Tahimik na pinagmamasdan ni Gaia ang payapang karagatan. Nakaupo siya sa malaking bato sa tabing dagat. Parte ng Ruba ang kinaroroonan nila ngayon, pero isa itong sekretong lugar sa dibisyon. Isang linggo na siyang nanatili rito kasama ang iba pa. Ayon kay Ginang Hera, ito ang ginawang daan ng kanyang asawa para itakas ang kanilang mga anak. Akala niya dalawang lagusan lang ang mayroon sa Forbideria. Ngunit ng makita niya ito, maaari itong gamitin ng sinuman para makarating sa ibang kaharian.
Hindi pa rin siya makapaniwala na Ina ni Aurus si Ginang Hera. Isa si Aurus sa dalawang sanggol na isinilang nito at pinatakas upang iligtas sa malupit na Ama. Nakulong si Ginang Hera ng matagal na panahon. Hindi nito alam kung kilala ito ni Aurus bilang Ina.
Labis ang pagmamakaawa nito sa kanya na tanggapin ang tungkulin bilang Reyna. Gusto nitong iligtas ang anak sa posibilidad na maging Divine lord. Kapag tuluyang nawala ang alaala ni Aurus, hindi na nila ito maibabalik sa dati. Tanging siya lang ang pwedeng makapasok sa Kastilyo dahil sa dugo ng kanyang angkan pero hindi niya alam kung paano siya magiging Reyna. Gusto niyang pumasok doon para iligtas si Aurus.
"Maayos na ba ang pakiramdam mo?" Narinig niya ang boses ni Sara pero hindi siya nag-abalang tumingin dito.
"Paano kayo nakatakas sa Aces noon?" Tanong na lang niya. Kahit ibang katanungan ang lumabas sa kanyang bibig nananatili naman ang tanong sa kanyang isip. Ang tanong kung paano siya magiging Reyna.
Umupo si Sara sa kanyang tabi. Nakatingin din ito sa payapang karagatan.
"Natalo kami ng Aces pero dumating si Ginoong Patud at iniligtas kami pag-alis ng mga ito. Dinala niya kami rito at ginamot. Nagawa rin niyang alisin ang marka ng Sandevil kay Yuan. Kaya ligtas na si Yuan sa anumang sumpa ni Pluto,"
Bahagyang pumikit si Gaia ng umihip ang mabining hangin. Maganda ang sikat ng araw. Payapa ang kapaligiran. Ganito ang hinahangad niyang tahanan. Hindi niya ito makakamit hanggat nananatiling buhay si Pluto at Xian. Patuloy nilang aalipustahin ang mamamayan ng Forbideria. Ang kahariang inaalagaan ng kanyang pamilya. Kailangan na rin niyang kumilos habang inaalam kung paano siya magiging Reyna.
"Ano ngayon ang desisyon mo?" Tanong ni Sara. "Naghihintay ang lahat sa plano mo."
Nanatiling nakapikit si Gaia. Pinapakinggan niya lang ang mga sinasabi ni Sara.
"Narito na rin si Liberty at Brie. Sinundo sila ni Yuan at Hugo sa Biloah. Habang pabalik sila rito, nakita naman nila ang grupo ni Heather. May apat pa siyang kasama at ang isa sa kanila ay ang Division leader ng Riyam. Dalawang araw na sila rito. Kung gusto mo silang kausapin, tatawagin ko sila."
"No need." Sagot niya bago nagmulat ng mga mata. Tumayo siya sa inuupuang bato. Muli niyang pinagmasdan ang payapang paligid. "Makakamit ng Forbideria ang kapayapaang ito." Seryoso niyang sabi.
Habang tinatanaw ang karagatan, muli niyang naalala ang sinabi ng kanyang Ina.
'Gaia, tandaan mo ito. Darating ang panahon na titingalain ka ng lahat. Patuloy kang mabuhay hanggat hindi dumarating ang araw na 'yon. Maging malakas ka, Iha.'
'Ina, kung nasaan ka man naroroon. Salamat sa sakripisyo mo para marating ko ito. Ngayo'y nauunawaan ko na ang gusto mong sabihin. Ang maging malakas hindi lang para sa sarili ko kundi para sa mga mamamayan ng kaharian ko!' Matigas niyang sabi sa kanyang isip.
Parang may nabuhay sa kanyang pagkatao ng sabihin niya iyon. Naglalakbay ang mainit na pakiramdam sa kanyang mga ugat. Guminhawa ang kanyang pakiramdam. Mas naramdaman niya ang paligid. Parang naging isa sila ng kapaligiran.
Tumingin si Gaia ng biglang tumayo si Sara. Nakangiti ito sa kanya bago yumukod. Napansin pa niya ang nanunubig nitong mga mata.
"Salamat, Kamahalan. Salamat at tinanggap mo na ang iyong katauhan."
BINABASA MO ANG
Kingdom Warrior Series 1: Mark of the QUEEN
ActionFighting is required. Killing is a choice. How will you face a situation where killing is required? Simula pagkabata iniiwasan na si Gaia ng lahat dahil sa kakaibang marka sa kanyang mata. Iniisip nila na isa iyong sumpa at isa siyang malas na dapa...