hood. Sa marahang paglaglag ng hood sa kanyang likuran, ganoon din ang paglingon ng dalawang grupo sa kanyang kinatatayuan.

Sa halip na humingi ng dispensa, ngumisi pa ang sa tingin niya'y leader ng magkabilang grupo.

"Ikaw si Gaia, hindi ba? Ang malas sa Atar?" Tanong ng lalaking tirik ang buhok at may piercing sa ilong.

Hindi sumagot ang dalaga. Kahit hindi niya sabihin ang pangalan, kilala na siya sa buong lugar. Sino bang hindi nakakakilala sa kanya? Siya ang tinaguriang malas sa Atar at dahilan daw kaya na sa huling dibisyon ang lugar. Nagsimula ang usapang iyon noong labing anim na taon siya. Pero, simula ng magkaisip siya, na sa huling ranggo na ang Atar. Hindi na lang niya pinapansin ang bagay na iyon at nananatiling tahimik. 

Kingdom Warrior Series 1: Mark of the QUEENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon