Tahimik na pinagmamasdan ng Division leader ng Riyam ang walang malay na babae na nakahiga sa kanyang higaan. Halata ang pagtataka sa binatang pinuno habang nakatitig dito. Iniisip niya kung saan nakita ang pamilyar na babae.
"Pinunong Liam," mayuming boses ang narinig ng Pinuno kaya inalis niya ang tingin sa natutulog na babae. "Nawalan lang po siya ng malay," pahayag nito.
"Heriya," Sambit niya sa pangalan ng isa sa kanyang tagasilbi. Ito rin ang sumuri sa walang malay na babae. "Sa tingin mo, bakit siya ang kinikilalang pinuno ng inyong tribo?" Tanong niya sa babae na isa rin sa dating Pinuno ng Amazona Tribe.
Iyon ang labis niyang pinagtataka. Wala rito ang tatak ng tala pero ayon sa kanyang mga tauhan, ito ang Pinuno ng Amazona tribe. Kitang-kita raw nila kung paano ito igalang ng buong tribo.
Mayumi itong ngumiti. Hindi na ito katulad noong una niyang nakita ang babae. Nawala na ang bangis ng pagiging Amazona rito at napalitan ng mayumi at mahinhin na babae. Ngunit kahit ganoon, malaki pa rin ang naitutulong ng mga ito sa kanya.
"Marahil natalo po niya ang pinakamalakas na miyembro ng tribo ngayon," sagot nito.
Muling tumingin si Liyam sa nakahigang babae. Bukod sa mga mata nitong matalim tumingin, wala sa itsura nito na marunong itong makipaglaban. Maihahalintulad niya ang babae sa isang babasaging crystal na dapat pangalagaan at protektahan. Ngunit lihim niyang hinangaan ang lakas ng loob nito. Hindi niya nakitaan ng takot ang mga mata ng babae kahit napapalibutan ito ng kanyang mga tauhan. Maging ang pinakita niyang otoridad ay hindi nito pinansin, bagkus, nakipaglaban pa ito ng titig sa kanya.
"Paano niya matatalo ang katulad ni Gur?" Kilala niya si Gur dahil sa lahat ng naging leader ng Amazona, ito lang ang may makasariling adhikain. Gusto nitong makamit ang tatak ng tala para maging kabiyak niya at maging pinuno ng buong Riyam. Bukod doon, hindi rin matatawaran ang lakas nito sa pakikipaglaban.
"Hindi ko po masasabi, Pinunong Liam. Maaaring na sa tribo ang kasagutan," suhestiyon nito.
Gusto na rin niyang magtungo sa Amazona Tribe para kunin ang kanyang Ina. Nang malaman niyang namukadkad na ang Krandular, umaasa siyang aalis na roon ang kanyang Ina. Matagal na rin itong naghihintay sa pamumukadkad ng kulay abong bulaklak pero nagdadalawang isip siya dahil alam niyang may galit sa kanya ang tribo. Akala ng mga ito, pinapatay niya ang mga dating leader kaya sapilitan niyang kinukuha ang mga 'yon.
Taliwas sa kaalaman ng tribo, hindi niya sapilitang kinukuha ang mga dating leader. Maayos niya itong iniimbitahan upang malaman kung namumukadkad na ang krandular. Ngunit kailan lang niya ginamit ang kanilang mga armas para takutin ang mga ito dahil naging marahas na rin ang tribo sa paulit-ulit niyang pag-imbita sa mga Pinuno. Wala naman siyang magawa kapag nagmamakaawa ang mga Pinuno na pagsilbihan siya. Ganoon ang palaging nangyayari kapag nakakausap niya ang dating mga Pinuno ng tribo na ngayon ay mga tagasilbi niya. Doon tumindi ang galit ng tribo at naging kaaway ang tingin sa kanya.
"Hindi pa rin nawawala ang galit sa akin ng tribo. Hindi ako maaaring magtungo roon," malungkot niyang sabi.
Bilang Pinuno ng isang dibisyon, ayaw niyang nahahati ang kanyang nasasakupan. Akala niya noon mawawala na ang galit ng tribo sa kanya ng kusang loob na nagpakulong doon ang kanyang Ina. Ayaw niya itong payagan pero nagpumilit ito para rin daw iyon sa Riyam. Ngunit hindi nagtagal, nalaman niya ang totoong motibo ng kanyang Ina. Gusto nitong masaksihan ang pamumukadkad ng kulay abong bulaklak na alam niyang hindi na maaaring mangyari dahil matagal na iyong kinalimutan sa Forbideria, pero malakas ang paniniwala ng kanyang Ina na masisilayan nito ang bulaklak. Ngunit ng masilayan niya ngayon ang bulaklak na dating sa larawan niya lang nakikita, naisip niyang may iba pang dahilan ang kanyang Ina kaya nito piniling manatili roon at iwanan siyang nag-iisa.
BINABASA MO ANG
Kingdom Warrior Series 1: Mark of the QUEEN
ActionFighting is required. Killing is a choice. How will you face a situation where killing is required? Simula pagkabata iniiwasan na si Gaia ng lahat dahil sa kakaibang marka sa kanyang mata. Iniisip nila na isa iyong sumpa at isa siyang malas na dapa...