Chapter 34

678 48 1
                                    

Seryosong pinagmasdan ni Gaia ang tatlong lalaking kasama nila. Parang hindi natulog ang mga ito. Bahagya pang nakapikit si Yuan, humihikab si Hugo at hindi naman tinatago ni Aurus ang pasimpleng pag-idlip. Ganito na ang itsura ng tatlo simula ng lumabas sa silid kahit sa pagkain at hanggang ngayon na paalis sila. 

"Ano bang ginawa nyo kagabi at parang hindi kayo natulog?" Tanong ni Liberty habang nakatingin sa tatlo.

"Nakakapuyat kayong tatlo," inaantok na sagot ni Yuan.

"Ginulo nyo ang isip namin," segunda ni Hugo sabay hikab.

"At bakit kami ang sinisisi nyo?" Mataray na tanong ni Liberty. Nameywang pa ito sa harap ng tatlo.

"Iniisip namin kung bakit may mga marka kayo sa katawan," muling sabi ni Yuan.

"A-anong marka ang sinasabi mo?" Nauutal na tanong ni Liberty. Napansin din ni Gaia ang pagiging balisa nito. Umiwas ito ng tingin kay Yuan at paulit-ulit na lumulunok. Mukhang kinabahan ito sa sinabi ng lalaki.

"Itong kapatid ni Hugo may marka sa leeg, si Gaia sa mukha ikaw naman sa likod ng tainga." Muling sabi ni Yuan.

Napatingin si Gaia sa likuran ng tainga ni Liberty. Akala niya namalikmata lang siya sa nakita noong na sa Riyam sila. Napansin niya iyon habang nakatalikod ito ng sunduin siya nito sa fish pond para kumain. 

"W-wala akong marka," iwas tingin na sabi ni Liberty.

"Hindi mo na kailangan ikaila ang bagay iyon. Nakita ko rin ang iyong marka," sambit ni Gaia sa babae.

"Nakita ko rin po iyon Ate Liberty," sang-ayon ni Brie na nakahawak sa kamay ni Ezraya. Tulad kahapon, suot pa rin nito ang puting kapa at nakatakip sa ulo ang hood niyon.

"Bakit kailangan mong itago 'yan? Hindi lang naman ikaw ang merong marka. Maswerte ka nga e dahil isa ka sa napili ng Reyna para maging personal na tagasilbi. Makikita at makakasama mo ang pinaka-misteryosong tao sa Forbideria."

Naguluhan si Gaia sa sinabi ni Yuan. Wala siyang ideya na nagmula sa Reyna ang kanilang marka. Ngunit nagtataka na rin siya sapagkat ang nakaguhit sa papel na ibinigay ni Sigmundo ay tumutugma sa marka ni Ezraya at kay Sara. Akala niya si Sara ang Reyna na tinutukoy sa papel ngunit hindi maaaring dalawa ang Reyna. Kailangan niyang kumpirmahin ang bagay na iyon.

"Umalis na tayo," sambit niya sa mga kasama.

"Pwede bang mamayang hapon na lang tayo umalis? Inaantok pa talaga ako," hiling ni Yuan.

"Ezraya, ikaw ang mag-renda sa kabayo nyo ni Yuan." Sambit niya sa babae. Tumango naman ito.

"Paano kami, Master?" Tanong ni Hugo habang tinuturo ang sarili at si Aurus. 

"Humawak na lang kayong mabuti sa renda para hindi mahulog. Kung gusto nyo, itatali ko kayo sa kabayo." Seryoso niyang suhestiyon.

"Hindi pa nagtatagal na magkakasama tayo, alam ko na kung sino ang paborito mo Master." Nakangusong reklamo ni Hugo.

Hindi pinansin ni Gaia ang pagrereklamo nito. Binuhat niya si Brie at unang isinakay sa kabayo. Walang salita niyang pinatakbo ang kabayo ng makasakay na rin siya. Narinig naman niyang sumunod din ang mga ito.

...

...

Bago sumapit ang tanghaling tapat, nakarating sila sa abandonadong lupain ng Dekzas. Malawak na buhangin iyon na tila isang disyerto ngunit hindi naman mainit sa lugar. 

"Mag-ingat kayo. Mayroong mapanganib na butas sa buhangin na 'yan." Babala ni Hugo na siyang nangunguna ngayon para sundan nila. Mas kabisado ni Hugo ang lugar kesa sa kanila. 

Kingdom Warrior Series 1: Mark of the QUEENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon